Kabanata 05: Pananampalataya

205 19 2
                                    

ISAIAH

"Dan, may suweldo na ba tayo?" tanong ko sa katrabaho ko. Serbidor ako sa isang restawran.

"Wala pa nga eh. Alam mo naman, hindi sila sumusunod sa tamang oras. Tiyaga lang talaga sa paghihintay. Pero sa tingin ko'y magkakalaman na rin naman ang mga pitaka natin ngayong linggo."

Nakahinga ako nang maluwag. Malapit na rin akong makabayad kay Aling Ria.

Nalinis ko na ang bawat sulok ng lugar kaya't nagpasiya akong umupo muna roon sa isang bakanteng upuan at lamesa sa likod ng mga huling kostumer na dumating. Sa sulok ito at hindi ako masiyadong nakikita.

Pinagmasdan ko ang labas, malalim na rin pala ang gabi.

Binuksan ko ang lalagyanan ng mga gamit ko at inilabas ang Bibliya. Katawa-tawa man sa iba, pero ito lang talaga ang tanging nagpapalakas sa akin lalo na't tuwing napapagod ako sa buong maghapon. Minsan nga ay tinatawanan nila ako, pero ayos lang naman dahil hindi ko rin naman hinihinging maintindihan ako ng mundo.

Wala naman ding nakahihiya sa ginagawa ko. Hinding-hindi ko ikahihiya ang pag-ibig ko sa Kaniya, dahil kahit kailan, hindi rin naman ako ikinahiya ni Hesus.

"Marami ka bang natututunan habang naghihintay? Paano lumalago ang pananampalataya mo?" dinig kong tanong ng isang kostumer na nasa likuran ko. Siya 'yong mas matanda ang hitsura. Sa tingin ko ay isa siyang lider sa simbahan at disipulo naman ang kasama niya.

Noong makita ko sila kanina, naalala ko bigla ang tatay ko at ang mga panahong palagi kaming magkasama. Lalabas kami, magpapahangin, iinom ng kape, at magkukuwentuhan. Ang pinakagusto ko'y sa tuwing binabahagi niya sa 'kin kung paanong sa buong buhay niya ay kasama niya si Hesus. Sana, maulit nang muli ang mga panahong dinidisiplina niya 'ko at pinagagalitan. Ngayon kasi'y si nanay na lang ang namimingot ng tainga ko.

Sandali akong natawa nang mahina sa mga alaalang iyon, pero kapagkuwan ay napabuntong-hininga rin ako. Gusto ko na siyang makita ulit. Kumusta na kaya siya? Sana'y maayos lang din ang kalagayan niya. Sana, nakakakain pa rin siya nang maayos at hindi nagkakasakit.

Sa sitwasyon namin ngayon, dapat lang na mas magsipag ako upang makapag-ipon ng mas marami pa. Kailangan kong tulungan ang pamilya ko, lalong-lalo na si nanay.

Binuksan ko ang Bibliya at hinanap doon ang nakaipit naming larawan ni tatay pero hindi ko mahagilap. Nakapagtataka.

"Saan na 'yon?" bulong ko sa sarili.

Marahil ay nandoon lang sa kuwaderno. Pero nang halungkatin ko ang mga gamit ko, doon ko lang din napagtantong wala rin pala 'yong kuwaderno. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko naman inaalis doon.

Hayaan na nga. Malamang ay naiwan ko lang sa bahay.

"Natuto po akong maghintay nang hindi minamadali ang bawat proseso. Ang pananampalataya po.. ito 'yong patuloy na pagtitiwala ko sa Panginoon, kahit na hanggang ngayon ay wala pa ring sagot sa mga panalangin ko, kahit na hindi ko alam o nakikita ang mangyayari, o kung ano man ang nasa kabilang dako. Nagtitiwala po ako na hindi Niya ako pababayaan, at ang mga plano Niya para sa 'kin ay mabuti, kahit na nahihirapan man po ako ngayon," kuwento ng isa pang lalaki na sa tantiya ko'y mas bata kaysa sa 'kin at disipulo niya.

Iniibig KitaWhere stories live. Discover now