Chapter 15

8.6K 171 0
                                    


Chapter 15





Pagod akong umuwi dahil sa stress sa thesis namin. Dumagdag pa ang nalalapit na defense na kailangan kong paghandaan at ang mga requirements na kailangang ipasa. Pinindot ko ang switch ng ilaw at natulala nang makita ko si Kheious sa may lamesa na may hawak na cake.



"Happy Anniversary, love."



Kaagad na nawala ang pagod ko dahil doon. Sinalubong ko siya ng yakap, naiiyak dahil dito. Sa ilang taong relasyon namin ay ni minsan hindi talaga siya nakalimot.



"Ang daming pagkain," manghang sabi ko habang nakatingin sa mga nakahain sa lamesa.



"Niluto ko lahat iyan."



"Aw, thank you, love."



Pinaghatak niya ako ng silya bago siya naupo. Hindi ko alam kung ano ang uunahin dahil nakakatakam lahat, lalo na iyong inihaw na manok.



"Happy Anniv?"



"Happy Anniv."



Nag-tose kami bilang tanda ng selebrasyon. Tulad ng inaasahan sobrang sarap ng mga pagkain na inihanda niya. He really have a skill in cooking. Siya rin nga ang madalas na nagluluto kapag nandito siya.



"Ako na, love." Kinuha ko sa kaniya ang pangkuskos ng plato.



"Tutulungan kitang maghugas."



"Ako na. Magpahinga ka na roon. Ikaw na nga nagluto tapos ikaw pa maghuhugas."



"Sabi ko naman, 'di ba? Gusto kitang alagaan at pagsilbihan."



"You're already doing that, love. Ngayon ako naman. Sige na matulog ka na."



"Kung iyan ang gusto mo, sige, pero rito lang ako sa sala para mabantayan kita." Hinagkan niya ako sa noo bago iniwan.



Tinanggalan ko muna ng dumi ang mga hugasin at ipinatas bago sabunin para mas madali kong mahugasan. Marami iyon pero dahil inspired akong maghugas madali ko lang na natapos. Hindi pa rin mawala ang kilig ko dahil sa surprise niya kanina. Bumili pa talaga siya ng bulaklak kahit hindi ako mahilig.



Gusto niya raw kasi na maranasan ko-- kahit na palagi naman niyang pinaparanas. Matapos maghugas ay tinuyo ko lang ang kamay ko at pinuntahan na siya sa sala. Lumuhod ako sa sahig upang mas maayos ko siyang mapagmasdan.



Ang gwapo niya talaga, Lord. Mahal na mahal N'yo po talaga ako.



Mula sa maamo niyang mukha ay bumaba ang tingin ko sa kamay niya. Napukaw ng atensyon ko ang mga lapnos at sugat doon. Bumigat ang pakiramdam ko nang makita iyon. Ganoon ba karaming plato ang hinugasan niya para magkasugat-sugat nang ganito ang kamay niya?



Naiyak ako nang maisip na nagtrabaho siya nang sobra at naghugas ng napakaraming plato para lang ma-surprise ako at mabili ang mga iyon. Minsan tuloy napapatanong ako sa taas kung deserve ko ba siya. Kumuha ako ng gamot upang gamutin ang mga sugat niya. Mabuti na nga lang at mahimbing ang kaniyang tulog.






Good Morning, love : )


Huwag ka masyadong magpapakapagod. Naluto ko na ang breakfast mo. Kain ka na. I love you.






Napangiti ako nang mabasa iyon. Mukhang nasa training na siya ngayon. Sabado kaya wala akong pasok pero hindi ko alam kung makakapahinga ako dahil sa thesis. Mahirap mag-aral pero mas mahirap humanap ng pampaaral. Danas ko iyon bilang isang working student.



Naglinis ako ng bahay, sinamantala ang pagkakataon na wala akong pasok sa trabaho at sa eskwela. Naglaba na rin ako dahil tambak na ang labahin namin. Masyado kasi kaming abala pareho. Nang matapos sa gawain ay ang thesis ko naman ang tinrabaho ko. Hindi ko nga alam kung sino ba ang nagpauso nito.



Sa sobrang abala ko nga sa ginagawa ay hindi ko na napansin pa ang oras. Nagpa-deliver na lang din ako ng pagkain para sa hapunan dahil wala akong oras para magluto. Bukod pa roon ay sa training camp naman kakain si Kheious.



Kumain lang ako habang nanunuod para makapagpahinga at ma-relax kahit saglit. Bumalik din ako agad sa trabaho dahil malapit na ang pasahan nito. Sa sobrang pagod nga ay hindi ko na namalayan na nakatulog ako rito sa sala.



Madilim pa sa labas nang magising ako. Nakahiga na ako sa sofa, bagay na ipinagtaka ko dahil nakalupagi ako sa sahig ang huli kong naaalala. Nang tingnan ko ang pwesto ko kanina ay natunaw ang puso ko nang makita si Kheious.



"Tinuloy niya," mahinang sambit ko habang nakatingin sa screen ng laptop ko.



Hindi ko natapos iyong powerpoint na ginagawa ko kagabi dahil sa sobrang antok. Mula sa siyam na slide bago ako makatulog ay nasa dalawampu't tatlo na iyon ngayon. Ginawa niya kahit pagod siya sa training.



"I love you." Yumuko ako at hinagkan siya sa noo.













"Finally, thesis defended! Uuwi ka na ba, Anaia?"



"Oo, wala na rin namang klase mamaya. Sobrang nakaka-drain ang araw na ito. Gusto kong matulog."



"Magce-celebrate kami sa pizza house d'yan sa may tapat ng school. Hindi ka ba sasama?"



"Kayo na lang. May usapan din kasi kami ni Kheious kaya uuwi ako nang maaga."



Isinilid ko lang sa bag ko ang mga gamit at umalis na. Magaan ang loob ko habang naglalakad sa corridor dahil sa wakas ay naka-survive na ako sa madugong thesis. Parang nitong nakaraan lang ay iniiyakan ko pa iyon. Pero tingnan n'yo naman pwede na akong umuwi at mag-move on. Napahinto ako sa pagpasok dahil sa gulat nang sampalin si Kheious ng  tita niya. 



Nandito siya?



"Ano ba naman ang ginagawa mo sa buhay mo? Binagsak mo na nga iyong subject mo noong nakaraang sem tapos ngayon... haysst! Kheious naman!"



"Sinubukan ko po, Auntie, pero hindi ko talaga kaya. Mahirap piliing maging masaya sa bagay na una pa lang hindi mo naman pinili."



"Sayang kasi ang taon. Kaunting panahon na lang magiging nurse ka na. Hindi mo ba naiisip iyon?"



"Kahit makatapos po ako ng nursing kung hindi iyon ang gusto ko wala rin po. Baka nakakalimutan n'yo po na buhay ang hahawakan ko kung sakali. Mahirap gawin iyong bagay na napipilitan ka."



"At talagang ipagpapalit mo pa ang pagna-nursing sa pagpe-perform na iyan? Kheious, wala kang mapapala d'yan. Sa nursing sigurado ng magkakaroon ka ng maayos na trabaho at kita. Nand'yan ang mama mo para tulungan kang makasunod sa Canada. Inihahain na sa 'yo ang oportunidad pero ayaw mo pa. Ano bang mayroon d'yan at hindi mo mabitawan?"



"Dito po ako masaya."



"D'yan ka masaya? Sige, d'yan ka! Kinausap na ako ng mama mo at sinabihan na niya ako na ihihinto na niya ang suporta. Gusto lang namin na mapabuti ka tapos ganiyan naman ang ginagawa mo sa buhay mo. Kung gusto mong sayangin ang buhay mo sa bagay na walang kasiguraduhan, bahala ka." Sinakbit na nito ang bag at umalis na.



Hindi ako nito pinansin at nilampasan lang. Ni hindi ko man lang nagawang umimik dahil sa tindi ng sagutan nila kanina. Nilapitan ko siya at niyakap. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Ang tanging alam ko lang ay gusto kong maramdaman niya na nandito ako.



"Anong nangyari? Bakit siya nagagalit nang sobra?"



"Hihinto na ako sa pag-aaral."





—Azureriel

Rhythm of Solitude (COMPLETE✔)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon