CHAPTER 7

681 32 0
                                    


NANG sandaling lumabas sa bibig ni Bastian ang tanong na iyon, nahiling niya na sana ay hindi na lang niya naisaboses iyon. Dala marahil ng nainom niyang beer kaya naging madulas ang kanyang dila.

Matagal bago sumagot si Aishell. Bigla nitong ikinawit ang braso nito sa braso niya. Ipinaling pa nito ang mukha niya paharap dito upang magtama ang mga mata nila. Ang akala niya, sisinghalan at sasampalin siya nito dahil sa itinanong niya.

"Wala. At pag-iisipan ko naman doon sa pangalawa mong tanong," simpleng sagot nito.

Nakahinga nang maluwag na tumango siya. Kung hindi lang umiikot pa rin ang paningin niya, malamang na nag-tumbling siya sa katuwaan.

"Saan ang sa inyo?" untag nito nang marating nila ang sakayan.

Doon din nakaparada ang sasakyan nito kung saan naghihintay ang driver nito na ipinakilala sa kanya kanina bilang si Lolo Bart. Pinsan daw ang matanda ng Lolo Miong nito.

"Sa Barrio Marikit kami. Dito ang sakay ko," tugon niya.

"Ihahatid na kita."

"Ha?"

"Alas-nuwebe na. Baka mapagalitan ka sa inyo. Ako na ang magpapaliwanag kung bakit inabot ka ng ganitong oras sa pag-uwi."

"Uhm... h-hindi na kailangan. Isang sakay lang naman mula rito hanggang sa amin."

Salubong ang mga kilay na tiningnan siya nito. "Hindi ka ba pagagalitan sa inyo?" nagtatakang tanong nito. "O mas pagagalitan ka kapag nalaman nilang ako ang kasama mo?" Tumawa ito nang pagak, sabay iling. "I understand. Sino nga ba namang magulang ang matutuwa kapag nalaman nilang ako ang kasama ng anak nila? Malamang ikadena ka pa nila sa loob ng bahay ninyo masiguro lang na hindi na uli ako makakalapit sa iyo."

"Hindi ganoon ang tiyang ko!" agad na depensa niya. "At kilala ka niya kaya hindi siya mag-iisip nang kung anu-ano tungkol sa iyo. Lagi kitang naikukuwento kay Tiyang kasi—" Napahinto siya sa pagsasalita nang sumilay ang malawak na ngiti sa mga labi nito. Pakiramdam niya namumula pati puyo niya. Bakit ba biglang humulas pa ang kalasingan niya? Sana hindi pa lumipas ang tama ng alak sa katawan niya at nang maitodo na niya ang pagtatapat dito. Nakakairita naman talaga ang pagiging torpe niya.

Nakataas ang isang kilay na ikiniling nito ang ulo. "So, you talk to your aunt a lot about me, huh? What about? My good looks? My super sexy body?" Isinuklay nito ang mga daliri sa buhok, pinadulas sa baywang ang isa pang kamay bago nag-pose.

Natatawa na napapailing siya sa eksaheradong pagkindat-kindat nito at pagpo-pose na animo modelo. May pagkakomikera din pala ito.

"Seriously though, kilala ako ng tita mo? Hindi ka niya pagbabawalang makipaglapit sa akin?" seryosong tanong nito.

Tumango siya. "Oo. At hindi mo ako kailangang ihatid, Aishell. Lalaki ako. Ikaw nga ang mas dapat kong ihatid."

Umiling ito. "No, hindi na kailangan."

"Pero—"

"Kapag inihatid mo ako, hindi na ako papayag na ligawan mo."

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVENơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ