Kabanata 24: Pagpipigil

35 8 0
                                    

ISAIAH

"Pasensiya na talaga kuya. Hintayin mo naman ako at kausapin oh." Kanina pa humihingi ng paumanhin si Felice.

"Wala ka namang kasalanan," naiinis kong wika at mas binilisan pa ang paglalakad. Sana talaga'y hindi na lang ako sumama. "Bakit ba kasi napakamapilit mo? Alam mong pagod ako sa trabaho, pero iimbitahin mo pa rin akong dumalo sa gano'ng okasyon."

Bigla siyang suminghot at sa puntong 'yon ay alam kong naiiyak na siya. "Hindi ko naman alam na gagawin 'yon ni Caroline, kuya. Nabigla rin ako. Pasensiya na talaga."

Huminto ako sa paglalakad at huminga nang malalim. Ganito na ba talaga ang mga kabataan ngayon? Kay tagal kong pinrotektahan ang unang halik ko, pagkatapos ay mapupunta lang sa isang babaeng hindi ko naman mahal. Bakit ba nila ginagawang biro at kaswal ang gano'n? Pambihira. Napakadalisay pa naman ng mga labi ko.

"Kuya, alam kong galit ka nang mga sandaling 'yon. Pero salamat kasi hindi mo pinairal ang emosyon mo at nakapagpaalam pa rin tayo nang maayos."

"Wala namang maidudulot na maganda kung paiiralin ang emosyon." Gaya ng ginawa ni Carol. Masyado siyang nagpadala sa bugso ng kaniyang damdamin at nakalimutang niyang limitahan ang sarili. Nakalimutan niya ang guhit na namamagitan sa 'min.

"Kuya Isaiah! Ate Felice!"

Hinihingal na tawag ni Filip na agarang sumalubong sa 'min sa arko ng Villoralba. Biglang naglaho ang lahat ng iniisip ko. Takang-taka kaming nagtinginan ni Felice. Alas-nuwebe y medya na ng gabi at nakatambay pa rin siya rito sa arko. Maraming mga dumaraang sasakyan, paano na lang kung bigla siyang kunin ng mga 'yon?

"Kanina ko pa kayo hinihintay rito. Bakit ang tagal ninyong umuwi?" naiiyak na tanong nito sa amin habang pawis na pawis.

Yumuko ako at hinawakan ang dalawa niyang balikat. Mukhang may rason siya ngayon at hindi lang dahil sa ginabi siya sa paglalaro. "Kumalma ka. Ano ba'ng nangyari? Bakit nasa labas ka pa rin? Pagagalitan ka ni nanay kapag nalaman niyang--"

"Si nanay kasi kuya," huminga siya nang malalim habang nagpipigil pa rin ng mga luha, "nahimatay siya bigla kanina pag-uwi ko galing ng eskuwelahan. Hindi ko alam ang gagawin kaya naman tinawagan ko na lang si Ate Lia. Hindi ako nagpaalam sa kaniya na umalis ako ngayon dahil--"

"Si nanay? Nasaan siya ngayon?" natatarantang tanong namin at mas binilisan ang paglalakad upang makauwi na.

"Nandoon siya ngayon sa bahay nina Lola Cielo at inaalagaan na siya."

Hindi dapat namin siya iniwan nang gano'n katagal lalo na't hindi maiiwasan ang mga ganitong pangyayari. Marahil ay malalim na pangamba ang naramdaman niya kanina.

"Magiging ayos lang ba siya, kuya, ate?"

"Paano na si nanay niyan kuya? Bakit tila hindi bumubuti ang lagay niya sa mga gamot?"

Hindi ko alam kung paano sasagutin ang dalawa kong kapatid. Nagdasal na lang ako sa isip habang hawak-hawak ko ang kamay nilang dalawa. Sa kanan ko si Filip, habang nasa kaliwa naman si Felice.

"Walang mangyayari kung mangangamba lang tayo. Ipagdasal na lang natin siya." Pero maging ako'y nangangamba rin at natatakot. Kahit kailan ay hindi pa namin siya idinala sa ospital. Hindi namin alam kung ano ba talaga ang totoong kondisyon niya.

Ilang saglit pa ang dumaan at nakarating din kami sa bahay ni Lola Cielo. Bukas ang kanilang tarangkahan. Kumatok kami sa pintuan ng kanilang sala at binuksan iyon ni Lisay. Nakauniporme pa siya at mukhang kauuwi lang galing sa trabaho.

"Isaiah! Buti naman at nandito ka na," wika nito at inaya kaming umupo. Pero nanatili akong nakatayo dahil hindi ako mapakali. Inilibot ko ang paningin sa bahay nila. "Nasaan ang nanay namin? Kumusta na ang lagay niya?"

Iniibig KitaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon