CHAPTER 14

671 29 4
                                    


"'AYUN, may sasakyang parating, Bastian," ani Nando sa kanya, sabay tapik sa balikat niya upang ituro ang nakita nitong itim na Mercedes-Benz.

Mahigit isang oras na sila sa labas ng mansiyon ng mga Falceso, nag-aabang sa pagdating ni Aishell. Kanina ay kumatok sila upang hanapin ito ngunit ayon sa katulong na lumabas ay wala pa roon ang dalaga. Dahil alam niya kung gaano kaliit ang tingin sa kanya ng pamilya nito, hindi na siya humiling na pumasok sa loob upang doon hintayin ang nobya.

Mahigit isang linggo nang hindi pumapasok si Aishell. Ngunit bago iyon, ramdam na niya ang tila panlalamig nito sa kanya tuwing binibisita siya nito noon sa ospital. Ni hindi ito nagpakita nang araw na ma-discharge siya. Pero dahil nagpasabi ito kay Cerisse na nagkasakit ang lola nito kaya hindi makapunta sa kanila ay hindi siya nabahala. Nagsimula lang ang pagkaaligaga niya nang unti-unting dumalang ang mga text nito hanggang sa tuluyan iyong huminto.

Malakas na siya at maaari nang pumasok pero ang pag-asam niyang makikita ito sa pagpasok niya sa eskuwela ay hindi nagkabula. Dahil noon naman ito hindi nagpapasok. Ayon sa excuse letter na natanggap ng propesora nila sa Literature, may pinuntahan lang daw itong kamag-anak sa Manila pero babalik din pagkalipas ng isang linggo.

"Bastian, si Aishell nga ang sakay,'' wika ni Nando sa kanya na para bang hindi niya makikilala ang nobya kahit mula sa malayo.

Nang tumigil ang sasakyan sa tapat ng gate at bumusina ay agad siyang humakbang palapit upang makita siya ni Aishell. Ngunit aangat pa lang ang kamay niya upang kumaway rito nang lumingon ito sa gawi niya. Ngumiti siya ngunit agad ding napalis ang ngiting iyon nang bigla itong kabigin sa batok ng mestisong lalaking nasa driver's seat at halikan sa mga labi. Awtomatiko ang pagbangon ng pagrerebelde sa dibdib niya. Nagngingitngit sa galit na susugurin na sana niya ang mga ito pero mahigpit na pinigilan siya sa mga braso ni Nando.

"Huminahon ka, Bastian,'' nakikiusap na sabi nito nang tangkain niyang kumawala sa pagkakahawak nito sa kanya.

Subalit ang anumang plano niyang lalong magpipiglas ay iglap na naglaho. Sapagkat imbes na ang inaasahan niyang pagsampal ni Aishell sa lalaking humahalik dito ang gawin nito ay lalo pa nitong kinabig ang batok ng lalaki at gumanti ng halik dito.

Gilalas na napasinghap din si Nando at kusang lumuwag ang pagkakahawak sa kanya. Pareho silang tila itinulos sa kinatatayuan nila. Lalo na nang tapunan lang siya ng sulyap ni Aishell bago muling umandar papasok sa gate ang Benz na kinalululanan nito.

"MAG-USAP tayo, Aishell!" habol ni Bastian sa dalaga na mabibilis ang mga hakbang palabas ng classroom. Wala siyang pakialam kung pagtinginan man sila ng iba nilang kaklase. Nang tangkain nitong lagpasan siya ay maagap niyang iniharang ang sarili sa daraanan nito.

Hindi sila nagpansinan sa buong durasyon ng Psychology class nila. Ni tingnan ito ay hindi niya ginawa at ganoon din ito. Panay tuloy ang tukso sa kanila ng mga kaklase nila na may LQ raw sila. Kapwa hindi sila nagkomento roon. Sa parte niya, sadyang hinihintay lang niya ang pagtatapos ng klase upang makausap ito nang sarilinan. Pero sa parte nito, mukhang wala talaga itong balak na kausapin siya, bagay na lalong nagpaigting sa galit sa dibdib niya.

Hindi siya makapaniwala sa nasaksihan niya nang nagdaang araw. Magdamag siyang hindi nakatulog sa pag-iisip kung paano nito nagawa iyon sa kanya. Kung paanong bale-wala lang dito na makita niya nang harap-harapan kung paano siya nito pagtaksilan. Hanggang ngayon, pakiramdam niya ay nakalutang ang kalahati ng utak niya, nakapagkit pa rin sa eksenang nakita.

"Nagmamadali ako, Bastian. Wala na tayong dapat pag-usapan pa. Tapos na tayo. I'm sorry kung hindi ko agad ito nasabi sa iyo noong isang linggo. Hindi kasi ako makahanap ng tamang salita at tiyempo. I'm sorry but tapos na tayo," patag na patag ang tono na sabi nito sa kanya.

Ilan sa mga kaklase nilang naroon pa sa corridor ang nakarinig sa sinabi nito at iisa ang ekspresyon ng mga ito habang pinapaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa—awa sa kanya.

Napatiim-bagang na hinawakan niya sa kamay si Aishell at hinila palabas ng building. Hindi ito nagpumiglas. Dinig pa niya ang tila nababagot na buntong-hiningang pinakawalan nito. Sa vegetable garden na proyekto ng mga first year sila tumigil.

"Ulitin mo ang sinabi mo. Linawin mo dahil hindi ko maintindihan. Tapos na tayo? Ganoon lang iyon? Pagkatapos mo akong iwasan sa loob nang halos dalawang linggo? Pagkatapos kitang makitang may kahalikang iba, bigla mong sasabihin sa akin na tapos na tayo? Wala ka man lang ipapaliwanag?"

Bumakas ang gulat sa mukha nito. Marahil ay dahil iyon ang unang pagkakataon na nakita nitong galit siya. "Ano pa ba ang ibang puwede kong sabihin? Gusto mo na aminin ko pa sa iyo ang kabuuan ng lahat? Sige, sasabihin ko. I was never serious about you. Ang lahat ay dahil sa pustahan namin nina Cerisse. Nang maikuwento kita sa kanila, hinamon nila akong sagutin kita at magkunwaring in love sa iyo kapalit ng ten thousand pesos cash."

Nagkibit-balikat ito. "It's a paltry sum but the challenge was exciting kaya pumayag ako. Akala ko nga, mahihirapan ako sa pagpapanggap pero naaaliw ako sa iyo kaya nakaya kong patagalin ang pagpapanggap. Pero last week, bumalik na galing sa States si Fritz at hindi ko na puwedeng ituloy ang pagkukunwari dahil siguradong hindi niya maiintindihan. He's my real boyfriend. I'm sorry. If it's any consolation, I did enjoy those—"

Walang babalang kinabig niya ito at kinuyumos ng halik ang mga labi nito sa pag-asang mabubura niyon ang lahat ng kasinungalingang namumutawi sa bibig nito. Hindi siya naniniwala rito.

Hindi maaaring totoo ang mga sinabi nito. Nadama niya na totoo ang lahat ng ipinakita nito sa kanya. Kaya imposibleng pekeng nobyo lang siya nito at ang tunay nitong nobyo ay ang lalaking kahalikan nito kahapon.

Malakas na itinulak siya nito sa dibdib. Ni katiting na pagtugon ay wala itong ibinigay sa halik niya. Pinanatili nitong nakapinid ang mga labi. Ngunit ang mas sumampal sa kanya ay ang marahas nitong pagpunas ng likod ng palad sa mga labi at ang disgustong bumakas sa mukha nito.

"I was about to offer you the ten thousand pesos I won bilang danyos man lang sa pang-iinsulto at pagpapaasa ko sa iyo pero nagbago na ang isip ko. You're nothing but an uncivilized brute! Hindi ba matanggap ng pride mo na napaglaruan ka ng isang babae? O nanghihinayang ka kasi akala mo nasa mga kamay mo na ang susi para sa ikauunlad ng hampaslupa mong pamilya?" gigil na gigil nitong asik. Bawat salitang binibitiwan nito ay animo punyal na itinatarak sa puso niya.

Ramdam niya ang panghahapdi ng lalamunan niya sa pagpipigil na mapamura at magmakaawa. Gustung-gusto na niyang mapauklo sa sakit pero pinanatili niyang diretso ang tindig at diretso ang titig sa mga mata nito.

Tumalikod ito. Humugot ito ng malalim na hininga bago muling humarap sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay apologetic na ang anyo nito. "I'm sorry. Ginalit mo kasi ako. Alam kong hindi ka mukhang pera. At alam ko ring ako ang may kasalanan. Pero kung talagang minahal mo ako, sana ay mapatawad mo ako sa ginawa ko. I'm immature and selfish, I know. Natutuhan ko iyon sa iyo at salamat. Pero talagang hindi na tayo puwede. Mahal ko si Fritz at hanggang maaari ay ayokong malaman niya ang tungkol sa atin. Kaya please lang, hayaan mo na lang ako."

Kumuyom ang mga kamay niya at napatiim-bagang siya. Akmang tatalikuran na niya ito nang isang munting kislap sa mga mata nito ang nag-udyok sa kanyang sumubok sa isa pang pagkakataon. "Kapag isang araw matuklasan mong mali ka, puntahan mo lang ako. At kapag sinabi mong mahal mo ako, maniniwala pa rin ako sa iyo, Aishell. Ni hindi ko uungkatin pa kailanman ang tungkol kay Fritz."

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVEWhere stories live. Discover now