Chapter 18

86 5 1
                                    


"Nagseselos ka? Nagseselos ka kay Franco? Nagseselos ka kasi siya na at hindi na ikaw ang Crush ko? Okay na ba talaga yun? Sabat na ba talaga para maliwanagan ako?" Bulong ni Charles sa isip habang nakatitig sa kaibigan.

Sobrang nabigla ito sa mga salitang pinakawalan ni Jarmcel. Sa labanan ng sagutan at tanungan ng magkaibigan, parehas silang sugatan, duguan at hirap na ang pakiramdam. Ang mga huling bala ni Jarmcel ang nagtapos sa digmaan; napalitan ng katahimikan dahil alam nilang parehas pala silang talunan. Parehas silang natalo sa kani-kanilang laban para pigilan ang tunay nilang mga nararamdaman.

Kung silang dalawa ay nasa loob ng K-Drama, siguro ang eksenang ito ay kinukuhanan ng kamerang umiikot at nakatutok sa kanila. Slow-mo ang pagpikit at rinig na rinig ang tunog ng kaba at bilis ng paghinga nila.

Halos sumakto rin ang biglang buhos ng malalaking patak ng ulan. Tanging nagngangalit na pagbuhos mula sa kalangitan, para bang nakiisa sa halong damdamin ng dalawang taong magkatitigan. Dumilim rin ang paligid kasabay na pagtakip ng maitim na ulap sa taas. Lumamig ang simoy ng hangin, pero mas malamig pa rin ang kalungkutang bumalot sa naguguluhang isip at puso ng magkaibigan.

"Hindi ko rin alam kung bakit ko nararamdaman 'to." Tuluyan ng sumuko sa pananahimik si Jarmcel, at humakbang ng isa palapit sa kaibigan. "Pero mas mahirap kapag sinalungat ko pa ang sinasabi ng puso ko."

Tanging naginginig na pagtitig ng mata ni Charles ang nangusap sa binata sa harap nito. Bakas pa rin sa labi niya ang pagkabigla na bahagyang nakabukas sa patuloy pang pagsasalita ng kaibigan.

"Oo! Alam kong magulo. Kasi kahit ako naguguluhan." Tunay at totoo ang inilalahad ng binata dahil sinasalamin na rin ng mga mata at boses niya ang epekto ng pagkabagabag sa loob niya.

"Nag-iinit ang ulo ko pag nakikita kitang kasama siya. O kung sinumang lalaking umaaligid sayo. Nanakit ang puso kapag sinusunod mo ang pag-Uncrush mo, kapag naiwas ka sa klase, kapag di na kita kasabay pag-uwi. Naiinis ako sa sarili ko kasi namimiss kita. Naiirita ako sa ideyang nagseselos na pala ako."

"Bakit ngayon pa?" Mahinang na boses ang bumuo sa pagtatanong ni Charles. Lubos talaga ang kaguluhan nagpalabo bigla sa kanyang mga plano. Dahil lang sa di inaasahang pagkakataong ito, para bang naipit na naman siya sa dalawang mahirap na pagpipilian. Mas mahirap kaysa sa Finals nila. Walang review-review. Wala mang grade na nakasalalay sa kung anong maging choice niya, maaari namang malagay sa bingit ang pagkakaibigan nila. "Bakit kung kailan handa na akong bumitaw na ng tuluyan na?"

"Bumitaw?" Namilog ang mata ni Jarmcel sa tinuran ni Charles. Napag-alaman niya mismo galing sa binata na narating na pala nito ang pagdedesisyon kung kailan pabitaw na pala ang kaibigan sa kanyang nararamdaman sa kanya. "Wag Charles, wag kang bumitaw."

Hindi tuloy magawang humakbang ni Charles mula sa kanyang kinatatayuan. Isang hakbang paabante, baka hindi niya mapigilan pa ang sarili na maniwala at tuluyang mahulog muli sa kaibigang lalaki. Mas malalim ang kahuhulugan nito kung sakali, mas masakit din ang bagsak kung hindi pa rin pala ito marunong sumalo. Masasayang lahat ng oras at effort ni Charles para lang makalimot sa pagkaCrush niya rito. Baka masanay siya na maging depende ulit ang kasiyahan niya sa taong hindi naman pala siya kayang mahalin hanggang dulo. Baka humakbang at sumugal na naman siya sa lalaking pansamantala lang pala ang nararamdaman.

Natatakot din siya na baka naman kapag pinili nitong humakbang paatras, baka pagsisihan niya pagdating ng panahon na hindi man lang niya binigyan ng ikalawang pagkakataon. Kinakabahan siya na baka hindi na muli dumating ang ganitong oras, kung kailan parehas din pala sila ng nararamdaman. Hindi rin naman siya sigurado kung mabubuo pa rin ang may lamat na nilang pinagsamahan. O handa na nga rin ba talaga si Charles na hayaang palitan nang tuluyan ni Franco ang pwesto ni Jarmcel sa puso nito?

"Gusto rin kita Charles." Sambit ng binata kay Charles. Hindi niya inaasahang biglang papatak ang luha ng lalaki sa harap niya. Hindi niya mabatid kung anong totoong emosyon ang nagdulot ng pagluha ni Charles. Pero nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita.. "Sorry, kung ngayon ko lang nalaman."

Nagulat siya ng biglang gumuhit ang ngiti sa labi ni Charles. Bahagya rin itong tumungo, ipinikit ang pagod niyang mata. "Naguguluhan ka lang, Jarmcel." Para bang siguradong sigurado kung paano sinabi ito ng binata. Pinahid niya na rin ang dinaluyan ng biglaang luha sa mga mata nito. "Nadala ka lang ng pagkamiss mo sa bestfriend mo .. Yun lang yun, Jarmcel."

"H-ha? H-hindi ako naguguluhan Charl-"

"Si Gabriella ang gusto mo di ba? Babae ang gusto mo." Giit ni Charles na madidinig ang konting pagtawa sa dulo nito. "Ikaw na rin naman ang nagsabi na hindi tayo talo."

"Charles, please paniwalaan mo ko."

"Jarmcel, matagal ko ng pinaniwalaan ang sinabi mo. At hanggang ngayon, naniniwala ako sa sinabi mo. Yung sinabi mong kahit kailan, hinding hindi magiging tayo at hindi darating ang panahon na papatulan mo ang katulad ko." Inangat na nito ang mukha at tuluyan ng napalitan ang kaninang magulo niyang emosyon. "Wag kang mag-alala Jarmcel, klaro pa sakin yun."

"Ano ba, Charles? Hindi ba pwedeng magbago ang gusto ng puso ko? Sinabi mo rin ba kay Franco na baka naguguluhan lang din siya kaya ka niya nagustuhan? O sakin mo lang sinabi yan, kasi galit ka sakin?"

"Jarmcel, sinakripisyo ko na ang feelings ko sayo para hindi mawala ang pagkakaibigan nating dalawa .."

"Oo, alam ko. Ramdam ko yun Charles. Pero kasabay nun, marami na rin naman nagbago. Unti-unti ka na ring nawala sa kagustuhan mong kalimutan ako. Dahan-dahang kang lumayo .. hanggang sa makita ko nalang na masaya ka pala sa iba."

"Please, tama na." Bahagyang bumuka ang dalawang kamay niya para mas iparating sa kilos niya na sana tumigil na si Jarmcel sa pagsasalita.

"Susuko ka na ba, Charles?"

Nabigla si Charles sa sinambit ng kaibigan. Tinignan niya ang mata ni Jarmcel habang nagsalita siya sa isip niya. "Susuko? Ako? Masama bang sumuko kung alam ko na sa tinagal-tagal kong pinaglaban ang nararamdaman ko, hindi naman mangyayari ang pangarap ko." nanatili siyang tahimik sa tanong na binato ng binata.

"Pagod na ako, Jarmcel." Totoo ang tinuran ni Charles. Pagod na pagod na ang utak at puso at buong katawan niya kahit nag-uusap lang naman sila. Para bang ilang oras na silang nagtatalo pero ang realidad ay wala pa sa labing-limang minuto ang nakakalipas.

"Charles .." Nais na sanang hawakan ni Jarmcel ang kamay ng kaibigan para pagaanin man lang ang dinulot nitong kapaguran sa kanya, pero nanakbo na si Charles. "Charles!"

Nakita niyang huminto ito para buksan ang payong na hinugot sa bag niya, at tuluyan nang sumugod sa malakas na ulan. Hanggang sa mawala na ito sa natatanaw niya.

"P're! Jarmcel! Nasa'n si Charles?" Biglang sumulpot sa kawalan si Franco. "Umuwi na ba siya?"

Parang lantang gulay si Jarmcel ng madatnan ni Franco. Halos nakababa ang mga balikat nito at parang di niya nakikita o naririnig ang bagong dating na kaklase.

Lumakad ng kaunti si Franco para tanawin sana si Charles, umaasang makikita pa niya. Pero biglang nagsalita sa likuran niya ang lalaking tulala lang nung dumating siya.

"Wag mo siyang sasaktan ha." At umalis na rin ito matapos nito.. Naiwan namang walang kaalam-alam sa parang huling habilin ni Jarmcel sa kanya.


*** End of Chapter 18 ***

I hope you enjoy this chapter 😉

If you do, please remember to comment and vote -- it really means a lot for me! 😍😘

Crush LifeWhere stories live. Discover now