CHAPTER 4

755 33 0
                                    


"Okay, sige. Pero hindi puwede ngayon. May pupuntahan pa kasi akong importante. Bukas na lang pagkatapos ng class natin. Vacant period ko iyon. Ikaw?"

Subalit sa halip na sagutin siya ay isang tanong din ang ibinato nito sa kanya. "Puwede ba kitang yayaing kumain? Ibig kong sabihin, kung maaga kang makakaalis sa pupuntahan mo... Ibig kong sabihin, kung gusto mo lang naman. Ah..."

Natatawang itinaas niya ang isang kamay bilang pagpapatigil sa nabubulol na nitong pananalita. Sa sobrang nerbiyos nito ay tila hindi ito mapirmi sa kinatatayuan. He kept shifting his weight from one foot to another.

"Bakit hindi ka na lang sumama sa akin?" aniya.

Kumislap sa katuwaan ang mga mata nito. "Papayag kang sumama ako sa iyo?"

"I invited you, didn't I?"

"Sige, sige. Sasama ako sa iyo."

PAMOSO noon ang Labrador sa pagiging kuta ng mga delingkuwenteng kabataan at kriminal sa San Isidro. Kapag may tumatakas na mga preso, awtomatikong doon ang takbo. Wala kasing pulis na nakakapasok doon at lumalabas nang buhay. Kaya naman hinahayaan na lang ng mga awtoridad ang mga naroon.

Marumi, magulo, at maya't mayang may rumble ang mga tagaroon. Subalit sa mga nagdaang taon ay tila luminis at tumahimik na rin ang Labrador kahit paano. At iyon ay dahil diumano sa tumatayong barangay captain doon na si Kapitan Miong. Bagaman hindi ito pormal na kinikilala ng COMELEC, ibinoto naman ito ng mga tagaroon bilang pinuno ng mga ito.

"Aishell, ano ba ang gagawin mo rito? May pupuntahan ka ba sa loob?" mahinang tanong ni Bastian sa dalaga. Muntik na niyang pigilan ito sa braso bago pa ito humakbang papasok doon. Sa bungad pa lang ay may mga lalaki nang nakatambay na tadtad ng tattoo ang mga katawan. Nasa hilatsa ng mga ito ang tipong hindi pahuhuli nang buhay.

"Bakit? Scared, Nerdy? You can always turn back and leave me here, you know. I won't take it against you," wika nito sa matamis na tinig pero naroon pa rin ang panunuya sa nakita nitong karuwagan niya.

"Hindi ako estupido para hindi matakot. Nakikita mo ba kung gaano kalalaki ang mga katawan nila? Maaaring hindi nila ako galawin kung nag-iisa lang ako, pero kasama kita. At siguradong—"

"Mahahalina sila sa ganda ko at babastusin nila ako. Kaya wala kang choice kundi ipagtanggol ako, ganoon ba? Huwag kang mag-alala. Ngayon pa lang, binibigyan na kita ng permisong tumakbo at iwan ako sakaling sugurin nila tayo," agaw nito sa sinasabi niya. "I'm a big girl. I can protect myself."

Sa halip sagutin ito ay iniba na lang niya ang usapan. Maaari nitong pagtawanan ang pagiging praning niya, pero nunca na papayag siya na may mangyaring masama rito. "Bakit ka ba nagpunta rito? May bibisitahin ka ba? May mga kaibigan ka ba rito?"

Nagkibit-balikat ito. "Marami."

"Pero—"

Nang-uuyam na tinaasan siya nito ng isang kilay. "Want to go back, Nerd Boy? Is this too much for you?"

"Hindi kita iiwan na mag-isa rito. At kung talagang desidido kang pumasok sa loob, halika na," mariing sabi niya at nagpatiuna na sa paghakbang sa dalawang metrong lapad na kahoy na tulay na siyang daanan papasok sa Labrador. Inilahad niya ang kamay dito para alalayan ito.

Ilang segundong natigilan ito, nakatitig lang sa nakalahad niyang kamay. Waring tinitimbang nito sa isip kung nasa katinuan pa ba siya o wala na. Ang totoo, kahit siya sa sarili niya ay hindi sigurado. Mayamaya ay bahagyang tumango ito at hinayaan siyang alalayan ito sa pagtawid sa tulay.

Bagaman nakasunod sa kanila ang tingin ng mga lalaki sa bukana ay hindi naman nagkomento ang mga ito sa presensiya nila.

Nahalata agad niya na tila kilala roon si Aishell. Halos lahat ng nakasalubong nila ay kinukumusta ito. Magiliw naman itong nakikipag-usap sa mga iyon. Kabisado rin nito ang pangalan ng mga iyon. Ni hindi niya ito kinakitaan ng pandidiri sa mga walang salawal na bata na ipinapasa sa bisig nito ng mga ina na humihinto sa tapat nila at nakikipag-usap dito. Puwede itong maging pulitiko sa husay nito sa diplomasya at likas na interes sa mga kausap.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVEWhere stories live. Discover now