KABANATA 4

5 0 0
                                    

Mas inagahan ko ang pagpasok ngayon dahil may Flag Ceremony. Tulad ng dati, wala pa sila at tanging guard at mga utility personnel pa lang ang nandito.

"Good morning, Miss Cleah." bati nito sa akin. "Napakaaga niyo po talagang pumasok." nakangiti niyang turan.

"Good morning din po. Nasanay na lang."

Sarado pa ang faculty room kaya sa bench uli ako dumiretso at tumambay. Pinanood ko si Kuya Elmer na ngayon ay nagdidilig ng mga halaman. Si Kuya Noli naman ay abala na rin sa pagwawalis sa hallway. Napaka sisipag nila kaya talagang tumagal din sila rito.

"Hay. Dapat kasi ay sa iyo na talaga ipahawak ang susi ng faculty room para hindi na natin kailangang dito maghintay."

Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ko si Jacob. Maganda ang ngiti nito na ngayon ay paupo na rin sa tabi ko. Sinuklian ko rin siya ng ngiti.

Sa araw-araw ba naman naming pag-aabot sa ganitong sitwasyon ay hindi pa ba ako masasanay?

"Ayos lang iyan." natatawa kong sagot. "Tsaka ayoko rin ng responsibilidad, 'no? Haha! Kung ako ang hahawak ng susi, paano pa ako aabsent niyan para makipag date kay Luk?" pagbibiro ko at hindi niya naman ako binigo dahil talagang natawa rin siya.

"Hindi kita pipigilan dyan kung iyan ang gusto mo." sagot pa niya.

"Wow. Supportive."

"Syempre 'no. Sa tagal naming magkakasama rito ay ngayon lang gumanyan iyang si Luk kaya masaya talaga kami."

Hindi ko tuloy maiwasan ang mapangiti. Lahat ng mga tao sa paligid namin ay talagang nakasuporta sa amin.

"Kailan niyo balak magpakasal? If you don't mind me asking." nakangiti subalit may pag-iingat niyang tanong.

Natawa ako. "Hindi naman siguro spy question iyan ano?" may panunuri kong tanong.

"Come on, Cleah! Hahaha! Naitanong ko lang talaga, I swear. Walang alam si Luk dito." hindi makapaniwala niyang balik sa akin.

I can't help but grin. "Okay... sabi mo eh." mapanukso kong sagot. "Hmm. Hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol dyan. Tsaka isang taon pa lang kami."

"Sus. Hindi na kayo mga bata, ano? Kung gugustuhin niyo nga ay puwedeng-puwede na. As long as mutual understanding with mutual feelings kayo, okay na iyon."

May punto siya. Naiisip ko rin naman ang tungkol sa bagay na iyon. Alam kong hindi na rin kami bumabata at ayoko rin namang mas patagalin pa pero...

"Hindi pa ba siya nagpapahiwatig sa 'yo?" tanong niyang muli. Tipid na iling lang ang tanging naging tugon ko. Hindi ko alam kung bakit may dumaang lungkot sa pakiramdam ko. "Hayaan mo. Sigurado naman akong si Loukas na ang makakatuluyan mo." hindi siya sa akin nakatingin nang sabihin iyon kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na pagmasdan siya.

Ang ganda ng side profile niya. Sobrang tangos ng ilong niya at ang nipis ng mapupulang labi niya. Mahaba rin ang pilik mata niya na bumagay sa bilog na bilog na mata niya.

"Sige lang... habang wala pa si Loukas." mayamaya ay sabi niya na hindi pa rin ako nililingon. Napakunot noo naman ako. "Titigan mo lang ako habang wala pa ang seloso mong nobyo." nanunudyo niyang dugtong na siyang nagpatinag sa akin at agad na hinampas siya!

"Hoy!!" asik ko na nagpahagalpak sa kaniya. Pasaway! "Pero Jake, hindi nga? Bakit wala ka pang girlfriend?" puno ng kuryosidad kong tanong nang makabawi sa sinabi niya. Mabait din naman siya at may itsura. In fact, guwapo siya. Well, lahat naman silang magbabarkada. Even Gabbin at lalo si Kenneth. May kaniya-kaniya silang appeal but it makes me wonder why up until now, mga wala silang girlfriend.

"Siguro kasi teacher ako?" natatawa niyang sagot.

"Ano namang kinalaman noon?"

"Busy."

Ganoon ba iyon? Kung sa bagay. Ilang beses ko nga rin palang narinig ang linyang "mag-asawa ka na bago magturo at baka tumanda kang dalaga."

"Kaya ikaw, huwag mo ng pakawalan iyang si Luk. Sa style mo na workaholic din, baka mahirapan ka ng magka boyfriend uli. Mukhang kung hindi ka pa nga kinulit ni Luk, hindi ka magkakagusto." tatawa-tawa niyang sabi. "Sa wakas! Bukas na rin! Tara?" aniya nang dumating na ang co-teacher namin na key holder.

Hindi na talaga.

Nakangiti ko siyang sinundan papasok sa faculty room namin. Nandito na rin ang iba pa naming mga kaibigan at dahil sila Kimberly at Gabbin ang nakaassign ngayon sa flag ceremony, sabay sabay na rin kaming pumunta sa gym. Nakapila na rin ang mga bata at ilang sandali pa ay nagsimula na rin kami. Bagay na bagay talaga silang magkapartner sa mga event dahil para silang iisa. May ilang pili ring mga bata para mag lead ng prayer hanggang exercise.

"And of course, if there are honest students, we also have honest teachers." buong siglang anunsyo ni Kimmie.

Every first week of the month ay nakagawian na ng school namin na bigyan ng award ang mga tapat na estudyante na nagbabalik ng mga lost and found na gamit. Nakakatuwang may ganito dahil naeengganyo ang mga bata na gumawa ng tama. Pero hindi ko alam na kasama na ngayon ang teachers kaya nagulat ako nang tawagin ni Gab ang pangalan ko.

"Miss Cleah Jae of Grade 10-Trust."

Naghiyawan ang mga bata at kaliwa't kanan ang kantyawan mula sa mga kaibigan ko kahit hindi ko na maalala kung ano ang ibinalik ko.

"Talagang nasa iyo na ang lahat, binibini." pagbibiro ni Gab habang isinasabit sa akin ang ribbon ng honesty award.

"And wait! There's more!" bulalas ni Kimmie bago pa man ako makabalik sa pila ng mga bata. "May bago tayong award!" aniya. "At kasama ka uli ro'n, girl." bulong niya naman sa akin habang nakalayo ang mikropono.

Ako? Anong award?

"Tama ka riyan, Miss Kimberly. This is to inspire and motivate our students in going to school. So, to begin with, let us first acknowledge and give recognition to our fellow teachers who have been consistently early since our school opening." anunsyo ni Gab.

"Yes, Sir Gab. So we have two consistent early bird awardees. Para ngang hindi lang sila this year early birds. Lalo na itong si Miss." natatawang saad pa niya na alam kong ako ang tinutukoy dahil sa akin siya nakatingin.

"Please join us here and receive your certificate of recognition Mister Jacob Sebastian and once again, Miss Cleah Jae Concepcion."

Napailing na lang ako habang nakangiti.

"Akalain mo iyon?" ani Jacob nang samahan at dahulan ako rito sa stage.

"Grabe ka na, girl. Hakot recognition since last year." panunukso naman ni Kimberly.

"Ano pang hindi mo kayang gawin?" biro pa ni Gab.

"Wala, eh. Jack of all trades nga sabi ng mga bata." sugsog naman ni Jacob sa dalawa.

"Congratulations Mister Sebastian and Miss Concepcion. Keep it up."

"Yes. Parang sisipagin na rin akong pumasok ng maaga, Miss Kimberly." pagbibiro pa ni Gab.

Nang makabalik kami sa pwesto ay sinalubong ako ni Luk. "Proud boyfriend here." bulong niya. Parang kiniliti ang puso ko. Pakiramdam ko tuloy ay kaya kong tapusin lahat ng trabaho ko ngayon.

WHEN LOVE AND PRIDE COLLIDE (When Doubts and Trust Collide Sequel)Where stories live. Discover now