CHAPTER 6

692 33 0
                                    


"SHE MAY be the beauty of the beast, may be the famine or the feast, hmm..."

Nakatingala si Bastian sa mga bituin sa langit na animo mabibilang nito ang mga iyon habang bumibira ng kung anu-anong love song. Lasing na ito. Pero nakakaaliw na lasing ito. Sa halip na magwala o mang-away tulad ng ibang lasing, kabaligtaran niyon ang iniaakto nito. Para itong maamong tuta na naglalambing. Panay pa ang tapon nito kay Aishell ng nahihiyang ngiti at sulyap.

Pauwi na sila. Pero tila wala itong balak umuwi kanina hangga't hindi nito nailalampaso sa sahig ang buong grupo ni Damulag. Natalo nito ang lalaki sa bilyar pero tulad ng hula niya, hindi iyon basta tinanggap nina Damulag. Binali nito ang ginamit na tako sa braso ni Bastian na siyang nagsimula ng rambulan sa pagitan ng grupo nito at ng mga kumampi sa binata. Hindi niya nakita ang buong pangyayari dahil agad siyang hinatak ni Tandang Igme sa loob ng maliit na counter sa isang panig ng bilyaran.

Wala pa sigurong limang minuto mula nang magsimula ang gulo nang marinig nila ang pagdagundong ng boses ng Lolo Miong niya mula sa pinto ng bilyaran. Agad na nagpulasan ang grupo nina Damulag, pati na ang iba pang nakisali sa gulo. Naiwan sa gitna si Bastian na nakaporma pa ang mga kamao. Maliban sa munting gasgas sa noo nito, tila hindi naman ito napuruhan. Pero halata niya ang iritasyon nito at iyon ay dahil hindi pa ito nakakaganti nang husto sa tinamong pinsala mula kay Damulag.

Ito tuloy ang napagbuntunan ng galit ng lolo niya. In-interrogate ito na animo kriminal. Nang subukan niyang pumagitna upang ipaliwanag kung sino si Bastian at kung bakit nagsimula ang gulo, nakakunot-noong tiningnan siya nito at sinabihan siyang tumahimik. Ito na raw ang magpapaliwanag.

Ikinagulat niya iyon, lalo na ang paghangang nakita niyang dumaan sa mga mata ng lolo niya habang pinakikinggan ang matapat na pagsasalaysay ni Bastian sa nangyari. Pati na ang pag-amin nitong malaki ang kasalanan nito sa naganap na gulo. Tila hindi man lang ito nangilag sa malaki at maawtoridad na tindig ni Lolo Miong.

Nauunawaan na niya ngayon ang sinasabi ng ibang kaeskuwela nilang babae na animo diyos na naglalakad sa gitna ng mga mortal si Bastian. Napakalayo na ng level ng maturity at responsibility nito kompara sa ibang kaedad nito. Nakaya nitong salubungin ang lakas ng personalidad ng lolo niya samantalang siya ay takot at pangingilag ang naging reaksiyon niya nang unang beses niyang makita ang matandang lalaki at malaman niyang tiyuhin ito ng kanyang ina. Bukod sa laki ng katawan nito, tadtad pa ito ng tattoo na batid niyang hindi lang nito basta ipinalagay kundi nakuha nito sa loob ng kulungan.

Nang malaman ng lolo niyang disinuwebe anyos na si Bastian ay niyaya nitong uminom ang binata. Habang umiinom, todo usisa ang lolo niya rito.

"Um, Aishell, may nobyo ka na ba? Kung wala pa, maaari ba akong manligaw?'' biglang tanong ni Bastian na nagpahinto sa paglalakad niya. Seryoso ang anyong tumunghay ito sa mukha niya.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVEWhere stories live. Discover now