15: Kapintasan

4 0 0
                                    

Ang mga mata ang pinakamakasalanang bahagi ng katawan ng tao. Ito ang pinagmumulan ng panghuhusga, pangungutya, at pangmamaliit ng iba. Unang napapansin ng isang tao ay ang panlabas na kaanyuan (pananamit, postura, hitsura). Kapag hindi umayon sa kaniya ang kahulugan ng pagiging maganda at maayos base sa ipinapakita ng paningin, doon na uusbong ang masamang kaisipan. Na hindi nababagay ang taong iyon sa isang kagaya niya. Na malayo sa standard ng lipunan. Na naiilang at hindi siya komportable, o sadyang ayaw lang talaga niya roon sa tao. Mamimintas na. At ang hindi tama, sasabihin pa roon sa tao ang hindi niya nagustuhan. Kung manghuhusga rin lang naman ng tao, lalo na at hindi kilala, mas mabuting sarilihin na lamang. Wala kang maagrabyado. Hindi ka makapananakit ng damdamin ng iba. Makaiiwas ka sa tukso ng pagdudulot ng away at gulo. Lumugar ka. Dahil hindi lahat ng nakikita mo, iyon na talaga ang dapat mong tingnan. Ang mundo ay mapanlinlang. Maaari mong mapatos ang pain ng hindi makatotohanan. Sa simula na makain mo, lilitaw na sa iyong bibig ang pagsasalita ng hindi kaaya-aya. Dinamay ang labi sa kasalanang mula sa mga mata. Ang simpleng paghuhusga sa tao ay lalaki at magbibigay ng sugat na magsasabing masama kang tao at ganoon ang ginawa mo sa kaniya—hinusgahan, sinaktan, at minata.

Gamitin ang iyong mga mata sa wastong paraan. Ang panghuhusga ay hindi naman kaagad nangangahulugang masama. Natural na sa mga tao ang kaugaliang ito. Kahit ang may mabusilak na kalooban ay nagawa ring manghusga. Parang kabiyak ng panghuhusga ang pagmamasid. Sinisiyasat mo ang tao sa kaniyang kinikilos at inaasal: paano siya gumalaw, bakit ganoon siya tumawa (kita ang ngalangala), at bakit parating nakakunot ang kaniyang noo kahit wala naman siyang sinasabing pangit. Tinitingnan mo sila sa labas. Hinuhusgahan mo na magtutungo sa pagkakaroon ng impression. Kapag nakilala na, roon lang mapapawi ang pangambang hindi siya magandang pakisamahan. Ganoon ang manghusga nang may kabuluhan. Hindi lang “nanghuhusga.”

Naisip kong ihiwalay ang paksang ito sa pagsusulat ng totoong tauhan. Magiging masiyadong mahaba na kung isasama ko rito. Kaya naman, tinalakay ko ang kapintasan na ito lamang ang pag-uusapan at wala nang iba. Mahalaga itong pag-aralan. Magagamit hindi lang sa mga kuwento, kung hindi pati na rin sa pang-akademikong sulatin o gawain.

Sa Pang-akademikong Sulatin

Mahilig magpagawa ang mga guro ng sanaysay, mapa-aktibidad man o pagsusulit. Ito ang isa sa mahirap na parte dahil kailangan palabasin ng estudiyante ang kaniyang sariling opinyon, pagkakaintindi, at natutunan sa paksang nakalatag sa sinasagutan.

Natatandaan ko na ang mga sagot ko sa sanaysay ay direkta. Ang payo ng mga guro ay huwag magpaligoy-ligoy sa sinasabi. Dapat malinaw, maiksi, at malapit sa paksa ang sagot. Kaya naman, ang kinakalabasan ng sinulat ko ay ilang mga pangungusap lamang (tatlo hanggang lima siguro). Hangga’t nasapul ang pinupunto sa usapin, mataas ang grado. (Ayos lang kahit hindi perpekto basta huwag lang mababa.)

Saang parte mababanggit ang kapintasan?

Sa paksa na binibigay ng guro, hindi lamang isa ang pananaw na makikitaan doon. Hindi lang mabuti. Maaari mong ipaliwanag ang iyong opinyon sa pamamagitan ng pagpuna ng mga negatibo at mali sa paksang iyon. Na hindi ka palagay sa ganito, ganiyan. Ililista mo ang mga ayaw mo at sasabihin kung bakit.

Halimbawa:

COVID-19 ang paksa. Nang mag-brainstorm kayong magkakaklase, ang balak nilang isulat ay ang pagiging matatag ng ibang tao sa kabila ng pandemya: nagsusumikap magtrabaho, gumagawa ng paraan para kumita, tumutulong sa nangangailangan kahit sa maliit na halaga, at nananalig sa Maykapal.

Ang pupuwedeng mong isulat ay iyong tungkol sa magulong banda: isiyu sa pagitan ng mga opisyales ng gobiyerno, aksiyong ginagawa nila na napupunta sa wala, reaksiyon ng mga taong makitid at sarado ang utak at nananatiling bulag sa masahol na pamamahala niya (hindi ko papangalanan pero alam kong kilala mona), o kaya ay ang asal ng ibang tao na may pribilehiyo at hindi alam ang salitang awa at pagpapababa.

Hindi ko maipaliwanag nang maayos ang bahaging ito kaya sana, sa tulong ng halimbawa, maunawaan mo ang nais kong ituro.

Sa Kuwento

Mayroon akong nabasang writing tips sa plataporma ng Wattpad. Nakasaad doon na para maging relatable at totoo ang tauhan, lagyan sila ng “flaw.” Pero nang mabasa ko ang ginawang halimbawa, umasim ang mukha ko at napataas ang kilay. Hindi ko nagustuhan. Ibinahagi ko iyon sa writing group sa Facebook at ipinaalam ko ang opinyon ko roon. Maraming hindi natuwa, mayroon ding ipinagtatanggol iyon. Dumating pa sa punto na nagkaroon ng alitan.

Ang mababasa sa writing tips: pango, maitim, at mataba. (Hindi ko na tanda kung ito talaga pero malapit dito ang depinisiyon ng may-akda sa kapintasan.)

Kahit kailan, ang katangiang sinabi niya ay hindi kapintasan. Minamasama lang ang anyong ganoon dahil malayo sa “standard” na nakapako sa utak niyang kahoy: American, British, Korean beauty.

Pilipino tayo, ‘di ba? Pinoy. Kaya ang pango at maitim ay isa sa mga katangian natin. Ang mataba naman ay kahit saang lugar mayroon. Hindi naman dahil ibang-iba ang anyo sa mga banyaga, dapat nang ituring na kapintasan. Gago ba siya? Kababasa niya ng kuwentong hindi makatotohanan at kanonood ng series na gawa ng mga banyaga, minamaliit na niya ang katangian na nasa dugo niya. Isipin mo, pangit para sa kaniya ang pagiging pango at maitim o kung ano man iyan. Matatawa ka na lang siguro kapag napadpad ka sa sinusulat niyang kuwento at ang paglalarawan sa tauhan ay perpekto ang panlabas na kaanyuan.

HINDI KAPINTASAN ANG HITSURA NG MGA PILIPINO. Gayon din ang mga katangiang mataba, pandak, at kung ano-ano pa na normal lang sa paningin.

Sa pagsusulat ng mga tauhang may kapintasan, huwag ang hitsura palagi ang magiging mali. Nariyan ang pag-iisip, pag-asta, pakikitungo sa ibang tao, at ugali.

Ang kapintasan na nais kong ipukol sa iyo ay ito ang klase na mababago ng isang tao. Pero maaaring hindi. Mga kapintasan na sasailalim at mapapasama sa character development/character arc ng iyong tauhan.

Halimbawa:

Mainitin ang ulo ng bida. Dahil sa pagiging ganito niya, nakagawa siya ng desisiyong labis niyang pagsisisihan—nasaktan ang nag-iisang taong nagmamahal sa kaniya. Upang hindi na iyon maulit, babawas-bawasan niya na pangunahin ang galit at pagiging mapusok sa pagpapasiya. Iisipin niya ang mararamdaman noong nagmamahal sa kaniya bago umaksiyon. Nadoon pa rin ang ugali niyang mainitin ang ulo pero nagawa na itong kontrolin.

Nawa ay mabigyang linaw ang maling pagkakaintindi sa kapintasan sa tulong nitong pagtatalakay. Maging aral sa iyo, hindi lang sa larangan ng pagsusulat kung hindi pati na rin sa buhay, ang konsepto ng panghuhusga. Paganahin ang utak sa tuwing titingnan ang mga tao, bagay, at pangyayari. Piliting makita ang hindi nakikita, nakatago sa likod ng anyong mala-ahas—nanlilinlang.

• • •

Anong kapintasan ang sinusulat mo sa kuwento at tauhan?

— A.V. Blurete

Mga Payo NiyaWhere stories live. Discover now