four

3 4 0
                                    

Hindi ata matatapos ang araw ko nang hindi nakikita ang pagmumukha niya at nang hindi naiinis.

"Hindi mo ba ako titigilan?" Masamang tingin ang binato ko sa kaniya.

Tinawanan niya lang ako. "Consistent akong mag-wait ng "pwede ba kitang ligawan?" mo."

"Hindi kita liligawan." Gusto ko siyang sigawan, gusto ko siyang saktan. Bakit ba kasi ayaw niya akong tigilan? Gusto ko nang tahimik na buhay.

"Titigilan lang kita kapag nalaman ko na pangalan mo," seryosong saad nito pero umangat ang gilid ng labi niya kaya hindi niya napigilang ngumiti. "Ano ba 'yan, ang hirap magseryoso," reklamo niya sa sarili at tinakpan ang bibig.

"Ayoko."

Napatingin siya sa akin. "Ayaw mo?" tinanggal ang kamay sa bibig niya at nilawakan ang ngiti. "Ayaw mong tigilan kita? Ayaw mong mawala ako sa paningin mo? Ano ba 'yan, kinikilig ako," at niyakap ang sarili.

"Ayokong makita ka pa ulit," irap ko sa kaniya. Nginusuan niya ako. Tinalikuran ko na lang siya at nagsimula nang maglakad palabas ng school.

"Pero gusto kitang makita araw-araw!" at halos ingudngod na ang mukha niya sa akin sa sobrang lapit.

Sinamaan ko siya ng tingin at inilayo ang sarili. Hindi niya ba alam ang salitang personal space? "Pakialam ko?"

"Wala lang share ko lang. Pero kasi gusto ko talaga!" pilit niya.

"Pakialam ko nga?"

"Edi ako na lang manligaw, nahihiya ka pang umamin na gusto mo ako, sus," at mahinang binangga ang balikat ko.

"Baliw ka ba?!" singhal ko sa kaniya. "Ligawan mo sarili mo. 'Wag mo kong idamay sa kabaliwan mo," iritableng sagot ko rito. Bakit ba ako ang gustung-gusto nitong pagtripan?

"Baliw sayo, ayiee," asar nito at pabebeng pinaraan ang daliri simula patilya hanggang sa likod ng tenga habang kagat-kagat ang labi.

"Hindi kita kilala," at binilisan ang lakad ko. Hindi ko siya kilala at hindi ko siya kikilalanin. Hinding-hindi.

"Hindi rin naman kita kilala pero nililigawan kita."

"Hindi ako pumayag."

"Oo, hindi ka pumayag na tigilan kita. At dahil gwapo akong manliligaw mo, ihahatid kita sa inyo," hayag niya kaya halos maghalo na ang balat sa tinalupan sa sobrang inis ko.

"Gusto mong iligaw kita?"

"Basta papunta sa puso mo," parang wala lang na sagot niya. Nandidiri na ako sa pinagsasasabi niya.

"Papunta sa morgue."

"Okay lang, patay na patay naman kasi ako sayo." Kasing lalim ng boses niya ang kalalagyan niya kapag napatay ko siya nang hindi sadya.

"Patayin kita, literal."

"Tatanggapin ko lahat ng sakit galing sayo, binibini," madrama niyang hayag at tumingala pa sa langit habang sinusuntok ang dibdib. Bumalik ulit ang tingin niya sa akin. "Ayos ba? Sinasagot mo na ba ako?"

"Hindi ako pumayag na manligaw ka sa akin kaya tigilan mo ako," nagtitimping banta ko sa kaniya. Ano bang saltik niya? Ako pa ang naisipang pagtripan.

Ngumuso siya at hinarang ang mukha niya sa dinaraanan ko. Nagsalubong ang kilay ko sa ginawa niya.  Hindi ba siya marunong tumigil? Hindi niya ba maintindihan ang salitang "tigilan niya ako"?

"Ano na naman ba 'yan?" iritableng saad ko sa kaniya at inalis ang ulo niya sa harap ko.

"Payag ka na kasi na manligaw ako."

Sumama ang tingin ko sa kaniya. Napakakulit din nitong gago na 'to, ano? Huminto ako sa paglalakad at hinarap siya. "Hindi ako papayag kahit anong pangungulit mo sa 'kin ngayon tungkol d'yan sa panliligaw mo," angil ko sa kaniya. "At saka hindi mo pa nga alam pangalan ko, kakakita pa lang natin kahapon. Tapos liligawan mo ako ngayon? Anong balak mo? Pagti-tripan mo ba ako?"

"Oo nga, 'no! Dapat pala tinanong ko sa mga kaklase mo kanina 'yong pangalan mo," at tumingala sa magkahalong bughaw at kahel na kalangitan. Sumama lalo ang tingin ko sa kaniya.

'Yon pala talaga ang pinansin niya hindi ang inis ko! Sira na nga araw ko kahapon, pati ngayon dinamay. Gusto ko siyang suntukin sa dibdib ng ilang beses hanggang sa maubos ang inis ko sa kaniya. Kaso baka isipin niya pang nakikipagharutan ako sa kaniya.

Mabilis akong naglakad para maiwan ko siya roon. Gusto kong sumabog sa inis, sa prustrasyon kasi napakagago ng lalaking iyon. Napabuga ako ng hangin para kumalma. Ayokong mainis. Hindi ko gusto ang pakiramdam, hindi siya maganda, sobrang unsettling, hindi ako sanay ganitong pakiramdam.

Naramdaman ko ang pagsunod niya sa likod ko. Ayoko siyang lingunin, ayokong makita ang pagmumukha niya. Hindi ko babalaking lumingon. Ayoko.

"Michaella!"

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ang isa sa mga kaklase ko.

"Michaella!" Pinanood ko siyang tumakbo papalapit sa akin at huminto sa harap ko. Hinihingal siyang inaabot ang kamay niyang may hawak na payong. "Na—" huminga siyang malalim. "N-Naiwan—" huminga siya ulit nang malalim.

"Huminga ka muna, mukhang mamamatay ka na, o," nagsalita ang lalaking nasa likod ko.

Naalala ko na naman ang inis ko sa kaniya. Huminga ako nang malalim para mabawasan kahit papaano ang nararamdaman ko.

Saglit lang ay nakapagsalita na ulit si Irene, 'yong kaklase kong nasa harap ko ngayon. "Nakalimutan kong isauli kanina 'yong payong na hiniram ko sa 'yo no'ng nakaraan kaya hinabol kita rito," at inayos ang nagulo niyang buhok. Dumapo ang tingin niya sa likod ko. "Kasama mo pala si Kuya Kiel, Miks," at malisyosong ngumiti sa amin.

Sasama ba siya sa listahan ng mga dapat kong iwasan? Unang-una na si Kiel sa listahan, huwag niya akong pilitin na Irene naman ang sunod kong ilista. Umiling ako sa kaniya. "Nagkataon lang na magkasabay kami ngayon—"

Napahinto ako nang maramdamang may umakbay sa akin. Napalingon ako sa gumawa na walang iba kundi ay si Kiel. Hindi pa nakakapagsalita si Kiel ay siniko ko na siya nang malakas sa tagiliran. Baka kung ano pang kalapastanganan ang lumabas sa bibig niya.

Nakahawak lang si Kiel sa tagiliran niya at tahimik na umiiyak. Hindi ko siya kinibo at nginitian si Irene. "Salamat sa pagbabalik ng payong ko. Uwi na ako, Irene. Ingat ka," paalam ko at iniwan na silang dalawa.

Akala ko payapa na akong makakauwi ngayon kaso mali ako nang mapansin sumusunod sa akin si Kiel. Huminto ako at humarap sa kaniya. "K—"

Hindi ko pa nabubuo ang sasabihin ko, pinutol niya na agad ako. "Alam ko na name mo! Pwede na ba kitang ligawan?" malawak ang ngiti niyang tanong sa akin.

Napapikit ako. He's so hopeless. Tangina, punung-puno na ako sa kaniya. "Kiel." Seryoso akong tumingin sa kaniya, nananatili pa rin ang ngiti niyang nagpasasama ng araw ko. "Huwag kang magpapakita sa akin bukas, please lang."

Bumaba ang dalawang sulok ng labi niya. "Bakit?"

"Galit ako sa 'yo," diretsa kong sagot sa kaniya.

Nakatingin lang siya sa akin. Hindi ata ma-process ang sinabi ko. Nakakagulat ba iyong sinabi sa kanya? Tutal gago naman siya, deserve niyang malaman iyon.

Tumalikod na ako sa kaniya at iniwan siya roon. Sana nga hindi siya magpakita bukas.

✧ ✧ ✧

author's note:

when i said regularly, im just kidding.
ಥ_ಥ

untitledTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon