Chapter Two

516 16 0
                                    



Chapter Two - WHO IS HE?





Habang nagluluto si Alena ay may biglang kumatok ng malakas sa pintuan ng kanyang condo. Hininaan niya ang apoy ng kalan upang hindi masunog ang adobong niluluto niya. May pagtataka niya itong pinuntahan. Wala naman siyang inaasahan na bisita kaya nakapagtataka na may dadalaw sa kanya.

Binuksan niya ang pinto at tumambad sakanya ang isang sobre na nasa bungad ng pinto. Lumingon-lingon pa siya upang kumpirmahin kung may tao ba subalit bigo siyang makakita.

Pupulutin na sana niya ang sobre nang bigla siyang banggain ng hindi kilalang lalake. Muntik pang natumba si Alena.

"Hey, hindi ka ba maruno—"

Hindi na niya natapos ang dapat na sasabihin nang lagpasan lang siya nito. Masamang tumingin ang dalaga sa bulto ng nakabangga sakanya. Binabagtas ngayon ng lalake ang daan papasok sa elevator. Hahabulin pa sana siya ni Alena ngunit hindi na lang niya tinuloy dahil sayang lang sa oras kung makikipag-away pa siya.

Kahit na hindi niya nasilayan ang mukha ng lalake ay naiwan naman ang halimuyak ng kanyang pabango. Nanuot sa ilong ni Alena ang amoy rosas na pabango nito.

Binalewala na lamang niya ito at pinulot ang sobre mula sa sahig bago siya mabilis na pumasok. Binalikan ni Alena ang nilulutong adobo at binitawan muna sa lamesa ang sobre. Mamaya nalang niya titignan kung ano ang nakasulat doon.

Tuwang-tuwa si Alena nang tikman ang adobo at nalasap niya ang linamnam nito. Walang palya si Alena pagdating sa lutuan. Namana niya ang husay sa kusina mula sa kanyang ina na nasa Amerika kasama ang kanyang ama at tatlong kapatid. Nais ng kanyang mga magulang na sumama si Alena at manirahan doon, ngunit ayaw niyang iwanan ang kanyang nobyo. Alam niya na isang katangahan na piliin ang kasintahan kaysa sa pamilya ngunit malakas ang pakiramdam ni Alena na si Cade na ang taong itinakda para sakanya. Ang lalakeng makakasama niya panghabang-buhay.

Lahat ng katangian na hinahanap niya sa isang lalake ay natagpuan niya kay Cade: gwapo, macho, matalino, at mayaman,  subalit hindi ito ang nagpatibok sa pihikan niyang puso. Ang mga kalidad ng binata tulad ng pagiging mabait, matulungin, mapag-mahal, takot sa Diyos, at magandang koneksyon sa pamilya ang siyang dahilan kung bakit siya minahal ni Alena.

"Dalhan ko kaya si Cade ng niluto kong adobo?" tanong niya sa sarili. Tumawa siya ng malakas at nag-thumbs up pa sa kawalan. Perpekto ang ideya niya at paniguradong matutuwa si Cade kapag dinalhan siya ng nobya ng pagkain.

Kumuha ng tupperware si Alena at nilagay doon ang adobo. Dinagdagan na niya ang paglalagay dahil balak niyang sabayan sa pagkain ang nobyo. Matagal-tagal na rin nang huli silang nagkita. Lately ay hindi na nagpaparamdam si Cade. Tatlong linggo na ang nakakalipas nang huling mag-usap ang dalawa. Hinayaan lang ni Alena ang nobyo dahil baka busy lang ito sa trabaho kaya hindi siya nito nagagawang bisitahin. Alam niya ang limitasyon niya bilang kasintahan at nirerespeto niya ang oras ni Cade.

Pero nakapagtataka lang na sa ilang taon na pagsasama ng dalawa ay ngayon lang ito nangyari. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagawa siyang tiisin na hindi kausapin ni Cade sa loob ng mahabang panahon. Wala namang natatandaan si Alena na pinag-awayan nilang dalawa. Ang huli nilang kita ay nung nag-date sila na agad ding natapos dahil kailangang umuwi ng maaga ni Cade dahil may emergency daw sa bahay.

And after that, hindi na siya nagparamdam pa. Kung sa tingin ni Cade ay sapat na ang regalo niyang manika, rosas at tsokolate ay nagkakamali siya.

'Pipingutin ko talaga ang tenga ng lalake na iyon kapag nagkita kami.'

Binitbit ni Alena ang dalawang tupperware na may lamang adobo saka pumunta sa bahay ng nobyo.

"TAO PO!" malakas na sigaw ni Alena nang makapunta na ito sa tapat ng bahay ni Cade. Walang sumagot. Muli siyang tumawag subalit kagaya kanina ay walang rumesponde sakanya.

Akmang tatawag siya ulit nang biglang may bumangga sakanya, na naging dahilan para malaglag sa daan ang tupperware na may adobo.

"Ano ba naman 'yan!" galit na wika niya bago tapunan ng masamang tingin ang lalake subalit mabilis ding nawala ang nakakamatay na tingin ni Alena nang mapansin na ang lalakeng bumangga sakanya ay pamilyar. Amoy rosas. Ito rin ang amoy nung lalake na bumangga sa kanya sa may hallway nung condominium.

Siya yung lalake na yon!

Hindi niya alam pero kakaibang kilabot ang bumalatay sa kanyang katawan. Sigurado siyang hindi nalang basta aksidente ang nangyari. Napaka-imposible na mabangga siya ng lalake ng dalawang beses sa isang araw. Napaka-lawak ng daan para makisiksik ang lalake at mabangga niya si Alena.

"Sino ka?" mahinang tanong ni Alena habang tinatanaw ang bulto ng lalake na papalayo sakanya.

Nais niyang habulin ang lalake subalit ayaw gumalaw ng mga paa niya. Ganitong-ganito ang pakiramdam niya sa condo sa t'wing may mararamdaman siyang pares ng mga mata na tila nagmamatiyag sakanya.

"Alena? Anong ginagawa mo rito?" Nabalik lang siya sa wisyo ng may magsalita sa kanyang gilid.

Tumingin ito sa nagsalita at bumungad sakanya ang nanay ni Cade. Mabilis na nagmano si Alena bilang tanda ng pag-respeto.

"Hinahanap ko po si Cade, balak ko po kasi siyang bigyan ng adobo na niluto ko. Ang kaso... natapon po yung ulam," kanyang tugon saka kumamot ng ulo dahil sa hiya.

Nagtataka siyang tinignan ng nanay ni Cade, tinakpan pa niya ang kanyang bibig na para bang gulat na gulat sa narinig. Nagbigay ang ekspresyon ng ginang ng hindi maipaliwanag na kaba kay Alena.

"Hindi mo pa alam? Ang buong akala ko ay hindi ka lang talaga pumunta sa libing dahil sa sobrang kalungkutan. All this time hindi mo pala alam."

Kumunot ang noo ni Alena. "Ano po ang hindi ko alam?"

Humawak sakanyang balikat ang ginang at may awa sa mga mata niyang tinignan ang dalaga.

"Patay na si Cade, last week pa."

Thunder's Woman Property Where stories live. Discover now