KABANATA 6

10 2 0
                                    

--○--

"DESIDIDO ka na ba Hasmin? Aalis ka na?" tanong ni tito Sinto sa akin halatang na dismaya sa aking biglaang desisyon.

Marahan kong itinupi ang aking mga damit at kinuha ang ilang kagamitan ko at inilagay sa kama para ilagay ko na sa itim kong bag. Iyon ang aking desisyon, ang umalis dahil sa bawat araw na nagtatagal ako sa isla, ang posibilidad na magbago ulit ang aking desisyon. Kung saan man ako tutungo, hindi ko alam dahil kahit magrenta ako ng kwarto sa kahit saan, wala akong maituturing na tahanan. Si tito Sinto ang huli kong tahanan, siya lang ang natitira kong pamilya na minahal ako at inalagaan.

"Sorry po tito. Huwag kang mag-alala, tatawagan kita sa cellphone mo," tugon ko rito para di siya mangamba. Tatawag na lang ako sa kanya para mangumusta pero wala na akong balak na bumalik pa sa islang ito.

Nang mailagay ko na ang lahat ng aking kagamitan, tsaka ko hinawi ang aking tingin sa mesa kung saan ko nilagay ang aking banga. Nanlaki ang aking mata nang madatnan ng paningin ang mesang walang garapon. Mabilis kong binuksan ang apador ngunit wala ito roon. Sinilip ko pa ang ilalim ng kama maging sa lamesa ngunit wala pa rin doon.

"Tito may nakita ba kayong garapon dito?" tanong ko kay tito na nagbabasakali na baka alam niya.

"Yong garapon ba? Eh kanina, nandito si Jane. Sabi niya kukunin niya utos ni Leod. Alam mo namang mahilig iyon sa garapon."

Kumaripas ako ng takbo, ramdam ang mabilis na pagbuga ko ng hininga sa aking bibig hanggang sa marating ko ang mansyon ngunit wala ito roon, wala rin si Leod. Pumaroon ako sa tambayan ngunit nadatnan ko lamang si Danilo at Maury.

"Saan si Jane!" usig kong tanong.

"Baka nasa lawa, doon sa dulong bahagi ng mansyon," sagot naman ni Maury na tinuro pa ang daan kung saan ito matatagpuan. Kaya kumaripas ulit ako papunta sa lawa. Naalala ko ang mga araw noon, naglalaro kami ni Leod sa lawa. Nagtatampisaw kami habang minamasdan ang ngiti niya. Ngunit ngayon, madalang ko lang siyang nakikitang nakangiti.

Pinisil ko ulit ang aking dibdib, diniinan ko pa ito nang maramdaman ulit ang mga karayom ng sinusundot ang aking loob. Sa tuwing maiisip ko si Leod, lalo ko lamang naaalala ang mga sandaling naging masaya kami at ang mga sandaling iniwan niya ako kahit na tanggap ko siya ng buo.

Napahinto ako sa aking nilalakad nang makita ang isa pang daan patungo sa lawa. Ang daan na nasa aking harapan ay nababalutan ng mga puno. Madilim ito na parang gabi kahit na alas tres pa ng hapon. Walang sinag ng ilaw mula sa araw ang makikita tila ba natabunan ito dahil sa makakapal na mga dahon at sanga. Bawat paghakbang ko palapit sa madilim na daan, umiigting ang pagpukpok ng martilyo sa aking loob. Naramdaman ko ang pabilis ng hangin na aking nilalanghap. Ramdam ko ang pagyelo ng aking kamay at panlalaming ng pawis mula sa aking noo.

"Kaya ko to! Jas ano ba, huwag ka ng matakot. Kailangan mong kunin ang garapon bago pa maging gabi"

Pinilit ko ang aking sarili hanggang sa papikit kong tinahak ang daan. Mariin kong kinusot ang aking mahabang palda sa aking kamay para paginhawaan ang aking sarili habang patuloy na humahakbang. Rinig ko pa ang pagaspas sa aking gilid para bang may nagmamasid sa akin. Di ko gustong unahan ako ng takot, mas lalo di ko gustong idilat ang aking mata dahil ayaw kong madatnan ang aking sarili sa madilim na kagubatan. Hindi ko gustong manumbalik ang masamang alaala ng pagkamatay ng aking pamilya.

Nang maramdaman ng aking paningin na tila ba lumiliwanag ang aking pagpikit, doon ko lang idinilat ang aking mata. Laking gulat ko nang makita sina Jane at Leod na nakaupo sa daungan na yari sa kahoy. Nagtatawanan sila habang nakaupo. Ulit bumabalik na naman ang pakiramdam na kanina ay pinilit kong limutin, pinilit kong mamanhid para maibsan ang lungkot. Di ko siya kayang makita sila dahil sobrang nasasaktan ako.

Isla De JuanWhere stories live. Discover now