Chapter 46

58.1K 2.2K 115
                                    

Chapter 46

Hinatid ako ni Art sa mansiyon ng mga Monteverde matapos niya akong dinala sa parke. Doon ko inilabas ang lahat ng hinanakit ko at sobrang malaking tulong ang pakikinig ni Art sa akin kasi nabawasan ang bigat na nararamdaman ko.

Sa paghatid ni Art sa akin ay naaninag ko ang presensya ni Ashton. Nakahalukipkip siya habang nasa tapat ng gate kasama ang isang security guard.

Humigpit ang hawak ko sa phone ko at sumikip ang dibdib ko. Nang huminto ang kotse ni Art sa may gate ay tinanggal ko na ang seatbelt ko.

Akmang lalabas sana si Art pero pinigilan ko siya.

“Huwag ka nang lumabas,” matamlay ko na sambit at tipid siyang nginitian. “Maraming salamat.”

Hindi niya sinuklian ang ngiti ko dahil alam niya na peke lang iyon. Kaya ang ginawa niya, hinawakan niya ang kamay ko na siyang ikinagulat ko.

“Puwede mo akong mapaglabasan ng sama ng loob, Katarina,” seryosong aniya. “Kung may sama kang loob na hindi mo masasabi sa iba, I am one call away.”

Tumango ako at saka lumabas na ng kotse niya. Tiningnan ko siya ulit at kita ko ang tipid ng kanyang ngiti bago ko sinara ang pinto.

Nanlamig ako nang sinalubong ako ni Ashton. Kita ko ang pagsalubong ng kanyang kilay habang nakatingin sa kotse ni Art na umaatras na. Nang bumaling siya sa akin ay nawala ang salubong ng kanyang kilay.

Nag-iwas ako ng tingin kay Ashton. Hindi ko maiwasan ang magtampo sa kanya. Kailangan na kailangan ko siya pero sa ibang tao ko nailabas. Pilit kong ipinasok sa kokote ko na busy siya kaya hindi niya nasagot ang mga tawag ko.

“Katarina,” tawag niya sa akin.

Hindi ko siya pinansin at nilagpasan siya.

“Bakit mo kasama si Art?”

Natigilan ako sa paglalakad at napapikit. Sa lahat pa talaga ng napansin niya ay iyon pa talaga? Hindi niya man lang ba itatanong sa akin kung maayos lang ako? Hindi niya man lang ba ako kukumustahin at tanungin kung saan ako galing? Kumuyom ang nanginginig kong kamay.

“Oo…” Dumilat ako. “Hinatid niya ako pauwi.”

Maglalakad na muli sana ako pero naharangan niya ako. Napasinghap ako at napaatras sa gulat.

“Sinabi ko na sa iyo na lumayo ka sa kanya,” ani Ashton sa kalmadong boses ngunit ramdam ko ang pagkadiin. “Sinabi ko naman sa iyo iyon, hindi ba?”

Walang gana akong tumango at akmang maglalakad na sana nang hawakan niya ang braso ko kaya natigilan ako at napatingin sa kanya.

“Ash…”

Matalim niya akong tiningnan. Parang piniga ang puso ko sa kanyang klaseng tingin. Para niya akong pinagdududahan.

“Mag-usap muna tayo, Katarina. Pagod ako sa trabaho at iyon ang madadatnan ko.”

Nangilid ang luha sa aking mata. “W-Wala ka bang tiwala sa akin?”

Nagulat siya sa tanong ko at lumuwag ang pagkahawak niya sa braso ko.

“Bakit ganiyan ka magtanong? Kung talagang may tiwala ka sa akin ay hindi mo dapat ako pinagdududahan, Ashton.”

Lumambot ang ekspresyon niya at para siyang na-guilty.

“Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung okay lang ako ngayong araw? Hindi mo man lang ba ako kukumustahin? Hindi mo man lang itatanong sa akin kung bakit ako tawag nang tawag sa iyo?”

Umawang ang labi niya. “Kat, busy ako—”

“Oo!” pagputol ko sa kanya. “Alam ko na busy ka!  Alam ko iyon! Alam ko ang pakiramdam na iyon dahil nangyari na iyon noon!”

Marrying Mr. Billionaire (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon