27: Pagrerebisa at Pagsasaayos

0 0 0
                                    

Mayroon ka bang paboritong damit na parati mong sinusuot? Iyon bang sa isang linggo, naka-schedule sa pagsapit ng ganitong araw, kunyari ay Huwebes, ang damit na nakasabit sa likod ng pinto ang susuotin mo. Mapapasabi ka ng “ Ito na ‘yon.” o “Araw ko ‘to.” Positibong pag-iisip ang lalanghapin mong atmospera. Hindi ka magpapalamang sa mga pangit na bagay na nangyayri sa mundo. Ikaw muna. Ang pokus ng ilaw sa pasilyo ay sa iyo lamang nakatutok.

Kaso sa sobrang ligalig mo, sumabit ang dulo ng iyong bestida (kung babae ka) o oversize shirt (kung lalaki) sa nakausling manipis na bakal sa cabinet. Napunit tuloy ang kasuotan mo. Pero dahil dapat ay masaya lang ang ipakita, gagawa ka ng paraan. Magdedesisiyon ka kung magpapalit ka ba ng panibagong damit, o huhubarin mo pansamantala ang iyong suot-suot, tapos tatahiin mo at saka ulit isusuot.

Ang pagsusulat natin ay katulad ng naranasan mo. Sa tuwing nakatatapos ng akda (maikling kuwento, sanaysay, tula, nobela), tapos maganda pa ang kinalabasan, magiging paborito natin iyon. Pangangalagaan natin ang ating draft. Ilalabas lamang iyon sa takdang oras, parang pangaral ni Lola Tinidora na “. . . sa tamang panahon.” At pinapayo ko, na payo rin ng halos lahat ng manunulat sa iba’t ibang sektor (mentor, coach, beterano, propesiyonal, taga-ayos, taga-lathala, taga-suri ng manuskripto, taga-proofread) na bigyan ng pahinga ang iyong akda ng dalawang buwan o higit pa rito. Hahayaan mo. Papakalawan gaya ng alagang tuta sa kaniyang kulungan. Babalikan na lang kapag malapit mo nang makalimutan.

Ginagawa ito upang mas mapadali ang proseso ng iyong pagrerebisa at pagsasaayos. Sa simula kasi na ilihis mo ang iyong atensiyon sa ibang sulatin o bagay, mawawala ang attachment mo sa iyong sinulat. Na magtutungo sa iyo para maisip na hindi na ito ang paborito mo.

Mapupuna mo ang mga kamalian sa iyong pagsusulat. Maaaring iyon ay sa paggamit ng tamang salita. Maaari ding sa kulang-kulang na letra. O magulo ang pagkakasulat. Ang pinakamasakit na bahagi: may isang kabanata o seksiyon sa iyong akda ang walang kuwenta simula una hanggang huli.

Huwag kang iiyak! Huwag kang susuko! Dahil mayroong paraan upang maayos iyon. At sa tulong ito ng pagrerebisa at pagsasaayos (editing).

Pagrerebisa

Pagpapalit ba ng panibagong damit ang naging pasiya mo sa kanina nating halimbawa? Kung oo, mailalapit natin ito sa pagrerebisa. Ito ay iyong pagtanggal, pagbabawas, pagdagdag, at paglalagay ng mga salita. Sumusulat ka ulit ng panibago. Pinapalitan mo ang hindi kaaya-aya sa pandinig. Nagsasama ka ng ilang mga salita upang mapaigting ang iyong paglalarawan sa isang eksena. Ganiyan ang pagrerebisa.

May pelikula akong napanood. Ang pamagat niyon: “Write About Love.” Tungkol ito sa manunulat, pinagganapan ni Miles Ocampo, na nakonsidera ang sinulat niyang script para gawing pelikula. Pangarap niyang proyekto iyon. Ang sabi ng mga producer o ng mga propesiyonal na tumingin sa kaniyang kuwento, kailangan niyang makatrabaho ang isa sa sikat na manunulat, si Rocco Nacino, at kilala sa mga pelikulang sinulat na alam ni Miles. Magtatambal sila upang pagandahin pa lalo ang script ni Miles. Para raw kasing may katulad iyong kuwento ni Miles sa mga nagawa ng pelikula.

Noong nagsimula na sila, nasa coffe shop siguro ang lokasiyon ng eksena, umalma si Miles sa malaking pulang ekis sa isang pahina roon sa hard copy (naka-print) ng kaniyang script. Buong papel ay nakamarka. Ang rason ni Rocco, aayusin nila iyon dahil cliche na ang ganoong pangyayari.

Ipinapakita sa “Write About Love” ang totoong buhay ng isang tagasulat ng script o manunulat sa pangkalahatan. Na ang pagsusulat nila ay madugo. Maraming pinagdaraanan ang draft bago marating ang pinaka-draft. At ang pagbabago ng eksena ang isa sa halimbawa ng pakikipagsapalaran nating mga manunulat.

Masakit itapon ang pinaghirapang isipin, ang pagbe-brainstorm, at pagbibigay buhay sa mga salita. Pero para naman iyon sa ikabubuti ng manuskripto. Iyon bang maipagmamalaki natin, ipagsisigawan sa daigdig na nakatapos ng akda na may tatak ng pagiging matagumpay. Kaya huwag mag-atubiling baguhin ang mga kinakailangan kung alam naman natin sa ating sarili na pangit iyon. Dito rin papasok ang kritisismo na natalakay ko noong nakaraan. Mahalaga ito proseso ng pagrerebisa. Gayon din sa pagsasaayos.
Ibabahagi ko lang na naranasan ko ng magsulat ng panibagong kabanata. Sa nobela kong “Malungkot na mga Kaluluwa,” binago ko talaga iyong katapusan. Hindi lang iyon, pati ang buong kabanata na pinaglalagyan ng wakas ay sinulat ko ulit. At nang natapos ako sa pagrerebisa at pagsasaayos ng aking nobela, pinangalanan kong unang bersiyon (aayusin ko pa ulit hanggang sa makuntento ako at magandahan), mas nagustuhan ko iyong panibago. Ang cliche kasi at ang corny para sa akin noong luma.

Ngayon, balikan natin ang mga dapat gawin. Una, pagpahingahin ng ilang buwan ang draft ng iyong akda. Pangalawa, mag-iba muna ng isusulat at ilayo ang isipan sa sinulat. Pangatlo, mag-aral ng mga kaalaman sa pagsusulat, lalo na ang tungkol sa pagrerebisa at pagsasaayos. Panghuli, kung handa na at nasa matinong pag-iisip, basahin mo simula una ang iyong draft at paunti-unting timbangin ang iyong mga nakalagay roon. Kapag sumakit ulo mo, nanlaki ang iyong mata, o napailing-iling ka, iyan na ang tamang panahon—makipagbabakan na sa pagbabago.

Pagsasaayos

Kung ang pinili mo namang pasiya sa gagawin mo sa iyong nasirang paboritong damit ay pagtatahi nito, rito na matatalakay ang pagsasaayos. Kinukumpuni. Hindi ka papayag na hayaan na lang. Gagawa ka ng paraan para maayos siya, at mapanatili na maganda pa rin ang damit sa iyong paningin.

Maraming klase ang pagsasaayos. Binubuo ito ng lima, na kakailangang isagawa upang ang kalidad ng iyong akda ay kakuwenta-kuwenta.

1. Developmental Edit

Dito tinitingnan ang kabuuang ayos ng iyong akda. Sinusuri ang mga tauhan, daloy ng kuwento, tema, at ang pagiging orihinal o hindi cliche ang sinulat. Mas binibigyang pansin ang “ikagaganda” ng akda matapos ang rough draft.

Base sa internet, maaari silang maging beta reader. Sila iyong magbabasa ng iyong akda simula sa simula hanggang dulo, parang first timers. Bago humantong sa pagsasaayos, babasahin muna nila. Pagkatapos, maglalatag sila ng mga feedback at opinyon para mabago, mag-improve, o ma-develop ito sa bersiyon na mas tatangkilikin ng mga mambabasa at ng mga tagalathala ng libro.
Mabisa ito kung gusto mong malaman ang mga butas sa iyong plot.

2. Structural Edit

Ito naman ay tungkol sa kabuuang ayos o structure ng iyong akda. Sasabihin dito kung kailangan ba ng pagbabalik-tanaw sa kuwento mo upang magkaroon ng malalim na pagkakasulat sa mga tauhan, o hindi na. Tinitingnan din dito ang haba ng kabanata at ang haba ng buong akda. Kailangan bang bawasan? Ilang kabanata ang mas bagay na isulat?

Ang mga taga-edit ng development ay maaari ding magbigay ng opinyon sa structural edit.

3. Line Edit

Sa tawag pa lang, tukoy na agad kung tungkol saan: bawat pangungusap sa akda ay binubusisi. Aalamin kung tama ang pagkakagamit ng mga salita, mayroon bang ritmo ang pagbabasa, paano mo nilarawan ang mga eksena. Ang pokus dito ay ang istilo ng iyong pagsusulat.

4. Copy Edit

Kumpara sa line edit, sa teknikal na aspeto ang pinagbabatayan nito. Hindi pinapakialaman dito ang pagkakakuwento ng akda. Papansinin lamang ang pagkakasulat. Ito ay ang mga sumusunod:

- Dialogue tags (sabi ni, aniya, tanong ko, at marami pang iba)
- Bantas (tuldok, kuwit, kudlit, tutuldok, tandang pananong, tandang padamdam, at iba pa)
- Ispeling
- Grammar
- Pananaw (P.O.V.)
- Paggamit ng salita (Akma ba ito? Ano ang mas babagay na gamitin: talon o lundag? At kung ano-ano pa.)
- Pag-uulit ng mga salita (labis ba ang pagsulat ng “nanlaki ang kaniyang mata”? paano ito maiiwasan?)
- Pagpapatotoo sa mga nakalagay na impormasiyon (nagsaliksik ba ang manunulat at tama ang sinabi tungkol sa pagiging inhinyero?)

5. Proofreading

Ito ang huling proseso ng pagsasaayos. Kapag pakiramdam mo, puwedeng-puwede na ipasa ang manuskripto sa mga publishing house, sasailalim muna ang draft dito.

Ang tawag sa pinal na bersiyon ng iyong draft ay proof. Kaya naging proofreading, susuriin kung nasa tamang kinalalagyan ang akda sa pakikipagsapalaran sa mundo ng pagsasalibro.

Format ng manuskripto ang tinitingnan dito. Indention, margin, bilang ng pahina, talaan ng nilalaman, dedikasiyon, pabalat ng libro, pangunang mukha, at iba pa na may kinalaman sa pisikal na libro.

• • •

Anong uri ng pagsasaayos ang gusto mong subukan?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now