Kabanata 30: Bangka

26 4 0
                                    

MAHALIA

"Lia! Kailan ka pa dumating? Hindi ko akalaing masosorpresa ako ngayong Linggo," magiliw na pagbati sa akin ni Adaly at hinawakan ang kamay ko. Dali-dali niya akong pinuntahan matapos ang selebrasyon.

Pumunta rin sa direksyon namin si Uriel upang batiin kami. Payat na binata pa rin siya at malambing ngunit maginoo.

Yumuko ako nang bahagya upang mayakap si Adaly sa kaniyang salumpo. Napansin ko ring kanina pa nakatayo ang kuya niya at tila pinagmamasdan lamang kami. Komportable lang siyang nakasandal sa pader habang nakakrus ang mga kamay, habang ako naman ang hindi mapakali.

"Sinorpresa mo naman kami sa bigla mong pagbalik Ate Lia," wika ni Uriel sa tabi. "Pero tingin ko'y masosorpresa ka rin mamaya dahil sa taong kanina pa naghahanap sa 'yo."

Kumunot naman ang noo ko sa narinig. "At sino namang naghahanap sa 'kin?"

"Sekreto muna! Malalaman mo rin," huling hirit pa niya bago umalis.

"Lia, puwede bang ikaw na lang ang magtulak sa 'kin? May kailangan akong puntahan ngayon sa klinika."

"Oo naman, sige."

"Ako na lang. Ako na lang ang maghahatid sa kaniya ro'n," biglang iwinika ng kuya niya.

Inalis ko ang pagkakahawak sa tulakan ng salumpo upang ibigay iyon sa kaniya.

Gayunman, nagpaalam ako kina papa at sinamahan pa rin sila sa pagpunta sa klinika.

"Alam mo ba Lia, siguro'y kalbo na rin ako ngayon kung hindi lang ako naputulan ng paa." Napahinto ako nang bigla niyang isingit iyon sa gitna ng aming paglalakad.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kinakabahan kong tanong.

"Bata pa lamang ako, sinisira na pala ng kanser ang katawan ko at wala ni isa sa amin ang nakaaalam doon kung hindi lang ako naaksidente. Akalain mo 'yon, sa pagkaputol ng paa ko ay naisalba pala ang buhay ko dahil napigilan sa paglala at pagkalat ang kanser."

Tahimik ko siyang pinakinggan habang nakatuon ang paningin sa mabuhanging daan. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko. Gusto kong lumuha. Gusto kong umiyak sa galak dahil tunay ngang rason ang lahat ng mga bagay-bagay.

Pero hindi pa rin niyon mababago ang katotohanang ako mismo ang nagtulak sa kaniya sa aksidente.

Nakarating din kami agad sa klinika dahil magkalapit lang sila ng simbahan. Ipinasok siya sa isang silid habang kaming dalawa naman ng kuya niya ang naiwan sa labas.

Hindi ko siya magawang tingnan sa mga mata, pero ramdam kong kanina pa niya ko tinititigan at tila may nais sabihin.

Tumikhim siya upang kunin ang pansin ko. Napatingin ako rito ngunit saglit lang.

"Puwede ba tayong mag-usap?" alok niya at lumapit nang bahagya sa akin.

"Tu.. tungkol saan?" Napaurong ako. Hindi pa rin madaling kalimutan ang takot na idinulot niya sa 'kin.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," wika niya at seryoso akong tiningnan sa mga mata. "Humihingi ako ng tawad sa 'yo Lia. Hindi sapat ang paghingi ko ng tawad para mabura ko ang takot at tromang idinulot ko sa 'yo. Pero nais ko sanang malaman mo na lubos na akong nagsisisi. Hanggang ngayon ay nahihiya ako sa aking sarili, at tila hindi ako karapat-dapat dumalo sa simbahan matapos ang pambabastos na nagawa ko sa 'yo."

Lumunok ako ng laway. Tao lang din siya at tulad ko, kailangan din ng kapatawaran. Lumapit ako sa kaniya at marahang tinapik ang kaniyang balikat. "Matagal na kitang napatawad. H'wag ka sanang magsasawang pumunta sa tahanan ng Diyos. Lahat tayo roon ay may nakaraan, mga kasalanan, mga sugat, at iba't ibang pinagdaraanan. Iyon ang lugar na hinding-hindi dapat natin iniiwasan, lalo na't 'pag mas dumarami ang mga pagsubok natin sa buhay."

Iniibig KitaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora