Chapter Forty-One

18.6K 1.1K 299
                                    

Chapter Forty-One


First love. Hindi makakalimutan ni Maddison ang unang beses na tumibok ang puso niya para sa isang lalaki. Sa isang banquet, kung saan nagtipon tipon ang mga makapangyarihang pamilya, doon niya ito natagpuan.

Ang banquet na iyon ay open lang sa mga piling tao. Hindi sapat na may pera ka lang. Dapat ay may matibay na pundasyon ang inyong pamilya, may daang taon nang yaman, at maraming koneksyon. Saka ka lang matatanggap sa high society kung mayroon ka ng mga ito. Kaya naman ang mga upstart o noveau riche ay hindi kasama rito gaano man sila kayaman.

Kabilang ang pamilya ni Maddison sa mga noveau riche. Isang upstart ang kanyang ama na nagtayo ng isang construction company. Sa isang pribadong school siya nag-aaral kung saan puro laki sa yaman ang mga kaklase niya.

Isang araw ay narinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito. Tungkol iyon sa isang birthday banquet. Noong una ay hindi siya interesado dahil marami na rin siyang napuntahan na mga ganito ngunit makalipas ang ilang araw, ang birthday banquet parin ang pinag-uusapan ng mga kaklase niya.

Nang tanungin niya ang kanyang mga kaklase, doon niya nalaman ang kaibahan nito sa ibang banquet. Gumamit ang mga ito ng mga descriptions na mala-fairytale. Fourteen years old palang siya noon at malakas ang kanyang imahinasyon. Nabuo ang isang enggrandeng party sa kanyang isip. Simula noon ay naging interesado na siya sa banquet na tanging piling tao lang ang maaaring pumunta.

Dahil sa kanyang natural na kuryosidad, sinabi niya sa kanyang ama ang kagustuhan niyang makapasok doon. Ngunit dahil hindi pa tanggap ang pamilya nila sa high society, hindi sila imbitado.

Ilang araw siyang hindi nakakain. Sa awa ng kanyang ama, gumawa ito ng paraan upang makapasok siya bilang server sa banquet. Marami itong ibinilin bago siya paalisin ngunit dahil sa excitement ay nakalimutan niya.

Napakasaya niya noong araw na iyon. Kahit na waitress lang siya ay makikita naman niya ang loob ng banquet. Pakiramdam niya ay siya si Cinderella na a-attend ng royal party.

At sa gabing iyon niya nakita ang kanyang unang pag-ibig.

Nakasuot ang binata ng isang three-piece white suit. Matikas ang tindig nito habang nagsasalita sa stage. Mayroon itong banayad na ngiti sa mga labi at ang boses nito ay kaaya-aya sa pandinig.

Pakiramdam ni Maddison ay sasabog ang kanyang dibdib sa bilis ng tibok ng kanyang puso.

Ang pangalan ng binata ay Alastair Fairchild. Isa itong natatanging henyo na sa batang edad palang ay may pinapatakbo nang sariling kompanya.

Ibang iba ang imahe nito sa mga kaklase niyang lalaki. Isa itong prinsipe na maging sa high society ay hinahangaan. Puro papuri para kay Alastair ang naririnig niya mula sa mga taong naroroon. Lubos ang kanyang naging paghanga. Isa itong perpektong lalaki na tanging sa mga palabas lang sa TV niya nakikita.

Hindi nakalimutan ni Maddison ang imahe ni Alastair noong gabing iyon. Palagi niya itong napapanaginipan.

Dito rin unang pumasok sa kanyang isip na maging isang sikat na artista. Kung magiging sikat siya, siguro ay makakarating kay Alastair ang kanyang pangalan. Siguro ay makakapasok na rin siya sa high society. Kapag nangyari iyon ay pwede na niyang lapitan ang binata at kausapin nang harapan.

Sa kasamaang palad, iyon ang huling beses na nakita niya si Alastair. Bigla itong tumigil sa pagdalo sa mga banquet. Dumaan ang ilang taon at nawalan na ng pag-asa si Maddison na muli itong makita.

Hanggang sa dumating ang araw na ito.

Hindi kalayuan mula sa kanyang kinatatayuan ay nakita niya si Alastair Fairchild. Hindi niya akalain na makikita niya itong muli! Ang natutulog niyang puso ay muling nabuhay.

They Came from the SkyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon