16: Inspirasyon at Motibasyon

1 0 0
                                    

Pagkawalan ng gana. Isa iyan sa mga humahadlang sa manunulat para siya ay magpatuloy sa pagsusulat, na maaaring mauwi sa pagkatakot. Nakatatakot nga namang pilitin ang iyong sarili na gumawa, pero wala kang mapagkuhanan ng lakas para makakilos. Tumakas ang kasipagan. Naging malamya ang mga daliri sa pagta-type. At ang utak, naubusan ng katas ng malikhaing pag-iisip.

Sa mga panahong tinatamad, nakaantabay riyan ang social media; tinatapik ang iyong braso na galawin ang iyong kamay at kuhanin ang phone mo. Ang makinis na bahagi niyon ay niyayakap ng iyong malambot na palad. Pero hindi mo ito pansin. Nakasanayan mo na. Mapapaisip ka, kung sakaling tiningnan mo nga ang palad mo, na bakit ngayon mo lang napansin? Pagdating sa pagsusulat, isang-daang porsiyento akong kampante na alam mong tinatamad ka. Hindi mo iyon iisipin, dahil hindi ka sanay. Nakakapanibago, gaya ng kaibigan na nag-iba ang turing sa iyo. Mababaliw ka lang sa katunayang hindi ka makapagsulat. Gagawin mong sandigan ang mga post sa Facebook, na naglalaman ng pagrereklamo na walang gana, tinamaan ng writer’s block, at tinatamad. Naghahanap ng karamay. Hunghang! Tumingin ka man o hindi, malaman mo man o hindi, nararanasan din ng ibang manunulat ang iyong kalagayan. Imbis na magmukmok sila sa internet, gumagawa sila ng aksiyon. Nang sa gayon, makabalik sa ritmo ng pagsusulat. Ang musika ng paggawa ay patutugtugin. Iingay ang ibang gawain na may kinalaman pa rin sa pagsusulat. Hindi naman kailangang literal na magsulat ka para makabalik sa iyong sinusulat. Kaya hindi mapalabas ni Eugene sa Ghost Fighter na anime ang kaniyang isang-daang porsiyente, salita siya nang salita. Nagmamaktol ang isipan. Mabuti na lang at hindi naimbento sa kuwento ang social media. Kung hindi, alam na. Nagparinigan na lang sa news feed!

Patok sa siglong dalawampu’t isa ang panonood ng series: Netflix, K-Drama, BL Thainovela. Kung isa ka sa mga taong napapabilang sa grupong iyon, nasa tamang landas ka. Ang mga ganoong uri ng palabas ay parehas lang din ang pinagmulan sa pagsusulat—kuwento. Nagkaiba lamang sa paraan ng pagkakasulat, pa-script ang istilo.

Sa mga palabas na iyon, subukan mong himay-himayin ang detalye ng mga pangyayari sa kuwento. Episode sa episode. Paganahin mo ang pagiging manunulat. Tukuyin mo kung paano nagkakatugma-tugma ang daloy sa susunod na episode. Paano kumokonekta sa isa’t isa. Nagkalapit ang mga tauhan; nagkaroon ng hidwaan; lumalim ang samahan. Isipin mo ang pagkakasulat niyon. Dito masusubok ang pag-alam mo ng mga bagay-bagay pagdating sa konsepto at ideya ng kuwento. Maaaring makatulong ito sa pag-aayos ng kuwento mo: walang patapon na eksena, nabigyan ng lunas ang plothole, hindi basura ang naisulat.

Isa lang iyan sa alternatibo para makapagsulat pa rin kahit hindi talaga nagsusulat. (Hala? Sinasabi mo riyan?) Nag-eehersisiyo ka. Para bang bago sumabak sa umaatikabong ganap, mayroon munang patikim. Sarap na mag-uudyok sa iyong . . . makapagsulat na talaga. Walang tamad-tamad. Hindi mo alam ang salitang “walang gana.” At hindi mo na kilala si Binibining Writer’s Block (imbento na naman ng sariling pangalan/salita), kahit kahapon lang kayo nagkakilala. Iyon pala, nasa bar kayo at amoy alak na ang hininga, mga labi ay nadampian ng lemon at mapait na inuming ubas.

Inspirasyon

Maraming manunulat ang nagbabahagi ng kanilang testimonya sa buhay-pagsusulat nila. Nagbibigay-aral at reyalisasiyon sa mga katulad niya. Maaaring leksiyon. O kaya naman, malaking sampal ng katotohanan. Aawang ang bibig sa hindi pagkapaniwala sa narinig at nalaman. Humahapdi ang balat, nadamay ang damdamin. Siguro, natamaan, nasaktan sa mga salitang inakap ng tainga. Hindi kinaya. Naging kahiya-hiya dahil naka-relate. Kung hindi naman, baka sadyang hindi lang nagustuhan ang mga salitang iyon.

Pagbagsak, pagbangon. Iyan ang karaniwang laman ng mga manunulat na may narating ng tagumpay sa kanilang (speech). Nilakad nila ang lakbayin at napuntahan ang maraming daan: lubak-lubak na semento, madulas na talampas, magaspang na kapatagan dahil sa damo, mabatong kalsada. Nakipagsapalaran upang makatungtong sa matarik na pagwawagi. Ang pangalan ng destinasiyon ay “Kampiyon.” Pero bago mamarkahan ng tsek ang mapa patungo sa ruta ng tagumpay, sasalubungin nila ang mga hadlang sa kalsada: mga mapangmatang tao sa bawat baryo, checkpoint na pinapabagal ang usad nila, na magpapatamad sa kanilang ituloy ang biyahe, samo’t saring ideya na nais puntahan at nauwi sa walang napili at natapos puntahan, at pagod. Akalain mo iyon, may pagkakahalintulad ang pinaggagagawa ng mga biyahero, turista, at dayo sa mga manunulat na tulad natin?

Habang kinukuwento ang paglalakbay nila, sinisingit doon ang hindi malilimutang karanasan. Mga karanasang nagdudulot ng saya at lungkot sa kanila. Nariyan ang pagkaubos ng suplay ng isusulat na salita. Para bang natulala sa tanawing namasdan—mala-bituing dagat na nagniningning sa sobrang linaw, at buhanging kasing pino ng harina, na mag-uudyok sa iyong isaboy ang bawat butil sa kaatawan mo. Hindi rin mawawala ang pagkaiwan sa importanteng gamit (sa iba, hindi naman mahalaga). Sa pagsusulat, ito iyong pagsulat mo ng pagkahaba-habang kabanata o sulatin tapos hindi mo na-save. O nabura ang file. Ang pinakamasaklap sa lahat, kusang namatay ang ginagamit na gadget. (Ang saya talagang mabuhay!) Pero, hindi pahuhuli ang mga nakatatawang sandali. Nabangag sa ilang minuto at napadpad sa hindi pamilyar na lugar. Iyon bang nagsusulat ka nang dere-deretso, naglaho ka na sa kasalukuyan at naroon na sa mundo ng iyong sinusulat, pero hindi nagkakatugma ang mga nakalagay. Lutang. Ang positibo rito, nakapagsulat ka pa rin at mayroong natapos.

Sa pag-abot ng ating pangarap sa buhay, o sa paghawak sa isang bagay na kinahihiligan natin gawin—mahal gawin, parte na ang kabiguan. Ang catch dito ay kung paano mo iyon haharapin. Laban o bawi? Pipiliin mo bang tumigil na lang at itapon ang gawaing patuloy na nanunumbalik sa iyo kahit isantabi mo nang maraming beses? Kung marupok ka, siyempre hindi! Mahal mo, e, hindi ba? Wala tayo sa usaping pag-ibig, ha. Inihahamabing lang natin. Dahil ang mga bagay-bagay, kahit magkakaiba, mayroong isang detalye na maihahalintulad sa iba. Parang kaming mga lalaki lang (sabi ng mga babaeng nasaktan, nagdusa, at naiwang luhaan)—magkakaiba man ang ugali at prinsipyo sa buhay, iisa ang tumatakbo sa isipan kapag taglamig: kabalastugan.

Nasa sa iyo iyon kung pagninilayan mo ang mga karanasan ng mga kapwa mo manunulat. Gagawin mo ba iyong gas para makapagpatuloy sa biyahe?

Motibasyon

Paminsan-minsan, ang mga inspirasiyon ang ugat kaya tayo nagkakaroon ng motibasiyon. Sa pag-aalaga ng puno, ang inpirasiyon ang magsisilbing nagsimula ng lahat. Nasa atin na kung palalaguin ang itinanim na buto. Lalagyan ba ng pataba, pasisikatin sa araw pero hindi ibababad, at walang sablay na pagdidilig. Ang magiging bunga, tagumpay. Pero hindi tulad ng Bundok Kampiyon, ang itatawag sa namungang pagkain ay “Magaling, ipagpatuloy mo lang iyan.” (Ang haba pala! Haha.) Kaya ganito, dahil giginhawa ang iyong pakiramdam at mangingiti ka nang sobrang tamis sa katotohanang nakapagsulat ka na rin matapos ang sandamukal na kadramahan. Daig pa ang isang supot ng pulang asukal.

Ang mga pahayag na mababasa sa ibang dalubhasang manunulat ay ang magbibigay motibasiyon sa iyong magpatuloy. Lalo na kung sa taong maraming kabiguan ang naranasan. Sa kaniya matututo nang napakarami. Masasabi kasing subok na siya; alam na niya ang iba’t ibang klase ng pagkabagsak. At ang kinalabasan niyon, nagsilbi siyang liwanag sa madilim na kuwartong pinagmumukmukan ng manunulat na nagsawa na, malapit nang sumuko. Kahit simpleng pangungusap na nagpapakita na “Makakaya mo ‘yan!”, malaking tulong na sa manunulat na iyon. Hindi naman kailangang mabulaklak na salita ang matatanggap niya. Ayos na iyong sakto lang pero totoo.

Gusto kong sabihin sa iyo, na hindi mo kailangan ng inspirasiyon at motibasiyon para lang makapagsulat. Walang mangyayari kung hindi ka magsusulat. Magsimula ka na ngayon. Hindi baling tinatamad, hindi baling walang gana, hindi baling walang maisulat. Mayroon iyan, nakaimbak lang. Halughugin mo ang baul ng iyong kaalaman. Isama mo ang mga natutunan mo sa paaralan: agham, matematika, araling panlipunan, kasaysayan, kaugalian, at kung ano-ano pa. Kuhanin mo ang katiting na impormasiyon doon na maaaring maikonekta sa iyong kuwento o sulatin. Simulan mo sa isang salita. Dagdagan mo nang dagdagan, hanggang sa rumami. Pagkatapos, pagdugtungin mo ang magkakakonekta at subukang ilagay sa sinusulat. Kung nalimutan na ang piang-aralan, obserbahin mo ang paligid. Ang mga tao. Ikaw; ang sarili mo. Paano ka kumilos, magsalita, umasta, at mag-isip? Ilagay mo ang katauhan mo sa iyong tauhang nilikha o sa boses mo sa pagsusulat ng pang-akademikong gawain. Galit ka? Ibunton mo sa gobiyerno. Magsulat ka ng diyalogo na nagtatalo ang mga tauhan sa isang paksa hinggil sa kasalukuyang kinahaharap ng bansa—pandemya. Maglabas ka ng hinaing sa sanaysay mo, pero iyong mayroong katuturan. Lahat ng isusulat dapat ay mayroong kuwenta. Ang wala lang kuwenta ay iyong hindi pagsubok na makapagsulat kahit kaunting salita lang. Patayin ang Wi-Fi. Ipagpaliban ang panood ng “Start Up” o ng “How I Met Your Mother.” Bumangon sa higaan at magbuhat ng banko sa harapan mo; ilapag doon ang laptop o kaya ay umupo ka at sumandal at mag-type na sa cellphone. Walang mangyayari kung walang gagawin. Kilos na!

Ako, nakasanayan ko nang magsulat halos araw-araw. Kahit tinatamad ako, naiisip na ipagpabukas na lang, pahinga muna ganiyan, hindi ko ito pinapanigan. Bubuksan ko ang Microsoft Word. Wala man akong baon na mga ideyang isusulat, sugod pa rin ako. Iyon ang alalahanin mo: parating mahirap sa unang hakbang. Sa simula na nausungan mo iyon, hindi na mapipigilan ang iyong daliri sa pagsusulat. Ang mga ideya ay bigla na lang din lalabas nang hindi pilit at hindi minamaniobra.

Ano, sasakay ka pa ba sa biyahe?

Mga Payo NiyaDove le storie prendono vita. Scoprilo ora