CHAPTER 5

673 28 0
                                    


NGINANGATNGAT ng pangamba at guilt si Aishell habang pinanonood niya ang laban sa bilyar nina Bastian at Damulag. Alam niyang mahusay sa larong iyon si Damulag. Alam din niyang ang inis at pagkayamot nito sa kanya ay kay Bastian nito ilalabas. Kahit walang atraso rito ang binata, pihadong paglalaruan nito at ng mga kasama nito si Bastian bilang ganti sa sarkastikong pagsagut-sagot niya rito. Ang hula niya, parte rin ng galit nito sa kanya ay galit na para talaga sa Lolo Miong niya.

Bago dumating sa Labrador si Lolo Miong, sina Damulag ang naghahari-harian doon. Ngunit dahil sa lolo niya, unti-unting nalinis at nabawasan ang gulo sa lugar kaya mas maraming tagaroon ang bumilib at napasunod ng lolo niya.

Mayamaya pa ay naglabas ng bote ng beer ang kaibigan ni Damulag na si Nilo. Inabutan nito ng isang tagay si Bastian. Walang salitang tinungga iyon ng binata. Kinabahan siya. Nilingon siya nito at nginisihan.

"Baka gumapang ka pauwi, totoy. Huwag kang masyadong mayabang," ngingisi-ngising sabi ni Damulag na sumulyap sa gawi niya at kinindatan siya.

Napuno ng kilabot ang katawan niya. Tensiyo-nadong binunot niya mula sa bulsa niya ang stick ng sigarilyo at sinindihan iyon. Hindi siya chain-smoker tulad ng pagkakaalam ng iba. Madalas, ang mga sigarilyo sa gamit niya ay props lang. Pero kapag ganoong kabado siya, sigarilyo ang agad na hawak niya.

Kasalanan niya kung may mangyayaring masama kay Bastian. Hindi niya dapat isinama ito roon. Kung bakit kasi natukso siyang ipakita rito na hindi siya ang ideal girl na dapat nitong pangarapin at gustuhin.

Isang stick ng sigarilyo ang nakita niyang iniabot dito ng isang lalaki. Ang inisyal na reaksiyon nito ay tumanggi pero nang sumulyap ito sa gawi niya at makita ang hawak niyang sigarilyo, tinanggap din nito iyon.

Sinindihan nito iyon at hinithit. Ngalingali niyang hablutin iyon mula sa bibig nito, nagpigil lang siya. Matinong tao ito, hindi ito dapat sumusubok ng mga ganoong bagay.

Pakiramdam niya isa siyang demonyitang iniimpluwensiyahan ang isang anghel na mapariwara at talikuran ang tamang daan na kinagisnan nito.

Napatitig siya sa hawak na sigarilyo. Bigla ay mistula iyong nakakadiring bagay na gusto niyang ihagis sa tagong lugar na hindi na uli niya makikita pa.

Nilingon niya si Bastian para pagmasdan ito subalit natagpuan niyang nakatitig ito sa kanya, ang mga mata ay waring naghahamon; naghihintay ng inaasahang reaksiyon mula sa kanya.

Noon din ay natuklasan niya, sinusubok lamang siya nito. Sa dami ng mga taong nanghusga at nagbansag sa kanyang patapon, tila bukod-tanging ito ang hindi naniniwala. Sa paraan ng pagtitig nito sa kanya ngayon, waring sinasabi ng mga mata nito na alam nitong kaya niyang patunayan hindi lang dito kundi sa lahat na mali ang opinyon ng mga ito tungkol sa kanya.

Dahil doon, walang kurap na sinalubong niya ang tingin nito. Batid niyang ikinagulat nito iyon dahil tumaas ang mga kilay nito at ang sulok ng mga labi. Bahagya itong tumango sa kanya bago hinarap sina Damulag.

Walang pag-aalinlangang itinapon niya hindi lang ang sigarilyong hawak niya kundi maging ang natitira pang kaha niyon sa bulsa niya. Pinatay naman nito ang nakasinding sigarilyong hawak nito sa pamamagitan ng pagtapak doon.

Hindi siya sigurado pero animo isang ritwal ang ginawa nilang iyon. Ritwal na nagbubuklod sa kanila in some odd way. Her salvation in exchange for his continued path to goodness.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVEOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz