six

5 4 0
                                    

Pabalik na akong silid na galing canteen dahil recess na. Pero saktong pagdating ko sa silid ay may nakalagay ulit na papel sa ibabaw ng desk ko. Kinuha ko iyon at binasa.

"Pwede na ba kitang makausap?"

Panigurado kay Kiel na naman ito galing. Nilagay ko iyon sa bulsa ko at umupo sa pwesto ko. Kahapon naman na iyon, wala na rin naman na ang galit ko. Tapos nagsorry naman na siya. Depende na lang kung makita ko siya ngayong araw. Baka makausap niya ngayon.

"Michaella, pinabibigay sa 'yo," saad ng lalaki kong kaklase at inabot ang isang tetra pack ng strawberry milk. Napataas ang tingin ko sa mukha ng lalaki.

Hindi naman siya naiilang o ano kaya panigurado hindi siya 'yong nagbibigay. May iba kasi na ginagawang palusot 'yon. "Kanino galing?" tanong ko sa kaniya at inabot ang hawak niyang strawberry milk drink.

Lumingon muna siya sa pinto bago sinagot ang tanong ko. "Hindi ko kilala, e. Basta nag-excuse na lang siya sa akin tapos sinabi na iabot ko raw sa 'yo," nagkibit-balikat siya.

Napatango ako sa sinabi niya. Mukha namang hindi siya nagsisinungaling. "Salamat," sabi ko sa kaniya at pinaalis na siya.

Sinuri ko ang kahon ng strawberry milk. Wala namang sign na nabuksan 'yong box o kahit ano. Sino naman kaya nagpa-abot no'n? Hindi kaya si Kiel? Pero kung si Kiel iyon, dapat nasa mesa iyon kasama no'ng papel.

'Di bale na, safe naman 'yong pinaabot, sakto pa na mahilig ako sa strawberry milk. Inubos ko na lang ang pagkain ko at hinintay dumating ang sunod na magtuturo.

Lunch na kaya naisipan kong pumunta ng canteen. May baon ako palagi kaya hindi na ako lumalabas ng silid. Mas tahimik kasi kumain sa loob ng silid at hindi crowded, hindi katulad sa canteen namin.

Gumagawa lang naman ako ng dahilan para makita ko si Kiel. Oo, nagalit ako sa kaniya kahapon. Pero hindi ako sanay na manatiling galit sa loob ng isang araw. Pag-uwi ko pa nga lang sa bahay, nagsisisi na ako kung bakit ako nagalit sa kaniya.

Pakiramdam ko, sobrang sama kong tao kasi nagalit ako. Hindi ko alam gagawin ko kagabi kaya nagbabad ako sa bath tub kagabi para kumalma. Ayokong magalit. . . hindi ko gusto 'yong pakiramdam.

Sa sobrang lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayan na nasa tapat na pala ako ng canteen. Muntik ko pang mabangga 'yong isang palabas na babae.

Pagpasok ko ay ingay agad ang sumalubong sa akin. Hindi ganito kaingay tuwing recess kasi mas kaunti ang tumatambay sa mga mesa, hindi katulad ngayon na halos mapuno na ang mga mesa.

Pumila agad ako para makabili at makahanap ng bakanteng mesa. Kaunti lang naman bibilhin ko kasi kumain na ako kaninang recess, ayoko rin namang kumain nang marami sa school at baka sumama pa sikmura ko.

Bumili ako ng siomai at isang bote ng tubig. Juice sana kaso ayaw ko ng apple flavor. Naaalala ko roon 'yong lasang kalawang na pinapainom sa amin dati. Hindi ko makalimutan kasi tinunaw ko pa sa labi ko. Nakakatrauma, tangina.

Matapos mabigay sa akin ang sukli ay umalis na ako sa counter. May naghaharutan sa pila kaya hindi ako agad makaraan. Nakaharang kasi sila sa labasan ng mga nakabili na.

"Excuse me," paumanhin ko. Buti napansin ako no'ng isang kasama nila. Ang tatangkad kasi nila, e.

"Kiel, may dadaan," sabi no'ng nakapansin sa akin doon sa nakaharang sa harap ko.

Kiel?

Lumingon sa akin 'yong nakaharang. Ah, si Kiel nga. Agad na nanlaki ang mata nito at nagtago sa likod ng kasama niya.

"Hindi kita sinusundan, promise! Sorry, hindi ko alam. Huwag ka nang magalit, please," sunud-sunod niyang paumanhin sa akin. Bahagya siyang sumilip sa akin at agad ring nagtago. "Sorry na, hindi naman talaga ako dapat magpapakita sa 'yo ngayon, e. coincidence lang 'to, promise," dagdag niya at mukhang iiyak na habang nakapikit.

Pumwesto ako kung saan makikita niya ako. "Usap tayo," saad ko sa kaniya.

Dahan-dahan siyang dumilat, Kumikinang ang mata sa narinig. "Hindi nga? Kailan? Ngayon na ba?" Para siyang bata ngayon na bibigyan ng candies kapag nagpakabait. 

Tinanguan ko siya.

Napasigaw siya sa tuwa siguro at inalog-alog ang likod ng kasama niya.

"Kiel, ano ba?!" reklamo ng kasama niya. Doon lang siya tinigilan ni Kiel.

Lumapit sa akin si Kiel at marahan akong pinalo sa braso. "Hindi mo ako matiis, ano," at ngumisi na parang tanga. Sumama ang tingin ko sa kaniya. Dapat pala hindi na lang ako lumabas ng silid para hindi ko siya makita. Nagsisisi na tuloy ako.

Iniwan ko siya. Ano bang desisyon 'to sa buhay, Michaella?

"Teka—Ross, bilhan mo muna ako ng usual ko, bayaran kita later!" at sumunod sa akin.

"Teka!"

"Libre kita mamaya!"

"Ako na bahala!"

untitledWhere stories live. Discover now