Third

196 27 7
                                    

It was already THREE in the morning, the day after our dance performance, pero hindi pa rin ako makatulog. Hindi ko matanggap na mababa ang nakuha mong grade dahil hindi mo ako naiangat sa sobrang bigat ko.



"Psst! Milliot! Milliot, huy! Psst!" Namalayan ko na lang na nakaupo ka na sa nakabukas na bintana ng kwarto ko, katapat ng sa 'yo. "Umiiyak ka pa rin?"



Hindi ako sumagot. Tumingin lang ako sa 'yo habang dire-diretsong umaagos ang mga luha ko at kumikibot-kibot ang mga labi kong nagpipigil ng hikbi.



"Tanginang itsura 'yan," nakangiwing sabi mo. Sinasamantala mo talaga kapag wala akong energy para gantihan ka. "Mag-jacket ka. Bumili ako ng pagkain."



Alam na alam mo rin kung paano ako iko-comfort. Siyempre, pagkain. Umakyat tayo sa bubong ng bahay ninyo tulad ng palagi nating ginagawa mula noong mga bata pa tayo. Hirap na hirap ako no'n dahil bukod sa mabigat nga ako, blurred pa ang vision ko dahil sa pag-iyak.



"Mag-ingat ka naman! Gago, 'pag nabutas mo 'tong bubong namin, do'n na 'ko maninirahan sa kwarto mo."



Sinamaan lang kita ng tingin at para bang doon mo lang napansin na umiiyak pa rin ako. Inilipat mo sa kabilang kamay ang paper bag na hawak mo saka itinaas ang kanang braso mo sa tapat ng mukha ko. Nakasuot ka ng jacket noon. At walang pagdadalawang-isip na isinubsob ko ang mga mata ko sa sleeves mo.



Sampung segundo. Tandang-tanda ko pa na sampung segundo mong hinayaan na mapunta sa sleeves ng jacket mo ang mga luha mo. Ako na mismo ang tumunghay at umupo nang maayos, pero may humabol pang isang luha na tumulo mula sa kanang mata ko.



Nakita mo ang luhang 'yon at napakunot ang noo mo. Pero hindi ka nagsalita. Hinila mo lang ang dulo ng sleeves mo para tumakip sa mga palad mo saka pinunasan ang kanang pisngi ko.



Hindi ko itatanggi na kinilig ako do'n. Nag-flashback sa 'kin lahat ng pagkakataong ikaw ang nagpapatahan sa 'kin. Kahit naman ikaw ang madalas kong kaaway, ikaw din naman ang palagi kong kakampi. Umiiyak ka nga kapag napipikon ka na sa 'kin dati, 'di ba? Kasi ayaw mo akong gantihan.



"Hoy, ano, tulala ka nanaman. Iiyak ka nanaman ba?"



"Antagal mo kasing buksan 'yan." Ininguso ko ang paper bag na dala mo. Napailing ka na lang.



Inilabas mo ang isang box ng seasoned fried chicken at dalawang cups ng paborito nating Java Chip Frappe. Ibinigay mo sa 'kin ang isa habang ang kabilang kamay ko, dumadampot na ng chicken.



"Wow, tahimik ah," sabi mo matapos ang ilang minuto na kain lang ako nang kain. Mag-iisang oras na siguro tayo sa bubong ninyo pero wala pa nga tayong napapagkuwentuhan dahil busy akong ngumuya. "Tsk. Iidlip ako, manood ka na lang ng TikTok vids," sabi mo pa, alam na alam na 'yon ang pampalipas ko ng oras.



"Naka-charge 'yong cellphone ko."



Nakahiga ka na nang iabot mo sa 'kin ang cellphone mo at hindi ko 'yon agad na makuha sa 'yo. Inilibot ko ang tingin ko sa magkabilang gilid ko, naghahanap pa ng puwede kong pagpatungan ng mga hawak ko sa magkabilang kamay.



"Tsk." Bumangon ka ulit. Ikaw na mismo ang nag-open ng TikTok app sa cellphone mo at ihinarap sa 'kin ang screen. Ikaw na ang nag-volunteer na maging phone stand. Hindi ka nanonood pero ikaw din ang nag-iscroll at paminsan-minsan pang nag-oopen ng comments kapag nakikita mong napapakunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan ang nasa video.



Hindi 'yon ang unang beses na ginawa mo 'yon para sa 'kin. Kung dati, natutuwa lang ako na hindi ko na kailangang ibaba ang pagkain ko. Pero noong mga oras na 'yon, hindi talaga ako makapag-focus sa pinapanood ko. Tangina. Gago. Akala ko dati normal lang tayo. Kung titignan pala sa ibang perspective... sweet pala tayo?



Napaisip tuloy ako. Hindi kaya... hindi lang ako?



"Eli."



"Oh?"



Napahugot ako ng malalim na hininga. Sasabihin ko na ba? Sasabihin ko ba?



Tumingin ako sa mga mata mo—sa mga matang pinakakabisado ko. Parang bumalik sa 'kin lahat ng pinagsamahan natin mula pagkabata. Parang nakita ko ang future na mawawala 'yon dahil siguradong may magbabago kapag nalaman mo ang nararamdaman ko.



"W-Wala."



Natakot ako.



– M

25 StepsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon