25: Description, Logline, Blurb, Synopsis

3 0 0
                                    

Description ng Kuwento

Kinakailangang magsulat ang isang manunulat ng description ng kuwento pagkatapos niyang isulat ang kaniyang akda. Mahalaga ito upang maipaliwanag sa mga mambabasa kung tungkol saan, para saan, at ano ang mayroon sa katha mo. Na makatutulong sa pag-anyaya sa kanilang basahin ang iyong gawa.

Ito ang mga naobserba ko patungkol sa pagsusulat ng description:

- Walang limitasiyon. Hindi ka mahihirapang mag-isip ng kung anong ilalagay. Magsaliksik sa internet ng mga paraan? Iitsa na ang ideyang iyan. Hihingi at maghahanap ng payo? Huwag na! Kayang-kaya mo gumawa nito, sapagkat sa iyo nakasalalay ang mga mababasa sa description. Walang aapela na susundin mo dapat ang ganito, ganiyan. Pero, maging maingat lang pagdating sa grammar, maling pag-type ng mga salita, paggamit ng bantas, at ilang teknikal na bagay. Sa mga ito ka babatuhin ng kamatis. Maayos mo ngang nasabi ang tungkol sa kuwento mo, hindi naman maganda ang pagkakasulat. Kaya nararapat lang talaga na maglagkit ka dulot ng namumulang katas.

- Haba. Mayroon akong nakikita na isang pangungusap lang ang kanilang description. Mayroon ding napakahaba. Sinamahan pa kasi ng diyalogo at mga kaek-ekan.

Sa pagsusulat, hindi mo aalalahanin kung gaano ba kahaba ang description ng akda mo. Magkaroon lang ng sapat na kaalaman ang mambabasa sa sinulat mo ay ayos na. Tutal, description naman iyan, walang pamantayan sa bilang ng mga salita.

- Kadaldalan. Hindi sasabihin lahat. Kung makukuha na ng mambabasa ang tungkol sa akda mo sa tatlo hanggang limang pangungusap, huwag nang dagdagan ang isusulat. Hindi naman ito sanaysay. Makikipagligsahan pang pahabain at magsusulat ng mga impormasiyon na kapareho lang ng mga naunang nabanggit kahit hindi na akma. Malilito lang ang magbabasa niyon. Tatamaring tingnan ang sinulat mo.

- Logline at Blurb. Ito rin ang iyong description at puwede itong gawin.

Logline

Ito ang kasangkapan mo upang maipakilala ang iyong akda sa mga mambabasa, lalo na sa pagbebenta nito. Ipinapasa ito sa pagsusumite ng manuskripto, kasama ng blurb at synopsis. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang unang tinitingnan para masabi na pasado sa ebalwasiyon ang akda. Para bang mukha ng isang magasin. Iyong mga maliliit na detalye patungkol sa nilalaman ng mga artikulo sa loob.
Hindi ba, sa pabalat ay mayroong retrato ng mga artista o kilalang personalidad. Katabi nito, makikita kung pang-ilang isiyu na ang magasin. Tapos sa ibabang banda, ipapaliwanag ang dahilan kaya siya ang naroon sa pabalat.

Halimbawa: Si Maine Mendoza ay napiling paksa ng Mega para pag-usapan ang biglaan niyang kasikatan sa industriya ng show business. Sasabihin sa gilid na sa ikalabinglimang anibersaryo ng magasin, itinatampok si Maine Mendoza at ang kaniyang stardom. May mga tanong pa iyan na karugtong kung sakaling tama ako.

Ito ang mga kailangang malaman sa pagsusulat ng logline:

- Ang pangungusap ay hanggang dalawa o tatlo lamang. Hindi lalampas. Sa loob nito, maipapakita mo kung tungkol saan ang iyong akda. Limitado sa dalawampu’t isa hanggang limampu ang bilang ng mga salita. Para itong buod ng buod. Napaikli.

- Ang laman dapat nito ay ang kaunting background ng tauhan, inciting incident, at ang maaaring umusbong na problema. Matinding pagrerebisa ang kahaharapin mo rito. Maipagkakasiya mo dapat ang tatlo sa dalawang pangungusap.

Blurb

Nasubukan mo na bang magluto ng ulam? Sa kadahilanang mataas ang tingin mo sa iyong sarili, pinatikim mo sa kasama mo sa bahay. Noong nasarapan siya, pinigilan mong kumain siya kaagad. “Hindi puwede,” sabi mo. “Sabay-sabay tayong manananghalian.”

Tulad ng putaheng pinagtiyagaan mong matutunang lutuin, ang blurb ay isang uri ng sulatin na patikim. Nakalagay rito ang tungkol sa iyong akda pero hindi para malaman nang malalim ng mambabasa ito. Kung hindi, sinulat mo para mabitin sila. Kapag nabasa, mapipilitang bilihin ang akda mo dahil nakuha mo sila sa iyong blurb.

Iba pang detalye patungkol sa blurb:

- Ipapakilala kaagad ang tauhan at pinangyarihan ng kuwento sa simula pa lang. Walang hinay-hinay. Parang sa paghuhuli ng langaw (hindi ko alam kung nagawa ninyo na pero ako noong bata pa ako ay oo), susunggabin mo ang pesteng insekto gamit ang plastik na baso. Marami silang mata. Kaya mamamataan ang pagdahan-dahang pagkilos. Bubuwelo nang kaunti sabay kulong!

- Matutukoy ang genre at tema ng akda. Kung tungkol sa romansa, magsama ka ng pag-ibig, relasiyon, o problema sa pagmamahalan.

- Ang problema ay mababanggit din dapat. Kasunod ito ng inciting incident. Ito iyong nagpabago sa nakagawian ng mga tauhan na hahantong sa mga problema. Pumili ka ng isa na malapit sa climax ng kuwento. Nang sa gayon, mabibingwit mo ang mga mambabasa na basahin iyon.

- Base sa isang workshop na sinalihan ko, hindi mawawala ang hook sa blurb. Sabi ng nagsasalita, sa una pa lang makikitaan na ng hook, para basahin ng buo ang tungkol sa kuwento mo. Pero ang ginagawa ng mga manunulat, sa dulo sila naglalagay. At ang anyon ito ay patanong.

Payo ko lang na kung ang hook mo ay tanong, huwag “oo o hindi” ang sagot dito. Ano ang mangyayari kapag nalaman ang lihim niya? Ganitong tanong ang gawin mo. Iyon bang mapapaisip pa rin ang mambabasa. Malamya kasi kapag nasasagot ng “oo o hindi.” Mapapasakamay niya ba ang kalayaan? Kung oo ang sagot sa pagbabasa ng kuwento, ano na ang mangyayari? Wala, lumaya na siya. Ganoon lang.

- Walang diyalogo dapat, ha. Wala nito.

- Hindi iisa ang blurb at prologo. Bawas ligtas puntos ka sa pagiging mahusay na manunulat kung ganito ginawa mo.

- Walang spoiler. Patikim nga, hindi ba?

Synopsis

Maihahalintulad ito sa buod. Pero sa halip na sabihin kung tungkol saan ang akda mo nang detalyado, pili lang ang isusulat mo. At ano-ano iyon?

1. Sa unang parirala: tauhan, background niya, at ang pinangyarihan.

2. Sa sumunod: inciting incident at problema.

3. Sa sumunod sa sumunod: plot twist, solusiyon sa problema, at wakas.

Parang spoiler na hindi ang synopsis. Sinusulat mo ito upang magkaroon ng ideya ang pinagpasahan mong publishing house tungkol sa iyong akda na hindi isinisiwalat ang lahat. Iyon bang naghubad ka pero nakatapis ang ari mo. Gagamitin mo ang hubog ng iyong katawan, kurba, o makisig na dibdib, braso, at tiyan upang maglaway ang nakakita, na magpapasama ng kaniyang isipan—mag-iisip ng kalibugan o kalaswaan—at magkakaroon ng pantasiya na silipin ang hubad mong katauhan.

Kapag natapos mo nang isulat ang akda mo, unahin mo ang synopsis. Tapos magbase ka rito sa pagsusulat ng iyong blurb. Sunod, ang logline ay sa blurb naman. Pero dapat magkakaiba pa rin sila. Nagsulat ka pa kung magkakatulad lang ang nilalaman.

Mga Payo NiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon