Panimulang Pananalita

50 7 0
                                    

"Masasabing nagtagumpay ka bilang manunulat kapag naibahagi mo
sa iba ang iyong mga natutunan."

Kung hindi ako nagkakamali, ito ang sinabi ng mentor ko sa writing workshop na aking sinalihan. Hindi lang maisusukat sa pagiging sikat, sa dami ng mambabasang sumusuporta, sa pagkakasalibro ng mga kuwentong naisulat at nagsilbing mapagkakakitaan, at sa parangal na natanggap maituturing na isa kang manunulat na mayroong narating.

At ito ang layunin ko, kaya naisipan kong ilunsad ang akdang ito na sumasailalim sa kategorya ng non-fiction. Sa abot ng aking makakaya at nalalaman, tutularan ko ang isang guro at ang direksyon na tinatahak ng bawat kuwento—ang makapag-iwan sa isang mambabasa ng aral na kaniyang matututunan.

Ang "Mga Payo ni Kuya" ay naglalaman ng mga payo sa pagsusulat (writing tips), na pawang sa opinyon nakabase. Lahat ng mababasa rito ay tungkol lahat sa akin: kung paano ako magsulat, ano ang pananaw ko sa pagsusulat, mga isinasaalang-alang ko sa pagsusulat, ano ang mga natutunan ko sa iba, at kung ano-ano pa. Maaaring tularan ang mga paraan kong ito. Subalit, hindi ipipilit na ganito, ganiyan ang gagawin. Nasa sa iyo ang desisyon kung sakaling sang-ayunan ang mga nakalagay rito.

Asahan na hindi ako magbibigay ng impormasyon sa mga paksa na wala akong kaalam-alam. Baka mapasama pa ako. (Tawa ka.)

Oo, opinyon lang pero mayroon pa ring kabuluhan kahit papaano. Isa pa, hindi ko na iisa-isahin ang mga basic sa pagsusulat. Sa bawat paksang tatalakayin ko, isisingit ko na lang ang mga iyon. Hindi na papalawigin.

Nawa ay mayroong kang makuha mula sa akin. Kung hindi naman, nabigo ko ang layunin na makapagturo sa iba. Na siyang (maaari) ikalungkot ng isang guro. Ngunit ako, hindi malulungkot. (Ako naman ang tumawa.) Sapat na sa akin na may naiambag ako sa mundo ng pagsusulat, mayroon mang natuto o wala.

Nagtagumpay na ako dahil makapagbabahagi ako ng mga kaalaman sa larangan ng pagsusulat.

Mga Payo NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon