CHAPTER 3

882 33 0
                                    


PASIPUL-SIPOL si Bastian habang nagtatanggal ng sintas ng sapatos niya pagpasok niya sa bahay nila ng tiyahin niya.

"Bastian? Ikaw na ba iyan, anak?" anang Tiya Carla niya sa paos na tinig mula sa ikalawang palapag ng bahay.

"Opo, Tiyang," tugon niya na agad pumanhik sa labimpitong baitang na hagdan paakyat sa pangalawang palapag.

Kung tutuusin ay aalug-alog silang magtiya sa malaking bahay na iyon. Noong buhay pa ang Tiyo Marciano niya at ang lolo nitong si Lolo Poncio, kahit paano ay apat sila roon. Ngunit nang halos magkasunod na yumao ang dalawa tatlong taon na ang nakararaan, tanging sila na lamang ng tiyahin niya ang naroon.

Bagaman sa bahay na iyon ipinanganak at lumaki ang ama ni Tiyo Marciano na si Lolo Poncio, hindi legal na nakapangalan sa matanda ang titulo ng lupa. Matapat na katiwala diumano si Lolo Poncio ng hacendero na may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay nila, pati na ng lupang sinasaka nito at ni Tiyo Marciano noong nabubuhay pa ang mga ito.

Bagaman hindi pormal na isinalin sa pangalan ni Lolo Poncio ng hacendero ang lupa ay verbal namang sinabi rito na ito na ang bahala sa lupa. Nangyari ang kasunduang iyon noong bago nilisan ng hacendero ang San Isidro para mangibang-bansa. Wala na silang balita kung buhay pa o patay na ang hacendero na iyon.

"Pasensiya ka na at hindi pa ako nakakapagluto, anak. Hindi ako makabangon sa bigat ng pakiramdam ko. Grabeng trangkaso ito. Dalawang araw na tuloy akong hindi makapasok sa eskuwela," wika ni Tiya Carla na nakaratay sa higaan nito.

Guro ito sa pampublikong elementarya sa sentro ng San Isidro, sa Marikit Elementary School. Ito at si Tiyo Marciano na ang kinalakihan niyang pamilya. Namatay sa panganganak sa kanya ang kanyang ina na bunsong kapatid ni Tiya Carla. Bata pa siya ay alam na niyang hindi ang mga ito ang tunay niyang mga magulang. Ayaw ni Tiya Carla na hindi niya makilala ang tunay niyang ina na mahal na mahal nito. Gayunpaman ay itinuring siya nito at ni Tiyo Marciano bilang tunay na anak, lalo na at sanggol pa nang mamatay ang kaisa-isang anak ng mga ito. Tungkol naman sa ama niya, kakarampot ang nalalaman niya.

Madamot si Tiya Carla sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa lalaking ayon dito ay siyang dahilan kaya maagang namatay ang kanyang ina. Tinakbuhan daw ng kanyang half British na ama ang kanyang ina na dati nitong nobya dahil magpapakasal na ito sa iba. Maliban sa malaking halagang ibinigay nito sa kanyang ina, hindi na ito nagpakita sa kanyang ina kahit kailan. Bago siya ipanganak, nalaman na lamang ng kanyang ina na umalis na ng bansa ang kanyang ama kasama ng bago nitong asawa. Sa palagay niya, iyon ang rason kung bakit hindi na lumaban pa ang kanyang ina pagkatapos siyang iluwal sa mundo. Tuluyan na kasi itong tinalikuran ng lalaking minahal nito.

Minsan ay gusto niyang sisihin ang kanyang ina kung bakit hindi nito piniling mabuhay para man lang sa kanya. Pero wala na siyang magagawa sa nangyari. Ipinagpapasalamat na lang niyang may tiyahin at tiyuhin siyang umaruga sa kanya noong mga panahong parehong tumalikod sa kanya ang kanyang mga magulang.

"Ako na ho ang magluluto, Tiya. Bumili din po ako ng gamot kanina bago ako umuwi. Pagkakain ho ay inumin ninyo. Magbibihis lang po muna ako bago ako magsaing," aniya pagkatapos magmano sa tiyahin.

"Salamat, anak."

Saka siya pumasok sa silid niya.

Hindi sila mayaman ng tiyahin niya. Pero hindi rin naman sila mahirap na mahirap. Kaya nga kahit siguro hindi siya nakakuha ng scholarship sa St. Isidore College ay matutustusan nito ang pag-aaral niya roon. Hindi ginalaw ni Tiya Carla ang perang iniwan ng kanyang ama sa kanyang ina. Hanggang ngayon ay nasa bangko iyon. Ipinaubaya nito sa kanya ang pasya kung gagalawin niya iyon. Pero tulad nito, ayaw din niyang gamitin ang perang sa palagay niya ay bayad-konsiyensiya ng ama niya sa pagtalikod nito sa kanila ng kanyang ina.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon