Chapter 20

68.9K 3.7K 9.7K
                                    

[Chapter 20]

May 2003

Naalimpungatan ako nang tumigil ang bus. Nagsimulang tumayo ang mga kasama kong pasehero, maging ang mag-ina na katabi ko ay bumaba rin. Umakyat ang ilang tindero bitbit ang kanilang mga panindang buko pie, tarts, chicharon, espasol at kung anu-ano pang pampasalubong.

Tinanggal ko ang earphones na nakasalpak sa aking tenga at pinatay ang Walkman. Maraming nagtatanong kung bakit mas gusto ko pa rin gamitin ang Walkman at bumili ng mga cassette tapes kahit ang uso na ngayon ay CD Player. Maging ang mga song album na ni-rerelease ngayon ay CD na lahat.

Iniunat ko ang aking kamay at likod, dumungaw ako sa bintana. Hindi man air-conditioned ang bus na ito, malamig at sariwa pa rin ang hangin dito sa Laguna.

Nang makababa na ang ilang pasahero, kinuha ko na rin ang aking backpack at bumaba para kumain. Kasalukuyan kaming nasa isang terminal ng bus para sa stop over dahil oras na ng tanghalian. Sumunod ako sa agos ng maraming tao papunta sa magkakatabing carinderia at food stall.

Kaliwa't kanan din ang mga nagtitinda ng mga pasalubong. Ngumingiti lang ako at umiiling sa tuwing inaalok ako. Hindi naman ako magtatagal sa Atimonan, dalawang araw lang ako nakapag-leave sa trabaho.

Nagtungo muna ako sa C.R para itali ayusin ang buhok kong medyo nanigas na dahil sa lakas ng hangin habang nasa byahe. Sinuklay ko sandali ang aking buhok, itinali iyon nang maayos at hinawi ko rin ang aking bangs. Ayoko sana magpalagay ng bangs kaso masyado mapilit si mama. Ito rin ang uso ngayon. Buti na lang humaba na ito kaya ang magkabilang hibla na lang ang nakalitaw sa aking mukha.

Inayos ko rin ang suot kong white sando na pinatungan ng denim jacket at ripped jeans. Tinitigan ko sandali ang aking sarili sa salamin. Madalas akong tumigil sa stop over na ito tuwing bumabyahe ako pauwi sa Atimonan.

Napatitig ako sa mahabang itim na kuwintas na suot ko ngayon. Gitara ang disenyo nito na regalo sa'kin ni Leo noong nakaraang Pasko.

Lumabas na ako sa C.R at tumingin ng mga pagkain sa magkakatabing food stall at carinderia. Bumili ako ng tortang talong, ketsup, kanin at Pop Cola. Maraming mga mesa ang nasa isang area ng terminal. Dumiretso ako doon at nagsimulang kumain.

May mga bus na dumarating at may mga umaalis. Sa bawat pagdating at pag-alis ng mga ito ay may mga pasaherong masayang sinasalubong ng kanilang mga pamilya. Habang ang ilan naman ay lumuluha habang kumakaway sa mga kamag-anak na umaalis.

Nagpatuloy lang ako sa pagkain hanggang sa mapatingin ako sa colored TV na nasa gitna ng kainan. Halos lahat ay nakatingin din doon, LOTTO draw kanina ang pinapalabas kaya hindi ko iyon pinapansin hanggang sa ilapit ng security guard ang channel sa noontime show.

Napangiti ako nang makita sa TV si Leo kasama ang banda nila na Rosero. Tumutugtog sila sa stage habang kinakanta nila ang latest single nila na 'Adik'. Kasama ni Leo sa banda ang kaniyang papa na si Tito Ric at ang kaniyang tito na si Sir Ched.

Five years ago, nahihirapan si Leo magdesisyon kung haharapin niya ba ang papa niya o hindi nang umuwi ito sa Pilipinas. Matagal na itong nakatira sa California kasama ang mga magulang nito. Mula nang ma-disband ang Galaxy Storm, ipinasok si Tito Ric sa rehab para maging mabuti ang kalagayan nito.

Naiwan naman si Sir Ched dito sa Pilipinas at siyang nag-asikaso ng mga negosyo ng pamilya nila. Si Sir Ched din ang nagpaaral kay Leo sa college at magkasama rin silang tumugtog palagi sa mga gig noong nag-aaral pa lang kami sa kolehiyo.

Napalingon ako sa mga babaeng kinikilig habang sinasabayan ang bagong kanta ng bandang Rosero. Hindi ko maitatanggi na sumisikat na ngayon ang banda nila, kaliwa't kanan na rin ang mga TV shows, radio guesting at newspaper interview nila. Madalas din sila ma-feature sa mga sikat na magazine at halos sila rin ang front cover ng mga song hits ngayon.

Leo and AriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon