Kabanata 06: Pagkikita

169 18 3
                                    

MAHALIA

Binagsak ko ang katawan sa sopa at pinagmasdan ang kabuuan ng sala. Katatapos ko lamang linisin ang buong bahay. Pagod man pero masarap sa pakiramdam. Malinis at maaliwalas na ang buong paligid.

Iilan lang sa mga damit ko ang inilagay ko sa aparador. Karamihan sa mga 'yon ay dadalhin ko sa Villoralba dahil kay Lola Cielo naman ako titira.

Humiga ako at pinakinggan ang mga kanta sa lumang kaseta namin. Nakabukas din at nakatutok sa 'kin ang bentilador kaya naman hindi ko napigilang antukin, dala na rin ng pagod. Naramdaman ko ang pagbigat ng mga talukap ng mga mata ko hanggang sa unti-unti na akong makatulog.

Pagkagising, una kong nahagip ang telepono namin na naroon sa ibabaw ng lamesa. Ilang araw na ako rito pero hindi pa rin tumatawag sina Mama. Siguro, hindi naman sila nag-aalala sa 'kin. Marahil ay malayo pa rin ang loob nila dala ng kahihiyang dinulot ko roon.

Panginoon, alam kong handa Mo akong tanggapin at patawarin muli. Ako ba ang hindi kayang magpatawad sa sarili ko?

Napabuntong-hininga na lang ako at tinapik-tapik ang sariling balikat. Kasalanan ko naman din 'to. Ako ang lumayo, hindi sila.

Habang nagninilay-nilayan, biglang nahagip ng mga mata ko 'yong napulot kong kuwaderno kahapon kaya naman dali-dali ko iyong kinuha.

"Ano kayang mayro'n dito?"

Pagbuklat ko, nahulog sa sahig ang isang nakaipit na larawan. Pinulot ko 'to at pinagmasdan ang dalawang lalaki. Tinitigan ko ang mga mata ng bata, katulad ng mga mata n'ong kuyang estranghero. Ama niya siguro ang kasama niya sa larawan.

Tiningnan kong muli ang loob. Medyo nakamamanghang malaman ang petsa. Limang taon na rin pala ang lumipas noong isulat niya 'to.

'P3tsa: En3r0, 1990
Nam3: Isai4h P0gi'

'Sabi ng guro ko kanina, ang pangit ko raw magsulat ng mga sanaysay. Grabe naman siyang manghusga, ano? Para akong sinaklob ng mga ulap at lupa! Kaya heto ako ngayon, inaayos ang pagsusulat. Wala akong makausap kanina. Buti na lang nakakita ako ng lapis at kuwaderno. Gusto ko nang bumalik sa dati naming bahay. Ang dami kasi naming alaala doon nina nanay, tatay, Filip, at Felice. Kanina pa nga iyak nang iyak 'tong si Filip at ayaw tumahan. Sinabi ko na lang sa kaniya na may nagpaparamdam doon kaya kinailangan naming lumipat. Pero sabi ba naman niya sa 'kin, 'Ano ako, dalawang taong gulang para takutin? Nasa unang baitang na 'ko sa elementarya, uy!' Hahaha (≧▽≦), aywan ko ba roon. Hindi ko nga alam paano siya patatahanin.'

Bigla akong natawa sa paraan ng pagkakasulat niya. Napahagikhik ako at biglang nawala ang pagkalumbay. Pinunasan ko ang mga luha sa pisngi habang tumatawa. Ano ba 'tong binabasa ko? Nakikilala ko ang isang taong hindi ko personal na kilala.

Ililipat ko pa sana iyon sa kabilang pahina nang mapagtanto kong hindi ko pala dapat 'yon basahin o pakialaman. Mabilis ko na lamang sinarado ang kuwaderno at inilagay ulit doon sa lamesa. Inipit ko na lang din sa unang pahina 'yong larawan.

Nagpasya akong lumabas muna at tumungo sa parke upang makalanghap ng sariwang hangin. Mas malapit iyon kina Lola Cielo at medyo may kalayuan sa bahay namin.

Iniibig KitaWhere stories live. Discover now