Chapter Eleven

1.4K 49 0
                                    


WALA ang mag-anak ni Señor Fidel at lumuwas ng kabayanan. Naanyayahan sa bahay ng gobernador ang pamilyang Martin upang pag-usapan ang binabalak ni Señor Fidel na pagtatayo ng isang Five-Star Hotel sa poblacion ng Cantabria.

Nasa kuwarto niya si Krizelda at nakaupo sa rocking chair na malapit sa bintana. Inuugoy-ugoy habang nasa malalim na pag-iisip.

Nang makarinig ng tunog ng helicopter ay napadungaw ang dalaga sa bintana. Napakunot ang noo niya nang makitang bumababa sa helipad—ilang metro ang layo sa helicopter ni Don Rafael—ang helicopter ng namayapang si Don Leon Fortalejo.

Sino ang sakay ng helicopter? tanong niya sa sarili.

Nang mapawi ang ingay ay nakita niyang bumaba ang dalawang lalaki, at kahit sa malayo ay hindi siya maaaring magkamaling isa sa mga iyon ay si Gabriel!

Gabriel! sigaw ng isip niya at nagmamadaling lumabas ng kuwarto. Muntik pa niyang maka-bangga si Ismael na galing din sa kuwarto nito.

"Slow down, Kriz! Walang humahabol sa iyo," natatawang sabi ni Ismael, na kung hindi siya naalalayan ay baka natumba siya.

"He's here, Ismael! Sumunod siya!" hindi magkandatutong sabi niya sa kapatid.

"Who?" takang tanong nito.

"S-si Gabriel!" bulalas niyang tila maluluha sa kagalakan. "He came to rescue me, Ismael! Hindi niya ako pinabayaan!"

Nangunot ang noo ni Ismael at walang sabi- sabing hinawakan siya sa braso at iginiya pababa ng marangyang hagdanan.

Malapit sa landing ay nakita nilang nakatayo si Don Rafael at si Donya Aurora. Papasok naman sa pintuan si Clara kasunod sina Bernard at Gabriel.

Gustong takbuhin ni Krizelda ang binata ngunit nagdalawang-isip siya. Naisip na paano kung hindi naman pala siya ang dahilan ng pagtungo roon ng binata? Paano kung sumama lamang ito kay Bernard para makita ang Villa Aurora at hindi sa dahilang para hingin kay Don Rafael ang kamay niya?

"The lucky guy," narinig niyang komento ni Ismael nang mapatingin sa kanila si Gabriel.

Nagtama ang paningin nila ng binata sa loob lamang ng ilang saglit pagka't ipinakilala na ito ni Bernard kina Rafael at Aurora.

Nagpatuloy sila ni Ismael sa pagbaba sa hagdanan.

"Gusto ko kayong makausap, Don Rafael. Sana'y pagbigyan ninyo ako," narinig niyang sabi ni Gabriel sa kanyang papa.

Bumilis pang lalo ang tahip ng dibdib niya.

Hindi kaagad sumagot si Don Rafael, parang tinatantiya ang binatang kampanteng nakatayo sa harapan nito.

"Sumunod ka sa akin," ani Don Rafael mayamaya at nagpatiuna sa paghakbang patungo sa library.

Noon lamang lubusang lumapit kina Aurora at Bernard ang dalawa.

"Hello, Krizelda," bati ni Bernard sa dalaga.

Ngumiti siya at hindi nagawang magsalita pagka't sumungaw ang luha sa mga mata.

Napatingin sa kanya si Aurora at mababakas sa mukha nito ang pang-unawa.

ILANG minuto na ang nakalipas mula nang pumasok sina Don Rafael at Gabriel sa library. Nakabibingi ang katahimikang namamagitan sa dalawang kapwa nagpapakiramdaman.

Si Gabriel ang unang bumasag sa katahimikan. "Narito ako para hingin sa inyo ang kamay ni Krizelda. Mahal ko ang inyong anak at nakahanda akong pakasalan siya."

Nanatiling nakatayo si Gabriel sa harap ni Don Rafael habang ang huli'y nakaupo sa likod ng mesa at nagpapausok ng pipa.

"Hinahangaan ko ang tapang mo, binata. But what makes you think na papayag akong makasal sa iyo si Krizelda?" Nanunuri ang mga mata nitong nakatitig kay Gabriel.

"Maaaring mahirap ako kung ikukumpara sa kayamanan ninyo pero hindi naghihikahos. Tinitiyak ko sa inyong maibibigay ko ang karangyaan kay Krizelda."

Without a word ay tumayo si Don Rafael at lumapit sa bintana. Humitit ito mula sa pipa at ibinuga ang usok kasabay ng malalim na buntong-hininga.

"Hindi nabibili ng salapi ang kaligayahan ng tao, Señor."

"Alam ko kung ano ang nararapat para sa aking anak."

"Ako ang mahal ni Krizelda."

"Matututunan din niyang mahalin si Rex!" Humarap ang matanda kay Gabriel. "Alam kong hindi imposible 'yon!"

"Bakit, senor, ganoon din ba sa inyo si Donya Aurora?"

Walang nais ipakahulugan si Gabriel sa sinabi ngunit nakita niyang nagdilim ang anyo ni Don Rafael. Nagtagis ang mga bagang nito.

"Anuman ang damdamin sa akin ng aking esposa ay hindi pinag-uusapan dito."

Tila may nasaling siya sa damdamin ng matanda na hindi niya alam kung ano.

"Ipakakasal ko si Krizelda sa anak ni Fidel at walang makapipigil sa akin! Sinuman ang magtatangkang humadlang ay mamamatay!" Nagpakatatag si Gabriel at tinitigan si Don Rafael. Mata sa mata.

"You have to deal with me kung gayon, señor. With or without your permission ay ibabalik ko si Krizelda sa Paso de Blas!"

Mabalasik ang anyong lumapit sa binata si Don Rafael.

"Oras na lumabas ng pinto ng villa si Krizelda ay kalilimutan kong anak ko siya. Ipagkakait ko sa kanya ang pagiging isang Fortalejo. Nakatitiyak akong hindi iyon gugustuhin ni Krizelda, binata."

Sa tinuran ni Don Rafael ay hindi nakaimik si Gabriel. Walang anak na nais matakwil ng magulang.

Sinamantala ng don ang pananahimik ng binata. Inakalang nanalo ito. "There's more than enough room for visitors pero hindi kita itinuturing na bisita. Kaya makaaalis ka na."

"NASAAN si Krizelda?" mabagsik na tanong ni Don Rafael sa esposa nang makitang sina Ismael at Bernard na lamang ang kausap nito sa sala.

Kasunod ng don ang walang imik na si Gabriel.

Tumayo ang tatlo nang makalapit ang dalawa.

"Nasa kuwarto na niya si Krizelda, Rafael.

Kasama si Aura."

Binalingan ni Don Rafael si Bernard. "Sa ibang pagkakataon na lamang kita iimbitahing manatili sa Villa Aurora, Bernard. Gusto nang umuwi ng iyong kaibigan." Hindi man tahasan ay nangangahulugang pinaaalis na nito ang dalawa.

Tila bale-wala namang nagkibit ng balikat si Bernard at nagpaalam kina Aurora at Ismael, at pagkatapos ay binalingan ang amain.

"Sana'y dumalo kayo sa kasal, Tio Rafael," anito at nagpaalam na.

Tumango ang don sa imbitasyon ni Bernard para sa kasal nito at ni Jewel.

Habang pabalik sa helicopter ay nagtanong si Gabriel sa kaibigan. "Pakakasal na ba kayo ni Jewel, Bernard? Ang sabi mo sa aki'y matatagalan pa dahil sa pagkamatay ni Don Leon."

Tumawa si Bernard at nakita niya ang pangingislap ng mga mata nito.

"Hindi ko nakumbinsi si Don Rafael, Bernard, kaya huwag kang magsaya. Aalis ako ngayon, pero babalik ako sa ibang araw. Kung kinakailangang itakas ko si Krizelda..."

"No need to do that, Gabriel."

Napakunot-noo si Gabriel, hindi maunawaan ang tinutukoy ng kaibigan.

"Malalaman mo riri kung bakit ko sinasabi ito, Gabriel."

Nakalapit na sila sa helicopter. Sinenyasan ni Bernard ang pilotong si Mitchel na aalis na sila. Unti-unting umikot ang elesi at mayamaya pa'y napuno ng ingay ng helicopter ang paligid.

Binuksan ni Bernard ang pinto. Pinauna si Gabriel.

At namangha ang binata nang makita kung sino ang naghihintay sa kanila sa helicopter!


                                                    **********

Kristine Series 05: Ang Lalake Sa LarawanWhere stories live. Discover now