Chapter 12 : Mines of Gold

6K 358 36
                                    

-----

Nakasalampak si Fredo sa damuhan sa bakuran ng mansyon. Ang mahabang putol ng kawayan ay nakasandal sa balikat niya. Dalawang dipa ang layo mula sa kanya, malapit sa tarangkahan ay nakatayo naman ang taong kilalang-kilala nila. Noon. Si Maximus Cruzado: ang huling Alchemist.

“Wala kang mapapala rito. Kahit na anong gawin mo ay hindi ka makakapasok sa loob.” sabi ni Fredo at inayos ang kawayan sa balikat niya. “Kanina pa tayo nag-aaksaya ng oras.”

Matipid na ngumiti ang kausap na lalaki. Malakas ang kapangyarihang nagbalik sa buhay nito. Ang katawan nito ay nasa tatlumpong taong gulang lamang. Mas bata ng limang taon sa edad nito nang bawian ng buhay sa isang labanan noon. Kung malalapitan pa sana niya ay masisiguro niya kung tama ang sapantaha niya sa ritwal na ginamit dito. Pero imposible iyon. Kanina pa sila nagkukulitan ng lalaki ay wala namang nangyayari.

Ang laban sa pagitan ng isang Pari at Alchemist ay laging maituturing na tabla. Ang Alchemy ay humuhugot ng opensa at depensa sa iba’t ibang uri ng mga ritwal. At pinamamahalaan naman ng mga Pari ang lahat ng uri ng ritwal. Magkatapat ang lakas at kapangyarihan nila ng lalaki.

“Kung ang iniisip mo ay pumasok sa loob para patayin sina Helena at West, mas lalo kang nag-aaksaya ng oras. Nasa ibang dimensyon sila ngayon. Naririnig mo naman siguro mula sa loob.” dugtong niya pa.

“Hinihintay ko si Gio.” simpleng sabi ni Max.

Napailing-iling siya. Nararamdaman nila ang papalapit na kapangyarihan ni Gio. At ang init ng ulo nito. Alam niyang sugatan sina Alicia at Leo.

Nagbilang siya ng hakbang ng lalaking hinihintay. Isa, dalawa, tatlo... sampung hakbang, dalawampu. At mula sa bumukas na pinto ng malaking bahay, lumabas si Gio na madilim ang mukha. Nagdilim din ang mukha niya sa pagkakakita pa lang sa lalaki. Hindi pa man ito nakakalapit ay gusto na niyang makipagsuntukan.

“Hoy, Gio -”

Mula sa pinto ng mansyon ay iwinasiwas ni Gio ang isang kahoy na maitim ang kulay. Kastigo! Nabitak ang lupa mula sa kinatatayuan nito. Napatayo siya sa damuhang mabilis na tinahak ng bitak at gumilid. Tumuloy ang bitak sa kinatatayuan ni Max, bumuka ng malaki at bago pa makapagsalita man lang ang lalaki, gumuho ang lupa sa paanan nito at nalaglag ito sa ilalim. Saka tumikom ang lupa.

Walang salitang umikot si Gio para bumuwelta sa loob ng mansyon.

“Hoy, Gio!” asar na tawag niya sa lalaki. “Bakit ka pa lumabas dito?”

“At bakit ka nandito?” balik-tanong nito sa kanya.

Nagdilim ang mukha niya sa tanong nito. Nagdilim din ang mukha nito.

“Lumabas ako dahil naiistorbo ang panggagamot ko sa loob.” sagot nito sa tanong niya.

“Ako naman ay nakaantabay doon sa nagbalik na Drifter. Baka ikako kalaban. Kagulat-gulat naman na may iba pang nabuhay na mga patay bukod kay Helena.”

The Drifter Case #01 : The 150-year Old Man (COMPLETED)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin