18: Pananaw

0 0 0
                                    

Korte. Dito nagaganap ang paglilitis. Ang hustisiya ay nakakamit sa tulong ng Judge at mga batikang abogado. Ngunit maaari ding baliin ang katotohanan, na magdiriin sa biktima. Ang mga ebidensiya ay kulang. Magaling man ang tagapagtanggol, wala siyang mapapala kung sa bawat anggulo ng kaso o krimen, kung hindi mahahanap ng abogado ang butas na mamumunga. Kaya hindi makapag-iisip ng mga planong pam-back up sa sitwasiyong ganito. Ang huling alas tuloy, sasamantalahin ng kabilang panig at magpo-propose ng mga kasunduan na mali ang paratang sa kaniyang kliyente. Sa pagpukpok ng Judge, gamit ang kaniyang martilyo ng panghuhusga at ng pinal na kompirmasiyon, tutunog ito ng pok-pok-pok, panalo na ang suspek. “This person is not found guilty,” sabi ng taga-anunsyo.

Ang ilustrasiyong ibinahagi ko, pinakilala riyan ang dalawang kampo—ang complainant at ang dependant. Hindi ko alam kung tumutugma iyong Tagalog na tawag sa kanila. Ang mga impormasiyong nabasa mo ay mula sa pananaw ng isang tao na kaunti lamang ang kaalaman pagdating sa batas. Para bang dayo ako sa isang baryo sa probinsiya. Baguhan. Naninibago sa ganda ng mga tanawin: berdeng bukirin, malulusog na mga kalabaw, matatayog na puno ng durian, maaamoy ang baho nito na parang utot, at mga mamamayang kontento sa buhay nilang payapa, umiikot sa kalikasan, at simple.

Kung isang estudiyante ng pag-aabogasiya, propesiyonal, at mga taong may interes sa paksang ito ang maglalarawan ng halimbawang iyon, matutumpak nila ang mga pangalan ng kumakatawan sa hustisiya. Maalam sila, e. Samantalang ako, limitado lamang ang alam ko. (Mediyo napag-aralan ko ang tungkol sa batas at politika bilang parte ng aming subject sa kurso ko, pero hindi nagpopokus sa pag-aabogado.)

Sa isang kaso, mayroong dalawang mukha. Kailangang malaman ang opinyon ng mga sangkot dahil makatutulong iyon para makabuo ng malinaw, walang kinikilingan, at totoong konklusiyon. Magsasalita sila pero hindi pipilitin. Karapatan nilang humindi at magbigay lamang ng opinyon kung kailan nila gusto, at idudulog iyon sa kanilang abogado. Kung sakaling magkasalungat ang kinuwento ng mga sangkot, hindi sila maaaring husgahan agad. Daraan ito sa masugid na proseso. Walang sinungaling na kampo ang maaakusahan. Dahil pagbalik-baliktarin man ang mundo, iyon ang pananaw nila sa nangyari. At ang bawat indibidwal ay may karapatang angkinin ang kanilang opinyon.
Mahahati sa tatlo ang mukha ng pananaw sa pagsusulat. Taliwas sa paglilitis, ang pananaw sa literatura ay patungkol sa kung paano sinulat ang isang akda. Isa-isahin natin:

Pang-unang Pananaw
(First Person Point of View)

Noong Grade 8 o 9 ako, wala pa akong cellphone na touch screen—de-pindot na Nokia lang. Ginagamit ko iyon sa tuwing bago ako matulog. Nakahiligan ko ang pakikinig ng radyo; sasalpak ko ang earphone na pang-isahan, pupuwesto sa higaan kong sa sahig lang, at ililipat ang istasiyon hangga’t marating ko ang M.O.R. 101.9. Aabutin ako ng ilang oras. Minsan pa nga, nakatutulugan ko na. Magigising na lang ako na wala nang nakadikit na malambot na bagay sa loob ng aking tainga. Ipapaalam sa akin ni Mama iyon, at papaalalahanan akong huwag na iyon gawin. Pero makulit ako sa mga panahong iyon, kaya walang makapipigil sa akin. Isa akong Pabebe Boy!

Isa sa mga inaabangan ko sa pakikinig ng radyo ay iyong segment ni DJ Chacha. Magpapayo siya sa mga taong namomroblema sa buhay-pag-ibig nila. Kapag nagkukuwento sila, malimit ang pagsabi ng “Ako, Akin, Ka, Ko, Tayo, Atin, Natin.” nagsasalita sila sa kanilang pansariling posisiyon. At sa pang-unang pananaw, ganoon din ang ginagamit.

Halimbawa:

Lumiyad AKO sa paparating na lumiliyab na bolang apoy. Napakagat AKO sa AKIng labi, napuruhan ang noo KO. Gumewang AKO pagtayo dahil kumirot ang ulo KO, dulot ng pagtama ng salamangka.

“Walang hiya KA!” sigaw KO sa batang lumulutang. Ang talampakan niya ay umuusok ng pinaghalong kulay pula at kahel. Napatakip AKO sa AKINg ilong, tinablan na naman ng panibago niyang taktika sa pakikipaglaban.

Mga Payo NiyaOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz