Ang Simula

281 14 0
                                    

"Heneral, nasundan na raw tayo ng ilang mga Amerikano. Kasalukuyan sila ngayong nasa paanan ng bundok, sa may Candon." Saad ng isa sa mga kapwa ko sundalo.

"Goyo, ano ang gagawin natin? Ni hindi ko sila matantya sa dami. Kinakailangan nating maging handa sa kanilang pagparito, kailangan ng epektibong plano." Natatarantang ulat ng isa sa aking pinaka matalik na kaibigan, si Vicente.

"Enteng, hindi ko lubos mawari kung bakit lumalaki ang iyong mga ilong sa tuwing ika'y kabado..." Natatawang tugon ko sa kanya na ikinainis niya.

"Pilyo! Nagagawa mo pang mag biro sa ganitong kalagayan? Goyo, nasa gitna tayo ng gyera. Maaari tayong mamatay kasama ng mga kasamahan nating sundalo-" Hindi ko na siya pinatapos sa kanyang inuulat.

"Sundalo!" akin tugon, "Sa natatanging bibig mo na nanggaling ang katagang 'yan. Tayo'y mga sundalo, ipinanganak para sa bayan, at mamamatay para sa bayan. Bakit ka matatakot sa maaari nating kahantungan Vicente?" Tinignan ko siya sa kanyang mga mata na inis ang kasalukuyang bumabalot dito.

"Tayo'y sundalo na itinakdang isilang... para lamang mamatay sa ating Inang Bayan."

Hindi na siya umimik pa at tango na lamang ang naging tugon.

"Hayaan mo, ako'y nakakasiguro na sa aking pag mumuni ay makakabuo ako ng plano para sa ikabubuti ng lahat. Sa ngayon ay mag pahinga muna ang bawat isa, kakailanganin nating lahat maibalik ang ating lakas dahil bukas, bago sumilay ang araw, mag sisimula tayo sa pag hahanda upang maharangan ang pasong tirad at mapigil ang pagpanhik ng mga Amerikano rito." Aking sinabi sa mga kapwa ko sundalo, at kay Vicente na rin ng may tono na nag dedeklarang tapos na ang aming usapan.

"Masusunod, Heneral." Tugon ng mga tauhan kong sundalo.

Tuluyan na silang lumabas sa aking tinutuluyang silid. Mabuti't may tumanggap sa amin sa gitna ng aming paglalakbay. Ang may ginintuang puso para sa kapwa niya Pilipinong nangangailangan ay tunay ngang anak ng Inang Bayan. Tunay na kapatid, at may tunay na pag-ibig sa republika ng Pilipinas.

Inilapat ko ang aking likod sa banig na ipinahiram sa amin ng mga tao rito sa Concepcion—isang parte sa munisipalidad ng Cervantes Ilocos Sur—ang mga tao rito ang kumupkop at nagpakain sa amin mula sa matagal naming paglalakbay.

Ngayon ko naramdaman ang sakit ng katawan at pagod sa ginawa naming paglalakbay ng ilang linggo. Nakadagdag pa sa aming pagod ang gutom dahil naubos na ang lahat ng imbak naming pagkain habang naglalakbay. Ilang beses ding tubo ang aming nginangata makausad lamang sa araw araw.

Nang hindi maramdaman ang antok sa pag daan ng ilang minuto, muli akong naupo sa banig at hinawakan ang aking sintido.

Paulit ulit akong lumunok dahil nararamdaman kong kakaibang sakit na bumabalot sa aking dibdib. Hinawakan ko ang tapat ng aking puso upang pakiramdaman ang hindi pangkaraniwang bilis nito.

Unti unti naman akong tumingala sa langit at tinanaw ang kalangitang binalot na ng kadiliman, at ang ilaw lamang ng buwan at ng napaka raming bituin ang nag bibigay liwanag dito.

"Ang bituin ay atin at atin lamang..."

Napapikit ako nang mag simulang dumaloy ang mga ala-ala naming dalawa. Nag simula na ring mamuo ang luha sa aking mga mata, iniisip ang mga pagkakataong kasama ko pa siya.

"Babalik ako..." Bulong ko sa aking sarili habang nakatingala sa kalangitan, umaasang maririnig niya ang aking pahiwatig.

"Kamatayan man ang mag silbing napaka laking hadlang sa pag-ibig na ito, babalik at babalik pa rin ako sa'yo... pangako." Ang mga huling katagang binitiwan ko bago ako tuluyan dalawin ng antok.

Úlitimas Órdenes del General (GLO)Where stories live. Discover now