Chapter 30

4.3K 177 127
                                    

Hindi kami nakapagdate noong weekend na 'yon dahil nga nagkasakit ako at pinili ko na lang magpahinga. Hindi rin naman makapunta si Theo sa amin dahil hindi naman kami legal.

Kailan ko kaya masasabi yung tungkol sa amin?

Nagpagaling ako dahil ayokong abutin ng Monday. Mahirap na maiwanan sa acads. Sipon at ubo na lang naman na ang meron ako, pero hindi na ako nilalagnat. Kinamusta agad ako ni Petty nang nakita niya ako sa room tapos tumitig sa 'kin na parang may gusto siyang sabihin ko.

"A-ano?" tanong ko nang sobrang tagal na niyang nakatitig.

"Wala ka bang ikukuwento? Kung ano nangyari no'ng Friday?" sabi niya. "Usually, mga friends ko may paganyan sa mga jowa nila, may post agad sa Facebook ng sobrang habang message e. Pero ikaw ni picture, ni kuwento, wala."

Ngumiti lang ako. "Fail e."

Kinuwento ko kay Petty lahat—yung paghatid sa 'kin ni Hudson, yung pagtulog ko hanggang alas-onse at nagising sa halik niya, yung medyo away namin, yung fail pero semi-sweet na dahilan kung bakit hindi pumasok agad si Theo, at yung pasorpresa ng org niya.

"Pasorpresa ng org pero itong dalawang orgmate niya, walang alam?" tanong ni Petty.

Tumango ako.

"Weh," naiinis na dagdag niya, "if I know, plinano 'yon ng pusa na 'yon. Te, ano na? Parang unti-unti mo na lang na pinapanood na mawala siya sa 'yo. Ako 'tong nasasaktan para sa 'yo, e."

Nagbuntonghininga ako. "Gusto ko siyang pagkatiwalaan. Ayokong maging immature para magselos sa isang bagay na hindi naman pala nag-e-exist. Hindi naman niya ako mundo."

"Oo, hindi ka niya mundo, pero parte ka. Hindi puwedeng ikaw lang 'tong adjust nang adjust. Oo, siya 'tong nakapasa sa magandang university at maraming expectations sa kanya. Pero . . . paano ka?"

Paano . . . ako . . .

Bigla na lang ako naiyak. Naiyak dahil naguguluhan na ako. Paano ba? Ang sakit, ang sakit—yung alam kong ako naman yung girlfriend niya, na ang sabi niya, mahal niya ako . . . pero bakit hindi ko na siya nararamdaman? Ano ba, ano bang gusto ko? Kailangan ba pisikal siyang nasa tabi ko para maramdaman ko? Ako ba ang mali? Ako lang ba ang may mali? Kami ba pareho?

Ang sakit . . .

Na sobrang nagseselos ako, pero ayoko matawag na "possessive," kaya dinadaan ko na lang sa paghinga at nagtitiwala ako . . . pero hanggang saan? Paano ko malalaman na nawawala na pala siya sa 'kin? Anong hangganan?

Na gusto ko ng oras niya, pero naiintindihan ko yung mga expectations sa kanya dahil mula sa pagiging "normal," heto siya, may biglang naabot . . . at sobrang proud ako sa kanya kaya nga tinutulungan ko siya hanggat kaya ko. Pero paano ako? Hanggang kailan ako mag-a-adjust?

May hangganan ba ang pag-iintindi?

Paano ba balansehin lahat ng 'to?

What's the borderline between selfishness and self-love?

Mali bang itanong ko 'yon?

Sinabi ko 'tong lahat kay Petty na walang nagawa kundi ang tapikin at himasin ang likod ko para tumahan. Hindi pa man din nangangalahati ang buong araw, heto, ganito na.

"Bakit ganito?" sabi ko habang pinupunasan yung mga mata ko. "Noong una, ang saya-saya naman namin. Dapat ba hindi ako nag-risk?"

"Gano'n naman talaga 'yon e. Iyon lang naman ang gusto ng tao sa isang relasyon—yung kilig. Pero paano yung sakit na hindi maiiwasang kasama? Kapag hindi nila pinaghandaan 'yon, susuko talaga sila agad."

Lost and FoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon