Kabanata 26: Kaarawan

36 5 3
                                    

MAHALIA

Sumapit ang ikatlong buwan ko sa Villoralba.

"Maligayang kaarawan apo ko," pagbati ni Lola Cielo habang marahang sinusuklay ang napakahaba kong buhok. "Disi-nuwebe ka na ngayon. Dalaga ka na talaga."

"Salamat la."

"Bukas ay uuwi ang mga magulang mo rito."

Bigla akong napaharap sa kaniya. Bukas na sila darating? Kung gano'n, tiyak na isasama na nila 'ko pauwi.

Ano'ng gagawin ko? Hindi pa 'ko handang bumalik. Hindi dahil sa natatakot pa rin ako. May kung ano sa Villoralba na hindi ko pa kayang iwan. Mas masaya na ako rito at mas komportable.

Pero nais ba ng Panginoon na maging komportable lamang ako?

Tiningnan ko si Lola Cielo na kanina pa nakaupo sa umuuga niyang upuan. Nakaharap siya ngayon sa kaniyang hardin at tila pinagmamasdan ang mga nalantang bulaklak na noo'y may mga matitingkad na kulay.

Nitong mga nakaraang araw, palagi na lamang siyang nakaratay sa higaan. Alam kong may katandaan na si lola, pero hindi ko inaasahang mas manghihina ang katawan niya ngayon kumpara sa nakalipas na buwan. Hindi na rin niya ginagawa ang pagdidilig na noon ay madalas niyang gawin tuwing umaga.

Bukambibig din niya na ilang gabi na niyang napananaginipan ang yumao kong lolo, maging ang malawak na kalangitan na may nakasisilaw na liwanag.

Sa totoo lang ay natatakot ako. Hindi ko pa naranasang mawalan ng isang mahal sa buhay. Hindi pa ako handang magpaalam.

Kailan ka ba naging handa sa mga bagay-bagay Lia?

Nang araw ding 'yon ay nagpaturo ako kung paano magburda ng pangalan kay lola gamit ang ginupit na tela mula sa lumang bestida ko. Kaming dalawa lang ang nandito sa bahay dahil maagang umalis si Lisay.

Nais kong sulitin ang bawat sandaling kasama ko siya.

"Ano'ng pangalan ba ang nais mong tahiin apo?"

Ngumiti ako. "Isaiah po sana."

Tiningnan ako ng mga mata niyang punong-puno ng mga alaala at mga dekadang lumipas sa kaniyang buhay. "Iyon ba ang anak na lalaki ng ating kapitbahay?"

Tumango naman ako at sumandal sa balikat niya habang nakaupo ako sa kabilang upuan. "Opo."

"Mahalia," mahinang wika nito habang marahang inilalagay ang sinulid sa malaking karayom. "H'wag ka sanang magtatampo kung hindi ko maipapangakong aabot pa ako sa mga kasal ninyo ng Ate Oleen mo."

Bakit ba sinasabi mo na ang mga ganitong bagay ngayon, la?

"Lagi ni'yo sanang tandaan at piliin ang mga tipo ng lalaking may takot sa Diyos. Palagi ninyong isentro ang Panginoon sa inyong relasyon.. at sa lahat ng mga gagawin ninyo sa buhay."

Mabilis kong pinunasan ang gilid ng mata ko dahil sa mga luhang nagbabadya na namang pumatak.

"Lahat ng mga bagay rito sa mundo.. ay may hangganan," mahinang sabi nito sa 'kin na para bang iyon na lang ang natitirang lakas niya.

"La, puwede po bang h'wag muna nating isipin ang mga gano'ng bagay?" Nasasaktan ako dahil pakiramdam ko'y nagpapaalam na siya sa 'kin.

"Apo, lahat tayo'y darating sa puntong 'yon. At ngayon, ramdam kong nalalapit na ang oras ko. Pero hindi ako nangangamba dahil sa wakas ay malapit ko nang makapiling ang Panginoon."

"Bakit.. bakit parang nagagalak pa kayong magpaalam?" Umalis ako sa pagkakasandal mula sa kaniyang balikat.

"Nagagalak ako dahil sa wakas ay makauuwi na 'ko sa tunay kong tahanan. Hinihintay na Niya 'ko." Isang matamis na ngiti ang kumawala sa mga labi niya at hinaplos ang buhok ko. "Apo, patuloy mo sanang ipaglaban ang pananampalataya at pag-ibig mo sa Panginoon, higit pa sa lahat. Tayo'y dumaraan lang sa mundong 'to, at hindi ito ang permanente nating kanlungan. Ako'y nagagalak dahil alam kong nagampanan ko nang wasto ang misyong ibinigay Niya sa akin noong malakas pa 'ko, kahit hanggang sa aking huling hininga pa."

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon