Chapter Eighty-One || Jerome

147 14 5
                                    

"Sorry Jerome ah, pero wala ata akong naintindihan sa kinuwento mo..."

Nakaupo pa rin kami sa labas ng Route 196 at kakatapos ko lang ikwento sa kanila kung anong nangyari noon sa pagitan namin ni Nathan.

Maga-alas dos na ng madaling araw at iba na ang itsura ng Route 196 kaysa noong pagkadating namin dito kanina: tahimik na ang buong paligid at wala na masyadong tao dahil tapos na ang lineup ng mga banda. Wala na ring naiwang mga kotse na nakaparada sa harapan at tanging mga nag-aabang na lang ng Grab ang naiwang tumatambay sa labas kasama namin.

Ubos na rin ang pulutan namin. Maraming mga walang laman na bote ng alak ang naipon sa lamesa, at tinatapos na ni Tristan ang pang-lima o anim niyang bote ng beer.

"Mas lalo nga lang ata akong naguluhan sa nangyari eh..." banggit ni Irene habang nakasandal sa balikat ni Ton. "Parang kwinento mo lang sa amin kung paano kayo nagkakilala ng ex mo."

"Siya nga pala, saan na siya nag-aaral ngayon?" tanong ni Tristan bago niya tunggan ang natirang alak sa loob ng boteng hawak-hawak niya. "Sa UP rin ba nag-aaral si Christine?"

"Nag-abroad na si Christine... sa University of London na siya nag-aaral ngayon," sagot ko. "Sabi niya basta may kinalaman sa Pol Sci 'yung course niya dun..."

Minsan naiisip ko kung bakit hindi ko naisipang tanungin si Christine kung ano na ang nangyari kay Nathan — magkaibigan naman silang dalawa at hindi rin naman masyadong madaldal si Christine 'di tulad ni Bea... siguro naman may balita pa rin siya kay Nathan matapos niyang lumipat ng ibang school, 'di ba? Kaso mukha namang wala nang panahon para tanungin siya...

Masyado na kasing awkward ang bagay-bagay para magsimula ulit kaming mag-usap ni Christine ngayon.

"Eh kung out of the equation na naman pala si Christine, ba't parang gulat na gulat ka pa kanina nung sinabi kong si Nathan ang nirereto ko sa'yo?" tanong ni Anita sa akin. "Ayaw mo nun... from BFFs to lovers kayong dalawa?"

"Hindi pa nga ako nakikipag-ayos sa kanya," depensa ko. "Siyempre ang awkward rin nun para sa amin dahil halos dalawang taon na kaming hindi nag-uusap tapos malalaman na lang namin na binubugaw mo na pala kami sa isa't isa."

"Hindi na ba talaga kayo nag-usap ni Nathan simula nung lumipat siya ng school? Sinubukan mo ba siyang puntahan sa bahay nila para kausapin siya nang personal kung hindi ka niya pinapansin sa text at chat?"

"Sinubukan. Nagpasama ako kay Kate papunta sa bahay nila pero sinabihan lang kami ng nanay niya na hindi na raw dun nakatira si Nathan," paliwanag ko. "Yun pala lumipat na siya ng bahay sa ibang lugar."

"Oh..." Napaisip si Chloe. "So sa tingin mo may kinalaman 'yung paglipat niya ng school sa'yo?"

Minsanan na lang kasi kung pumasok si Nathan sa isip ko dati dahil sa sobrang busy namin nung Grade 12 kaya hindi ko na rin napag-iisipan 'yung paglipat ni Nathan. Hindi na rin naman siya masyadong binabanggit nila Patrick at Bea kaya kahit papaano hindi ko na napag-iisipan 'yung biglaan niyang pag-alis.

"Siguro... 'yun lang ang naiisip kong dahilan eh. May iba pa ba kayong naiisip na dahilan kung bakit lilipat si Nathan nang ganun-ganun na lang?"

"I mean... baka may pinagdadaanan lang nun si Nathan kaya siya lumipat ng school," hula ni Anita. "You never know."

"Pero ba't naman niya hindi kakausapin si Jerome?" tanong ni Tristan. "Ilang araw na nga raw siyang hindi pinapansin nung Nathan eh. Natigil na 'yung pag-uusap nila simula nung pumunta siya sa ibang lugar."

"Tristan... hindi naman sa lahat ng pagkakataon kaya mong ikwento sa mga kaibigan mo 'yung mga ganung bagay," paliwanag ni Irene. "Baka mas close siya sa mga magulang niya kaya sa kanila lang siya nag-open up, ganun."

Maginhawa Nights #TheWattys2022Donde viven las historias. Descúbrelo ahora