Chapter One Hundred and Eight || Nathan

128 11 1
                                    

"Hindi ko inasahan na bibisita ka ngayon dito..."

Nakatayo malapit sa pintuan ng cafe si Jerome at ang kabanda niyang si Irene.

Mukhang nandito sila dahil binanggit ko kanina kay Jerome ang posibleng job opening namin dito sa cafe, pero hindi ko talaga in-expect na as in ngayong gabi na kaagad sila pupunta dito. Hindi ko pa nga nababanggit kay boss na sinabihan ko si Jerome tungkol sa balak niyang magdagdag ng shift dito sa cafe!

Kaninang lunch lang kami nagsimulang mag-usap ni Jerome, pero nandito na ulit siya sa harapan ko. Hindi ba masyadong mabilis ang mga pangyayari...? Halos wala pa nga akong oras para pag-isipan 'yung nangyari kaninang tanghali, tapos ngayon dadagdagan pa ni Jerome 'yung iisipin ko mamayang gabi.

"Naisipan ko kasi na bumisita ngayong gabi dito total maaga pa naman ang gabi," banggit ni Jerome habang naglalakad sila ni Irene papunta sa akin. "Nathan, si Irene nga pala."

Ngayon ko lang na-realize kung gaano kaganda si Irene sa personal; palibhasa kasi madilim sa labas ng cafe kung saan ko siya unang nakita.

Maputi ang kanyang kutis at mahaba rin ang kulay brown niyang buhok. Kapansin-pansin naman ang taglay niyang ganda kahit pa naka-everyday makeup lang siya ngayon... samahan mo pa ng case ng gitara na nakasabit sa kanyang balikat at meron ka nang campus crush.

Nakakatuwa ring isipin na bagay silang magka-banda ni Jerome dahil pareho silang may itsura; pareho silang may angking charisma para maging lead vocalist ng isang banda, o kahit simpleng campus lovers man lang. Hindi na ako magugulat kung—

Wait.

May napansin akong Polaroid picture na nakasingit sa likod ng phone case ni Jerome kanina nung kumain kami sa Area 2 pero hindi ko na siya tinanong pa tungkol dito... pero mukhang sa kainan kinuha 'yung litrato na 'yun dahil sa dilim ng paligid. Nabanggit rin ni Jerome sa akin kanina na may nirerentahan silang lugar malapit dito kapag kailangan nilang mag-ensayo bilang isang banda, kaya posibleng lagi silang kumakain dito sa Magins.

What if sila palang dalawa?

Kasi pareho silang marunong maggitara, kaya may something common silang dalawa kaya may pwede silang pag-usapan... tapos nasa iisang banda pa sila — marami na kaming napapanood na rom com nila Bea at Kate tungkol sa dalawang magkabanda na nagka-inlaban. Sobrang concerned rin si Jerome kay Irene kaya niya naisipan na tulungan siya sa paghahanap ng trabaho...

Shet, oo nga.

Mukhang boyfriend nga ni Irene si Jerome.

"H-Hi, Nathan... sorry kung ngayon lang tayo nakapag-usap nang maayos," mahinhin na sinabi ni Irene sa akin. "Magtatanong lang sana ako kung may job vacancy dito sa cafe ninyo."

"Nandiyan ba boss niyo?" tanong sa akin ni Jerome.

Ilang segundo pa akong natulala sa kanilang dalawa kaya hindi kaagad ako nakasagot sa tanong ni Jerome.

"Ay, teka...! Nasa kusina lang kasi nililinis 'yung ano— Saglit lang ah..."

Tumakbo kaagad ako sa kusina para ipaalam sa boss namin ang bagong dating na balita. Busy kasi ngayon si Joaquin sa paglilinis ng oven dahil inutusan siya kanina ng boss namin na linisin ang buong kusina, kaya nakabantay ang boss namin sa kanya habang nililinis niya ang loob ng oven.

"Boss...! May nagi-inquire po tungkol sa part time job dito sa cafe."

Nagtinginan si Joaquin at ang boss namin dahil pati sila ay hindi rin alam kung paano ang gagawin kay Irene na naghahanap ng trabaho.

"May sinabihan ka ba tungkol sa plano kong pagdagdag ng shift dito sa cafe?" tanong ng boss namin na parang may halong pagbabanta sa kanyang boses. "Wala pa naman akong pinapaskil na poster sa labas, pero bakit may naga-apply na ng trabaho?"

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon