Chapter 25: Track 6

166 41 9
                                    

Asher's POV

Habang nakasandal sa aking kama at hawak ang aking kuwaderno ay nakadungaw ako sa liwanag ng buwan. May ngiti na sa aking labi at laman ng aking isipan si Nixon. Ilang segundo pa ay kusang gumalaw ang aking kamay at nagsimulang magsulat.

"Bakit parang may iba, tila kakaiba ang nararamdaman sa tuwing hawak ang iyong kamay."

Napatigil ako sa pagsusulat nang tumunog ang aking telepono. Bumungad sa akin ang isang mensahe galing kay Nixon.

Nixon: Baby, hindi ako makatulog miss na kita kaagad. Can we call?

Napailing ako, kahit kailan talaga ay parang bata ang lalaking ito. Ibinaba ko ang aking telepono ay hindi sinagot ang kaniyang mensahe, nagpatuloy lang ako sa pagsusulat.

"Parang ang mundo'y nagbabago at bumabalik ako sa aking kabataan, nawawala lahat ng isipin at kaguluhan sa tuwing kasama kita."

Nagpatuloy ako sa pagsusulat hanggang sa mapagod ang sarili kong kamay. Sa isip ko ay rinig ko ang tono at binubulong ko sa hangin ang kanta. Isinara ko ang notebook at nahiga na sa kama para matulog na.

"Kuya, huwag mong papabayaan si Michelle at Sherwin ah?" Humigpit ang hawak ni mama sa aking kamay.

Walang pigil sa pagbuhos ang aking luha, hindi rin mapigilang manginig at manlamig sa mga oras na iyon. Ramdam ko ang unti-unting paglagot ng hininga ni mama, at tanging ako lang ang kasama niya ng mga oras na iyon. Wala sina Cavs at Lola Nora, lumabas sila kasama ang aking mga kapatid.

Nagpaiwan ako para samahan si Mama. Ni hindi ko akalain na ganito kabilis ang mangyayari. Hindi ko nagawang magsalita, iyak lang ako nang iyak.

"M-ma..." Sa wakas. May lumabas din sa aking bibig. Basag man ang aking pagkakasabi sa sobrang panlalamig ay nagawa kong yumakap sa kaniya.

"I love you, 'nak. I'm so proud of you," bulong niya sa akin tsaka hinagod ang aking likuran.

Pinanood ko kung paano unti-unting nagdilim ang kaniyang mga mata. At wala akong nagawa kundi ang manood at mangiyak sa oras na iyon.

Nagising akong pawisan at wala sa sarili dahil sa aking panaginip. Naging laman ng isip ko kung, bakit parang ang bilis ng oras. Bakit parang ang daya? Hindi ko naman ginustong mangyari ito sa akin, gusto ko lang naman maging totoo sa aking sarili.

Pinahid ko ang pawis sa aking noo at bumangon sa kama. Kinuha at binuksan ko ang aking telepono at bumungad sa akin ang napakaraming mensahe galing kay Nixon.

"Baby, hindi talaga ako makatulog."

"Baby, gising ka muna."

"Baby, makakatulog na ko."

"Bakit kasi aga mong matulog, Baby."

"Good morning, Baby. Aga kong nagising, kaya nag work out ako mag-uumagahan na rin. Have a great day, Baby."

Ibinaba ko ang aking telepono at pumunta sa kusina para maghanda ng umagahan.

"Apo, parang hindi yata maganda ang tulog mo." Puna ni Cavs habang nagkakape.

"Wala ito, Cavs. Masamang panaginip lang," sagot ko habang hinuhugasan ang kawali.

"Ay sus, uminom ka muna ng maligamgam na tubig, panaginip lang iyon, apo. Huwag mo masyadong dadalhin kung ano man ang naging panaginip mo." Tumayo ito sa kaniyang kinauupuan at kumuha ng itlog mula sa refrigerator.

"Magluto na lang tayong dalawa, nakakamiss nang gumalaw-galaw rin, nangangalawang na cooking skills ko." Pahayag nito.

Parehas kaming natawa sa kaniyang sinabi. Pagkatapos no'n ay sabay kaming naghanda ng umagahan.

"Cavs, paano mo nalalaman kung hindi mo lang gusto 'yung isang tao?" Tanong ko sa kaniya habang nakain.

Nauna na kaming kumain dahil nagutom na kami habang naghihintay kina Lola Nora at sa aking mga kapatid.

"Ano ibig sabihin mo? May mahal ka na ba ha?" Tanong niya pabalik.

"Hindi ko nga alam, kaya nga tinatanong ko kayo e." Sagot ko.

"Aba eh paano ko rin malalaman eh magkaiba naman tayo, ako kasi madali lang sa akin ang magmahal at buksan ang puso ko para sa kahit sino. Basta alam kong hindi masasaktan ang taong iniingatan ko," saad niya.

"Eh ikaw ba? Paano mo nga ba masasabi kung mahal mo na 'yung isang tao?" Tanong niya sa akin.

"Hindi ko nga alam Cavs eh, basta kayo mahal ko kayo. At iba 'yung pagmamahal na iyon sa pagmamahal na tinutukoy ko," tugon ko naman sa kaniya.

"Aba edi hindi kita masasagot, basta masasabi ko lang sa iyo..." Saglit siyang tumigil at itinuro ang aking kaliwang dibdib.

"Hindi madali kausap ang puso, hindi rin ganoon kadali malalaman kung anong nararamdaman mo. Kasi magulo ang puso eh, siguro ngayon ganiyan nararamdaman mo, kinabukasan hindi. Kaya, kailangan mong maghintay para maging sigurado ka, kasi kung hindi ka pa sigurado tapos may sagot ka na..." Tinapik niya ang aking kaliwang dibdib.

"Madudurog 'to."

Napangiti ako sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam kung paano tutugon. Bigla na lamang ako napaisip kung ano nga ba at iniisip kong may mahal ako kung marami pa akong dapat isipin maliban sa pagmamahal.

Huminga ako nang malalim tsaka tumango kay Cavs. Nagpatuloy kami sa aming umagahan at nang matapos ay naupo si Cavs sa sala para manood ng kaniyang paboritong programa sa umaga.

Ilang minuto pa ay bumaba na rin sina Sherwin at Michelle kasama si Lola Nora kaya inayos ko na ang kanilang umagahan. Nang maihanda ay tumaas ako sa aking kwarto para buksan ang aking telepono at reply-an si Nixon.

"Baby, anong oras ka free?"

Pinindot ko ang send button at ilang segundo pa ay nag reply ito sa akin.

Nixon: I'm free the whole day, did something happen, Baby? Good morning.

Kusa akong napangiti sa reply niya. Kaagad din naman akong sumagot sa kaniyang message.

"Kita tayo mamaya sa tulay, bring a guitar kung meron ka, pahiram ako. I'll play something for you."

Habang nirereplyan ko siya ay sobrang gaan ng pakiramdam ko. Binaba ko rin kaagad ang telepono at kinuha ang aking kuwaderno para ituloy ang aking sinusulat. Pagkatapos ay naupo ako sa aking upuan at nagsimulang tapusin sa mesa ang sinulat ko kagabi.

Nang matapos ay nakahinga ako nang maluwag sa oras na sinulat ko ang pamagat ng kanta. Napangiti ako at napaisip, sana magustuhan ni Nixon...

Ang kanta ay pinamagatang, Sigurado.

Dapit-Hapon Donde viven las historias. Descúbrelo ahora