Kabanata 22: Sa Cayo

46 9 0
                                    

ISAIAH

Umubo ako ng isa pang beses bago inumin ang gamot na naroon sa mesa.

"Sigurado ka bang kaya mong pumasok bukas kuya?" nag-aalalang tanong ni Felice at hinawakan ang noo ko. "Mainit-init na ang katawan mo. Inuubo ka pa oh."

Kaming dalawa na lang ang gising sa bahay. "Kaya ko naman." Hindi ako puwedeng lumiban sa klase at trabaho.

"Bakit ba kasi basang-basa kang umuwi kahapon?"

Tiningnan ko siya habang umiinom ng tubig. Paano ko ba ikukuwento?

"Nakita ko kasi si Lia sa.." Napaubo akong muli.

Bukas ang pinto ng sala namin kaya't tanaw ko ang bahay ng lola niya sa 'di kalayuan. Pinagmasdan ko 'yon saglit. Kumusta na kaya siya?

Minabuti kong ihatid na lang siya sa bahay ni Lola Cielo kahapon dahil may makakausap siya roon. Bukod pa ro'n, nandoon din si Lisay. Napag-alaman ko kasing wala naman pala siyang kasama sa bahay nila.

Napakahina niya. Paano na lang kung ibang lalaki ang nakakita sa kaniya kahapon? Hindi lahat ay may malinis na intensiyon. Kahit na Kristiyano ako'y nakararamdam pa rin ako ng pagsubok, lalo na't babae siya. Hangga't maaari, hindi ko siya gustong makasama nang matagal kung kaming dalawa lang. May mga emosyon din akong kailangang kontrolin. Mga emosyong kailangang ilaban sa dasal.

"Ang mahalaga, naihatid ko siya kina Lola Cielo niya. Sigurado akong ligtas siya ro'n. Hindi ko na kailangang mag-alala," wika ko matapos magkuwento kay Felice. Sa tingin ko'y naiintindihan naman niya.

"Isa na ba siyang mahalagang tao sa 'yo, kuya?" nakangiting tanong nito.

Lumunok ako ng laway at napaiwas ng tingin. "Lahat naman ng mga taong nagiging parte ng buhay ko ay mahalaga sa 'kin. Ikaw, si Elon, si.."

"Alam ko naman 'yon kuya. Ang ibig kong sabihin, mahalaga na ba siya sa 'yo bilang babae? Bilang binibini?"

Marahan lang akong tumango.

Gulat siyang lumapit sa 'kin at hinawakan ang braso ko. "Kung gano'n kuya, may nararamdaman ka na ba para kay Ate Lia?" nakangisi niyang tanong.

Pinanliitan ko siya ng mga mata at ginulo-gulo ang buhok niya. "Wala."

Sinuri pa niya ang mga mata ko habang nakalagay sa baba ang hintuturo niya. "Iyong totoo?" pangungulit pa nito.

"Balak mo pa 'kong kumbinsihin ah."

"Eh nakikita ko kasi sa mga mata mo na.."

"Matulog na tayo. Akyat na 'ko sa taas dahil baka mahimatay pa 'ko rito sa sala. Hindi mo naman din ako kayang buhatin," biro ko at sinara ang pinto sa sala.

Tumawa lang siya at hinampas ang braso ko. "Ikaw talaga! Oh sige na kuya, magpahinga ka na para hindi lumala ang lagnat mo. Papatayin ko rin ang ilaw rito sa sala pagkatapos kong gumawa ng takdang-aralin."

Nakalahati ko na ang pag-akyat sa hagdan nang muli akong bumaling sa kaniya.

"Felice?"

Kahit nakapapagod magtrabaho kung minsan, pero sa tuwing nakikita kong seryoso sila sa pag-aaral, kahit papaano'y gumagaan ang pakiramdam ko.

Iniibig KitaWhere stories live. Discover now