Chapter 16

35.1K 954 1.5K
                                    

Chapter 16

"Sieana, umamin ka nga sa 'kin. Mayro'n na bang namamagitan sa inyo—" pinutol niya 'ko.

"Magkaibigan lang kami..."

Sinubsob ni Sieana ang mukha niya sa ibabaw ng mesa at bumuntonghininga. Napailing na lang ako sa kaibigan ko. Hindi niya 'ko maloloko sa sagot niya.

Alam kong may nagbago na sa kanila ni David. Okay na silang dalawa, at pakiramdam ko'y may relasyon na sila ng lalaki. Itinatanggi lang ni Sieana. Ako ang nasasaktan para kay David dahil itinatago siya ni Sieana.

Kahit ako'y naguguluhan sa aming dalawa ni Terrence. Sinabi niya na nagseselos siya kay Zion noong gabing 'yon. Ibig bang sabihin no'n . . . na may nararamdaman na siya para sa 'kin?

Ayaw kong umasa, lalo na't may girlfriend siya. Ako lang din ang magmumukhang tanga dahil binigyan ko ng meaning ang sinabi niya. Katawan lang naman ang habol niya sa 'kin, at 'yon lang ang halaga ko para sa kanya.

Siguro kapag pinagsawaan na niya ako, bigla na lang niya akong iiwan sa era. Pinaghahandaan ko na rin ang bagay na 'yon, pero mahihirapan akong isalba ang puso ko. Ni hindi na nga ako makaahon sa nararamdaman ko para sa kanya.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" gulat kong tanong kay Zion nang mabungaran namin siya sa labas ng room.

Alam kong may klase pa siya, at siguradong nag-cutting na naman ang loko. Hindi ko na alam kung ano pa'ng balak niya sa buhay niya. Sa kanilang magkakaibigan, si Zion ang nararamdaman kong maliligaw ng landas.

Kailan ba siya magseseryoso sa buhay?

"Hindi ako pumunta rito para sa 'yo, huwag kang assuming," pinitik niya ang noo ko.

Pinandilatan ko siya at hinaplos ang noo ko. Ilang saglit lang ay lumapit si Zion kay Sieana at hinawakan ang palapulsuhan ng kaibigan ko. Hihilahin na sana ni Zion si Sieana pero humarang ako sa harapan nila.

"Saan mo dadalhin ang kaibigan ko?" I raised a brow.

"Cafeteria," ani Zion at nilingon si Sieana. "Sabay kaming kakain ng lunch. Kung gusto mong kumain, eh, 'di, puntahan mo si Renzo. Doon ka sumabay."

Habol ang tingin ko sa dalawa na naglalakad na palayo sa 'kin. Hindi man lang umabot si Sieana sa balikat ni Zion. Gano'n din ako kapag kasama ko si Terrence. Sobrang tatangkad nilang magkakaibigan.

Si Dave lang ang naiiba na blonde ang buhok. Habang si Zion ay madalas na nagsusuot ng hoodie. Bihira nga lang mag-uniform ang lalaking 'yon.

"Kumain ka na?"

Napahawak ako sa dibdib sa gulat nang marinig ang boses ni Terrence. Hindi ko man lang napansin na nakalapit na siya sa 'kin. Nawala na sa paningin ko sina Zion at Sieana. Isa pa sa iniisip ko'y baka makita sila ni David.

Siguradong suntok ang aabutin ni Zion sa kaibigan niya.

"Hindi pa, pero busog pa 'ko."

Tatalikuran ko na sana si Terrence pero hinawakan niya ang palapulsuhan ko. "Samahan mo 'kong kumain."

Nagtaas ako ng kilay. "Bakit? Kailangan pa ba kitang subuan?"

Bumitiw siya sa 'kin, natutulala sa sinabi ko. Mahina ko siyang hinampas. "Joke lang! Basta libre mo 'ko, ha?"

Tumango siya. "Where do you want to eat?"

"Kahit saan, basta sa lugar na mabubusog ako."

Nakasunod lang ako sa kanya hanggang sa makarating kami sa parking lot. Mukhang balak niya pang lumabas kami ng school. Syempre, pagkain ang usapan kaya hindi ko siya tatanggihan. Simula nang tumira ako rito sa Maynila, masasarap na pagkain na ang natitikman ko.

Tears of Fate (Tears Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon