Fifteenth

117 21 3
                                    

FIFTEEN minutes before 6 AM, nakaabang ka na sa 'kin sa labas ng bahay. Ganoon ang naging setup natin buong college. Palaging mas maaga ang schedule ko pero sabay pa rin tayong pumapasok at kahit kailan hindi ka nagreklamo.



Nasanay na akong simulan ang umaga na nakangiting mukha mo ang unang nakikita paglabas ng bahay. At nakangiting mukha mo rin ang huli kong nakikita bago pumasok sa loob ng bahay pag-uwi.



We had our ups and downs, Eli. After all, we were still students at that time. Una nating naging problema si Gray, na hindi naman pala dapat dahil isa pa siya sa mga pinaka-nakasuporta sa 'tin. Sunod-sunod nating naging problema ang mga babaeng umaaligid sa 'yo, pero lagi mo akong ina-assure na wala kang tinitignang iba bukod sa 'kin. Naging busy rin tayo noong huling taon natin, pero hindi tayo nawalan ng time para sa isa't isa.



Hanggang sa nagawa natin, Eli. Naka-graduate tayo nang magkasama.



Iyak ako nang iyak noon. Tinatanong ni Venus at ng girlfriend niya kung bakit ako natatakot eh magkapitbahay naman tayo. Biro pa ni Gray, mag-propose na raw ako sa 'yo para mapanatag ang loob ko. Si papa, nakikiiyak dahil napatapos niya na ako. Sina mama ko at mama mo, napu-frustrate dahil nasira na raw ang makeup ko.



Ikaw, as soon as makababa ka ng stage at makuha ang diploma mo, tumakbo ka na kaagad papunta sa 'kin. Niyakap mo ako. Sobrang higpit. Saksi ako sa lahat ng pinagdaanan mo para makarating sa puntong 'yon kaya kahit hindi ka nagsalita, naintindihan ko. Niyakap kita pabalik.



"Congratulations, Eli," bulong ko sa 'yo. Wala na sigurong mas proud pa sa 'kin. Kahit kailan, Eli. Walang naging mas proud sa 'yo kumpara sa 'kin.



"Congratulations, Milliot."



Napatawa ako nang marinig ang sinabi mo. Doon ko lang din na-realize na malayo na ang narating ng Milliot mo. Mula sa batang babaeng umaagaw ng pagkain mo, mayroon na akong degree. Ikaw rin, mula sa batang lalaking na-inlove sa 'kin habang naglalaro tayo noon, nakatapos ka na ng pag-aaral.



"Walang magbabago sa 'tin, Eli, 'di ba?" bulong ko ulit na naging dahilan para kumalas ka sa yakap. Nag-panic ka nang makitang umiiyak pa rin ako.



"Bakit mo naman iniisip 'yan?" tanong mo habang pinapahiran ang magkabilang pisngi ko gamit ang mga kamay mo. "Walang dahilan para may magbago sa 'tin."



"Eh, kasi..." 'Di ko napigilang mapahikbi. "Magtatrabaho na tayo. Magiging mas busy na tayo, tapos—"



"Lagi akong may oras para sa 'yo. Puwede akong mapagod sa trabaho, pero hindi sa 'yo," putol mo sa sinasabi ko saka hinalikan ang noo ko. "Saka, 'di ba nga, kaya ka nag-Civil Engineering eh para magka-partner tayo hanggang sa trabaho?"



"Kaya ako nag-Civil Engineering kasi isinulat mo 'yon sa first choice ko no'ng registration." Tumawa ka lang sa paalala ko. "Pa'no kung 'di tayo makahanap ng trabaho na magkasama tayo?"



"Sa 'yo pa rin naman ako uuwi," sabi mo saka niyakap ako ulit. "Nako, Milliot. Ini-stress mo lang ang sarili mo. May habambuhay pa tayo para magmahalan."



Pabiro kitang sinuntok sa tiyan at tumawa ka lang ulit.



"Mahal kita," bulong mo na muling nakapagpatulo sa mga luha ko. "Mahal kita, Milliot, at walang makakapagpabago ro'n."



Mahal din kita, Eli. Pero nagbago ang lahat nang hindi mo namamalayan, at wala akong nagawa.



– M

25 StepsWhere stories live. Discover now