Kabanata 23: Unang Halik

42 5 0
                                    

ISAIAH

Abala akong nag-aayos ng mga kahon sa isang silid ng restawran nang lapitan ako ni Lisay.

"Magandang hapon sa 'yo Isaiah!" magiliw na wika nito. Nakapusod ngayon ang maikli niyang buhok.

Mabilis akong sumulyap sa kaniya bago bumalik sa gawain. "Magandang hapon din Lisay. May kailangan ka ba?"

"Ahm, may ibibigay sana ako sa 'yo," wika nito at inilabas ang isang kuwaderno mula sa likuran niya. "Pasensiya ka na kung ngayon ko lang naibigay, pero nakita ko 'yan sa harap ng bahay ni Lola Cielo no'ng isang araw. H'wag kang mag-alala, wala akong binasa." Ngumiti ito at iniabot 'yon sa akin.

Akala ko'y hindi ko na ulit makikita ang kuwadernong 'to. "Hindi ko akalaing ikaw pala ang nakapulot. Salamat Lisay."

"Walang anuman! Oras ng pahinga ko ngayon pero gusto ko pa ring magtrabaho. Ayos lang ba kung tulungan na kita r'yan?" alok nito.

Mabilis naman akong umiling. "Salamat sa 'yo, pero magpahinga ka na lang muna. Kaya ko na 'to. Alam kong pagod din ang katawan mo gaya ng iba nating mga kasama." Napakabait naman niya. Saka, isang oras na lang din naman at matatapos na ang trabaho ko rito sa restawran, habang siya'y medyo matagal-tagal pa yata ang hihintayin bago makauwi.

Pero mukhang ayaw niyang paawat. Nanatili pa rin siya rito sa kuwarto at mukhang walang balak umalis. Kahit kaming dalawa lang ang nandito, napakainit pa rin dahil parang bodega lamang itong silid.

"Kumusta na pala si Lia?" banggit ko sa gitna ng katahimikan dahil bigla na naman siyang sumagi sa isip ko.

"Si Lia? Bakit mo natanong?"

Napalunok ako. Masyado na ba 'kong halata? Nakikita na ba sa mukha ko na kanina pa siya nasa isipan ko? Bakit ko ba siya kinukumusta agad gayong magkasama pa lang kami kaninang umaga? Hindi naman puwedeng direktahan ko si Lisay. Ayaw ko siyang biglain tungkol sa nararamdaman ko lalo na't nakatira lang sila sa iisang bahay.

"Nag-aalala lang ako. May nakuwento ba siyang problema sa 'yo nitong mga nakaraang araw?"

Tiningnan niya 'ko nang may pagtataka. "Ayos lang naman 'yon, kaya't h'wag ka nang mag-alala. Mayaman ang mga magulang ni Lia, kaya't imposibleng magkaro'n pa siya ng problema sa mundo. Hindi tulad ko, kailangang kumayod araw-araw."

Pero may mga problema rin namang hindi lang patungkol sa mga pinansyal na bagay. Hindi na lang ako muling nagtanong at tinapik-tapik na lang ang balikat niya. "Makakaya mo rin 'to. Tulad mo lang din ako Lisay, kailangan magsipag para makaraos. Pero asahan mong hindi tayo bibiguin ng Diyos dahil nakikita Niya ang pagsisikap natin at pagtitiyaga, kaya't walang susuko, maliwanag?"

Matamis siyang napangiti at tumango. "Salamat Isaiah. Ngayon ko lang naramdaman na hindi pala ako nag-iisa."

"Hindi ka naman talaga nag-iisa. Nandiyan din si Lia para sa 'yo."

Napanguso siya at tinitigan ako. "Hindi ko alam kung tama bang itanong ito, pero, malapit ka na ba sa pinsan ko?"

Pasimple lang akong ngumiti. "Siguro? Hindi ko alam. Pero komportable ako tuwing kasama siya," direktang sagot ko.

"Nakaiinggit naman kung gano'n."

Tumalikod ako sa kaniya at muling nagbuhat ng mga kahon. Medyo maalikabok sa lugar na 'to kaya't maya't maya akong inuubo.

"Bakit mo naman biglang nasabi?" pagtataka ko. Pareho ko lang naman silang kaibigan, mga taong unti-unti kong kinikilala habang dumaraan ang mga araw. Iyon nga lang, mas ispesyal si Lia sa puso ko.

"H'wag mo sanang mamasamain Isaiah, pero puwede bang huwag kang masyadong lumapit kay Lia?"

Sumulyap ako sa kaniya at nagpunas ng pawis. Kumunot ang noo ko. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon