CHAPTER 12

810 34 8
                                    


Wala sa loob na tumango siya. Iniisip pa niya kasi kung paano sasabihin kay Bastian ang pormal niyang sagot sa panliligaw nito. Ang isang parte niya ay nagtatanong kung dapat pa ba niyang gawin iyon gayong kung umakto naman sila nito ay parang sila na. Pero mas gusto niyang opisyal na sabihin dito ang sagot niya.

Humugot siya ng malalim na hininga. At tila sadyang umaayon ang kapalaran sa kanya, pag-angat niya ng ulo niya ay namataan niya ang katagang "YES" sa front page ng diyaryo na naka-display sa harap ng isang tindahan.

Hinawakan niya sa braso si Bastian at pinatigil sa paglalakad.

"Bakit?" nakakunot-noong baling nito sa kanya.

"Nakikita mo ba iyang nakasulat sa diyaryo?" tanong niya rito, sabay turo sa diyaryong namataan niya.

"Alin? Iyang may headline na 'Baboy, Anim Ang Paa'?"

"Hindi! Ano ka ba? Iyong isa!"

"'Yes,' Says African President? Ano iyan?"

"That's my answer to your question," matamis ang ngiting sabi niya. Alam niyang mabilis ang pickup nito. Kaya agad nitong mauunawaan ang nais niyang iparating dito.

Pero sa malas, tila hindi gumagana ang isip nito nang mga sandaling iyon. Ilang beses na pinaglipat-lipat nito ang tingin sa mukha niya at sa diyaryo.

"Anong question? Ikaw itong—Ah!" nagli-wanag ang mukha nito kasabay ng pagsigaw nitong iyon. Nagtatakang napabaling tuloy sa kanila ang tindera ng mga diyaryo. At nang lumundag ito at sumuntok sa hangin ay lalong nagulumihanan ang tindera.

Hindi naman mabura ang ngiti sa mga labi niya. Subalit bale-wala iyon sa lapad ng ngiting nakapaskil sa mga labi ni Bastian.

"Sinasagot mo na ako? Nobya na kita? Salamat! Salamat!" bulalas nito na tumingala pa sa langit.

Hindi niya napigilan ang matawa sa hitsura nito. Tawang kagyat na pinutol nang mahigpit na niyakap siya nito. Unti-unti ring lumapit ang mukha nito sa mukha niya. Pero nang akala niya ay hahagkan na siya nito, bigla itong natigilan.

"Oops! Baka damputin tayo dito sa pagpi-PDA natin,'' anito na napakamot sa ulo.

Nang ilibot niya ang paningin sa paligid, tama nga ito. Sila ang sentro ng atensiyon ng mga dumaraan doon. Saglit niyang nalimutan na nasa pampublikong lugar sila.

"Tara, bago pa nila tayo arestuhin for corrupting minors." Natatawang hinila niya ang kamay nito.

Mula nang sagutin niya ito, ni minsan ay hindi siya nagsisi sa desisyon niya. Hindi lang ito nakakaaliw kasama, napakamaalalahanin at maginoo pa nito. Pakiwari niya ay tunay siyang prinsesa kapag kasama niya ito. At dahil hindi pa nakakahanap ng sariling Prince Charming ang mga kaibigan niya, kahit anong paliwanag niya sa mga ito ay hindi siya maunawaan ng mga ito.

Nitong huli na lang uli sila nagkakalapit, salamat na rin sa tulong ni Bastian. Patapos na ang school year. Isang buwan na lang at bakasyon na. Dahil sa ibang bansa magbabakasyon ang mga kaibigan niya, matagal silang magkakahiwa-hiwalay. Batid ni Bastian ang munting sigalot na namamagitan sa kanila ng mga kaibigan niya. Ito ang kusang kumausap sa tatlo para ipaliwanag na hindi siya nito inaagaw sa mga ito. Ang gusto lang nito ay maging parte ng buhay niya. Pero nagmatigas ang tatlo niyang malditang kaibigan sa umpisa.

Ang hindi alam ng mga ito, walang balak tumigil si Bastian hangga't hindi naaayos ang gulo nila at naibabalik sa dati ang samahan nila. Sa bandang huli ay nakita rin iyon ng mga kaibigan niya at napahanga sa tiyaga ni Bastian na magkabati-bati silang magkakaibigan. Masuwerte raw siya sa pagkakaroon ng nobyong katulad nito.

Alam niya na hindi lang ang lola niya ang nakakapansin sa pagbabago niya nitong nakaraang mga buwan, kundi maging ang kanyang madrasta. Nang malaman nga ng mga ito na dadalo siya sa grand ball ay hindi makapaniwala ang mga ito. Lalo na nang sabihin niyang hindi na siya kailangang ihatid ng driver dahil may susundo sa kanya.

ASERON WEDDINGS-ALL I HAVE TO GIVETempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang