KABANATA 3

24 2 0
                                    

--○--

NANG sinakop ng dilim ang kalangitan, rinig ko mula sa di kalayuan ang mga alulong ng kakaibang hayop. Mistulang tunog ng aso o baboy. Ang tunog nito ay para bang nakapaligid lamang sa kabuuang bahay ni tito. Narinig ko rin ang mga kaluskos sa bubong at sa harapan ng mga bintana at pintuan maging ang dagundong na mga paos na ungal. Dahil sa mga tunog na ito, nakaguhit sa mukha ni tito ang pangamba. Madali niyang kinuha ang mga kumpol ng bawang sa kabuuang sahig ng bahay. Hinagis pa niya ang asin maging ang mga kalamansi sa sahig habang inuumpog ng mga nilalang sa dilim ang dalawang bakal na bintana at pinto.

Nang sumuko na ang mga bintana at pinto dahil sa malakas na salpak, hindi masukat ang panlalaki ng aking mata dahil sa aking nakita. Kitang-kita ko ang mga nakatayong malalaking asong tila mga tigre na masamang nakatitig sa amin. Mula sa dilim ay makikitang tila ito ay mga bultong tao sa anyo ng aso. Napapaligiran nila ang bahay ni tito ngunit di naman sila makapasok para bang iniiwasan nila na makaapak ng asin at bawang. Tuwing tinitingnan nila ito ay umuungal sila sa amin habang tumutulo ang laway nila at ang kanilang mga mapupulang mata ay nanggigil sa amin na halos gustong-gusto nilang lapain kami ng buhay.

Nangatal ang bawat parte ng aking katawan.Napadapa ako sa aking kinatatayuan at halos di ko maigalaw ang aking binti. Ang kanilang amoy na di maisukat ang sangsang ng kamatayan at ang kanilang itsura ang siyang lalong nagpagimpal sa aking hininga. Dahan-dahang humihina ang paglanghap ko sa hangin mula sa aking ilong. Nangangapos kong pilit na sinasagap ang hangin sa aking bibig. Napapikit na lamang ako habang dinadama ang paghihinagpis, habang nilalakbay ang alaalang pinipilit kong kalimutan ngunit sadyang nanunumbalik. Nanunumbalik ang karahasan.

"Takbo Jas! Takbo!'

"Iwan muna kami'

"Hindi! Ma! Pa!"

"Ate! Ah! Ate! Tulungan mo ako!"

"June! Huwag niyong sasaktan si June!"

Rinig ko ang sarili kong malakas na iyak na humihikbi sa gabi habang pinipilit kong gumapang sa sahig kahit na di naman gumagalaw ang aking binti upang umusad.

"Hasmin! Diyan ka lang!" sigaw ni tito na parang di naman natakot sa mga nilalang na umaatake sa amin. Di pa siya nakontento, hinagisan pa niya ang mga ito ng asin na siyang dahan-dahang pag-atras ng mga ito.

"Hoy! Mga asbo hindi ba kayo sumusunod sa utos ng lider niyo! Nangahas pa kayong umatake dito!" singhal pa ni tito.

"Gutom na gutom na kami!" tugon ng iba sa kanila na umugong para bang ilang araw na silang di kumakain at kami ang natyempohang hapunan.

Mula sa itaas ay rinig na rinig namin ni tito ang pagmamartilyo ng bubong. Nang maangat ko ang bubong, laking gulat ko nang magkaroon ng malaking butas sa bubong, Nakatambad sa itaas ang mga mukha na limang nilalang na hindi naman nakatitig kay tito kundi nakatitig sa akin. Lumakas ang aking iyak na naging sigaw habang mariin akong napapikit.

"Umalis kayo! Umalis kayo!" sigaw ko sa isipan habang nangangatal pa rin.

"Mabangong laman! Mabangong laman!" sigaw ng ilang nilalang sa itaas hanggang sa nagkaroon ng sulampak sa sahig.

Ang bubong ay susuko na dahil sa bigat ng mga ito. Hindi na nga nakayanan ng bubong, kasabay ng paglagapak ng ilang parte ng bubong ay ang paglagapak ng limang halimaw sa sahig.

"Ah!" sigaw nila na parang nasasaktan sa tinatapakang bawang at asin.

Ang kanilang mabuhok na paa ay parang nasusunog, lumalabas ang usok na tila ba niluluto sila ng mga bawang at asin. Ngunit palapit na palapit ang mga halimaw sa akin. Rinig ko ang malalakas nilang yabag , kasing dagundong ng higante. Iniinda ng mga halimaw na ito ang mga lapnos galing sa asin at mga bawang. Unti-unti na silang lumalapit sa akin na halos ramdam ko na ang malakas ng hanging nilalanghap nila maging ang kanilang paos na unggol na para bang bulong sa aking tenga hanggang sa—

Isla De JuanWhere stories live. Discover now