KABANATA 54

1 0 0
                                    

KABANATA 54 - Lahat ng Lihim ay Nabubunyag at Walang Di Nagkakamit ng Parusa

Nagmamadaling pumunta ang kura sa bahay ng Alperes. Tuloy-tuloy siyang pumanhik sa bahay nito at malakas na tinawag ang Alperes. Lumabas agad ito kasama ng kanyang asawang si Donya Consolacion.

Bago pa makapag-salita ang kura ay inireklamo agad ng Alperes ang mga kambing nito na naninira sa kanyang bakod. Ngunit agad na sinabi ng pari ang kanyang pakay.

Aniya, nanganganib diumano ang buhay ng lahat. Mayroon daw napipintong pag-aalsa na gagawin nang gabing iyon. Napag-alaman ito ng pari sa pamamagitan ng isang babae na nangumpisal sa kanya na nagsabing sasalakayin ang kuwartel at kumbento.

Nagkasundo ang kura at Alperes na paghandaan nila ang gagawing paglusob ng mga insurektos. Apat na gwardya sibil na nakapaisana ang hiningi ng kura upang italaga sa kumbento. Palihim naman ang pagkilos sa kwartel ng mga kawal upang mahuli nang buhay ang mga lulusob.

Sa kabilang dako, isang lalaki ang humahangos sa daan patungo sa tirahan ni Ibarra. Mabilis itong umakyat ng bahay at hinanap sa utusan ang kanyang amo. Agad naman nitong itinuro na nasa laboratoryo si Ibaarra. Dali-dali niya itong pinuntahan at pagkakita kay Ibarra ay agad na sinabi ang kanyang pakay.

Ipinagtapat ni Elias ang paglusob na magaganap at base sa kanyang natuklasan, si Ibarra diumano ang kapural at nagbayad sa mga kalahok sa paglusob. Natitiyak ni Elias na si Ibarra ang isisigaw ng sinumang mahuhuli ng mga sibil kaya ipinasunog niya kay Ibarra ang lahat ng mga aklat at kasulatan nito sapagkat 'di na maiiwasan na siya ay masangkot sa gulo.
Dahil dito'y tinulungan ni Elias sa pagpili ng mga kasulatan si Ibarra. Nabasa ni Elias sa isang kasulatan ang tungkol kay Don Pedro Eibarramendia at tinanong kung ano ang relasyon nito kay Ibarra.

Nang sabihin ni Ibarra na ito'y kanyang nuno ay halos nayanig ang buong pagkatao ni Elias. Natagpuan na niya ang lahing lumikha ng matinding kasawian sa kanilang buhay. Binunot ni Elias ang balaraw at naisip niyang gamitin iyon kay Ibarra.

llang sandali pa'y nahimasmasan si Elias at binitawan ang balaraw na hawak. Tumingin siya ng tuwid kay Ibarra at saka mabilis na umalis ng bahay. Nagtataka man ngunit ipinagpatuloy ni Ibarra ang pagsunog sa mga mahahalagang papeles at dokumento.

Touch Me NotWhere stories live. Discover now