Chapter 37: Good old days

5.5K 86 1
                                    

Chapter 37: Good old days

Hindi na ulit ako bumalik sa unit niya pagkatapos. Kapag nagkikita o nagkakasalubong kami, ako na mismo ang umiiwas. Napagtanto ko rin kasing nakakagulo na ako sa kanila. Ayaw ko namang maging dahilan ng paghihiwalay nila. Nagmamahalan sila, at masaya na siya sa piling niya. Isa pa, ikakasal na rin sila. Kahit pa gustong-gusto ko siyang agawin mula sa lalaking iyon, at kahit pa nais kong paghiwalayin silang dalawa, hindi ko magawa. Kapag nagkataon, kawawa ang bata. Saka ano bang laban ko? Fiance siya, bestfriend lang ako. Bestfriend na binaon sa limot.

Alam ko. Sinabi kong hindi ako lalayo kaso kinain ko na naman ang mga salitang binitawan ko. Hindi ko naman siya balak iwasan habang buhay. Kailangan ko lang ng oras para makapag-isip-isip. Kung ipagpapatuloy ko pa ba 'tong paghahabol sa kaniya kahit alam kong wala rin namang patutunguhan sa huli.

Naging boring ang mga sumunod na araw. Ibinuhos ko nalang ang oras ko sa pagtratrabaho at pagpapaunlad ng negosyo namin.

Kapag walang pasok, tumatambay ako sa isang gym na pagmamay-ari ng kaibigan ko, nagbababad sa computer, kumakain o kaya ay natutulog. Nagpatuloy iyon hanggang sa sumapit ang araw ng reunion ng aming batch no'ng high school.

Hindi na sana ako pupunta kung hindi lang ako kinulit at pinilit ng mga kaibigan ko. Nagpahuli ako ng ilang minuto dahil tinatamad ako.

Wala namang mas'yadong pinagbago ang school. Bagong pintura ang mga gusali at may ilang bagong tayong building malapit sa field. Habang naglalakad ay mataman kong pinagmamasdan ang paligid. Sa 'di kalayuan ay natanaw ko ang isang binata at magandang dilag naka-suot ng school uniform, masayang nagtatawanan habang nagpapaunahan papunta sa kung sa'n. Sinundan ko sila hanggang sa marating ko ang classroom namin no'ng fourth year high school kami. Patakbo silang umupo sa may pangalawa sa huling row ng mga upuan. Inilabas ng binata ang kaniyang gitara mula sa lalagyang dala.

"Anong gusto mong tugtugin ko?" nakangiti niyang tanong sa dalaga.

"Kahit ano," nakapangalumbabang sagot ng kausap niya.

Nagsimulang tumugtog ang binata. Umalingawngaw sa buong silid ang tunog ng kaniyang gitara, na maya-maya'y sinabayan ng isang pamilyar na awitin.

"I don't mean to run, but everytime you come around I feel more alive, than ever..."

Habang tumutugtog ang binata na sinabayan ng pagkanta ay tahimik lang na nakamasid sa kaniya ang dalaga. Ang mga mata nito'y sa kaniya lang nakatingin. Para bang may sariling mundo ang dalawa, hindi alintana ang mga taong nakapaligid sa kanila.

"And I guess it's too much, maybe we're too young, and I don't even know what's real. But I know I've never wanted anything so bad..."

Nang mag-angat ng tingin ang binata ay saglit silang nagkatitigan. Agad namang umiwas ng tingin ang dilag ngunit hindi natinag sa pagtugtog ang lalaki. Nagpatuloy siya sa pag-awit kasabay nang pagtugtog ng gitara.

"I've never wanted anyone so bad..."

Pagsapit ng chorus ay nakisabay na rin sa pag-awit ang dalaga. Ang kanilang tinig ay ang pinakamagandang kombinasyong aking narinig.

Bed friends? (Completed)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang