Chapter Seven

1.4K 50 4
                                    


HINDI siya partikular sa mga antiques ngunit nang makita niya ang collections ni Guada ng mga china wares ay napanganga siya. Lalo pa nang ikuwento sa kanya ang istorya ng bawat isa sa koleksyon nito.

Mayroon din itong mga old coins na nagmula pa sa isang lumubog na galleon. At ang mga iyon ay singtanda ng panahon ng mga kastila.

"Mayroon din akong mga jars na mula sa shipwrecked na natagpuan sa Fortune Island."

"Mayroon ding mga jars ang Mama na binili pa niya sa Europe. Hindi ko na lang matandaan kung saan. Antique collector din kasi siya. Isang silid sa Villa Aurora ang ipinalaan niya para sa kanyang mga collections. Sana'y makapasyal kayo roon at makita ninyo. At tinitiyak ko na magkakasundo kayo ng Mama."

"Palagay ko nga. Mabait naman kasi si Aurora sa pagkakatanda ko."

Walang pinaligtas kahit mallit na detalye si Krizelda. Ang lahat ng antique na nasa loob ng silid na iyon ay kinunan ng larawan.

"Bakit kayo nahilig sa pagkokolekta ng mga antique?" naitanong niya.

"Ang karamihan sa mga antique na ito ay minana ko pa sa aking ina, hija. Sa kanya ako nagmana ng pagkahilig sa mga ito."

"Napakagaganda, Tiya Guada! Kahanga-hanga ang collections ninyo."

"Salamat, hija. Halika na. Ipakikita ko naman sa iyo ang aking mga orchids."

Kung breathtaking ang mga antique ni Guada ay higit ang orchid farm. Halos malula siya sa dami ng mga bulaklak at hindi malaman kung alin ang uunahing kunan ng larawan.

"Mayroon kaming flower shop sa bayan. Si Laura ang namamahala doon. Katulad ko'y mahilig din siya sa mga orchids."

Pumitas ng isa si Guada at matapos ipaliwanag sa kanya na iyon ay produkto ng cross breeding ay inilagay sa tainga niya ang kulay violetang orchid.

"Hindi sapat ang isang araw para makunan ko ng larawan maging ang pinakamaliit nito, Tiya Guada," nagbibirong sabi niya na natutuwa sa gesture ng matandang babae.

"Then, bakit hindi ka tumigil dito sa amin ng mga dalawa o tatlong araw? Kahit isang linggo'y puwedeng-puwede, hija, at ikatutuwa ko," nanghihimok nasabi ni Guada.

"Dalawang linggo lamang ang bakasyon ko sa Paso de Blas."

Hinawakan nito ang braso niya. "Please, hija. Hindi mo man lang ba ako mapagbibigyan kahit dalawang araw?"

Napakabait ni Guada at ang tulad nito'y napakahirap tanggihan.

"Kung inaalala mo si Margarita ay tatawagan ko siya at ipagpapaalam kita."

Talaga nga palang gustong-gusto ng matandang babae na maging bisita siya sa tahanan ng mga ito.

Sumang-ayon siya. "Sige, Tiya Guada. Ako na ang tatawag kay Margarita para sabihing ipadala sa tauhan ng hacienda ang aking gamit."

"Hay... salamat," nakahingang sabi nito.

Na lalong ikinangiti ni Krizelda.

Walang kalahating oras mula nang tawagan niya si Margarita ay dumating ang tauhang inutusang maghatid ng gamit niya.

Ang guestroom na ibinigay sa kanya ni Guada ay may french window at mula roo'y tanaw niya ang orchard at ang swimming pool.

Nag-aanyaya ang tubig at nahihikayat siya. Nilingon niya si Guada na nakangiting pinagmamasdan siya.

"Would you mind if I take a dip in the pool, Tiya Guada?" tanong niya.

"Suit yourself, hija. Feel at home. At anumang oras na gusto mong mag-ikot sa orchard ay walang pumipigil sa iyo. Ligtas ka sa bakuran ng mga Redoblado. Walang sinumang mangangahas na pumasok dito. Ako at si Laura ay madalas na nagtutungo rito kahit na hatinggabi."

Kristine Series 05: Ang Lalake Sa LarawanWhere stories live. Discover now