Kabanata 35: Mananatili

41 4 3
                                    

Dedicated to milendj23. Thank you for your support, sweetheart. I sincerely appreciate it. God bless you.

°°

MAHALIA

Pagkatapos ng aming kainan at kuwentuhan, nagpaalam kami sa mga magulang ni Isaiah upang siya naman ang ipakilala ko sa mga magulang ko.

"Hindi ko akalaing alam na nila lahat," nahihiyang bulong ko sa kaniya habang naglalakad kami pauwi. Kanina ko pa itinatago ang mga mumunting ngiting pumipinta sa mga labi ko.

"Hindi kasi ako mahilig magsikreto kapag usapang pag-ibig. Saka, masaya ako sa tuwing kinukuwento ko sa kanila na ikaw ang babaeng mahal ko."

Napalunok ako ng laway. Tumingin ako sa kabilang direksiyon dahil nahihiya akong makita niya na kinikilig ako.

"Maging si Pastor Jesse nga at ibang kasamahan ko sa simbahan, kilala ka na kahit hindi mo sila kilala," natatawang sambit niya.

"At ano naman ang kinukuwento mo tungkol sa akin?" pasimpleng tanong ko.

"Sinasabi ko sa kanila na nars ang mapapangangasawa ko."

Tinakpan ko ang mukha ko dahil hindi ko na kayang pigilan pa ang pag-iinit ng pisngi ko. Hindi ko na rin napigilang matawa.

"Kailan ka pa natutong bumanat ng ganiyan katamis na mga salita?" tanong ko habang tumatawa pa rin.

"Hindi naman iyon banat. Sinsero kaya ang sinabi ko." Napahawak siya sa kaniyang batok at pasimpleng kumurba ang mga labi. "Ganoon talaga siguro kapag umiibig."

Bigla siyang tumikhim. "Lia?" Huminto siya sa paglalakad at hinarap ako.

"Ano 'yon?"

"Napakaganda mo." Hinawi niya ang mahaba kong buhok na tumatakip sa pisngi ko gamit ang dulo ng mga daliri niya. Sinuklay niya iyon papunta sa likod ng tainga ko.

Hindi ko alam kung saan ibabaling ang mukha. Tumawa na lang ako upang hindi ipahalata sa kaniya ang hiyang nararamdaman. Komportable ako sa kaniya dahil ilang taon ko na rin siyang kilala. Pero sa mga ganitong sandali, para bang kani-kanina lang umusbong ang pag-ibig ko. Palaging bago sa pakiramdam.

"Sa tingin mo ba, magugustuhan nila ako?" tanong niya noong ilang hakbang na lang ang layo namin.

"Oo naman," sagot ko at hinawakan ang kuwelyo ng polo niya upang ayusin ito. "Tara na?" Sabay kaming naglakad papasok ng bahay.

Pagkarating, nadatnan namin sina mama sa sala, abala sila sa pagpipirma ng mga dokumento.

Tumikhim ako upang kunin ang atensiyon nila. "Mama, papa, may ipakikilala po ako sa inyo."

Tiningnan nila kaming dalawa nang may halong tuwa, kuryosidad, at pagkagulat. Agad nilang iniwan ang ginagawa at tumayo.

Nilapitan naman sila ni Isaiah. "Magandang hapon po sa inyo tito, tita," bati niya sa mga magulang ko at nagmano.

"Isaiah tama?" tanong ni papa kahit alam na niya kung sino ang lalaking dinala ko sa bahay, dahil maraming beses ko na siyang ikinuwento sa kanila. Biglang naging seryoso ang tono ng boses nito.

Ako nama'y nakangiti lang habang pinagmamasdan sila, pero sa loob-loob ko'y kinakabahan ako sa magiging reaksyon nila. Siya pa lang ang unang lalaking pormal kong ipinakilala sa mga magulang ko.

"Puwede ba tayong mag-usap mamaya? Tayong dalawang lalaki lang," dagdag naman ni papa. Ang boses niya, may awtoridad. Nagkatinginan naman kami ni mama at nagpalitan ng mga makabuluhang tingin.

Iniibig KitaWhere stories live. Discover now