Chapter One

232 4 0
                                    


PAGKATAPOS ng napakahabang oras na biyahe ay nasa Bangui na si Aurora. Ilang oras din ang biyahe sakay ng rental car mula sa international airport sa Clark patungong barangay San Isidro, Bangui, Ilocos Norte.

She was tired. Gayunman, hindi mapigilan ni Aurora ang ngiting sumungaw sa mga labi niya habang nililingon niya ang mga windmills. Ito ang ikalawang pagkakataon na nakarating siya sa Bangui at nakita ang mga windmills pero hindi pa rin nagmaliw ang panggigilalas niya sa mga ito.

They looked majestic despite the fact that these windmills were man-made. Parang mga diyoses na nakatunghay mula sa baybayin at sa wari ay mga bantay sa bayan-bayanang nakapaligid.

Ilang sandali pa ay papasok na sila sa Barangay San Isidro. Hindi inaasahan ng kasintahang darating siya ngayon. Ang alam ni Gregor ay bukas pa ng gabi siya darating mula sa Seoul, kung saan siya nag-stopover mula sa Spain.

But she decided to go home one day ahead of schedule. Hindi naman season kaya madali siyang nakapagpa-rebook. Nalaman niya mula sa huling pag-uusap nila ni Gregor na umuwi ito sa bayan nito sa Ilocos Norte noong isang araw pa dahil ayon dito ay may mahalagang aasikasuhin. Susunduin siya nito sa Clark International Airport at sa Bangui na ito manggagaling.

Hindi niya tinawagan si Gregor para sabihing nakakuha siya ng earlier flight from Spain to Seoul. She wanted to surprise him by going to his place in Bangui. Magugulat pa itong tiyak kapag sinabi niyang pag-usapan na nila ang pagpapakasal.

Naging magkasintahan sila ni Gregor sa isang hindi pormal na paraan. Inantala niya ang pagsagot dito dahil nangako siya, silang magkapatid sa tatay nila na magtatapos ng pag-aaral bago mag-boyfriend. At nang mamatay ang itay niya nitong nakalipas na isang buwang mahigit ay naroon si Gregor parati, nakikiramay at nakikipighati sa kanya. Mula noon ay parang nagkaroon ng mutual agreement sa pagitan nilang dalawa.

At bago siya umalis patungong Europa ay magkasintahan na sila.

Regalo sa kanya ng tatay niya ang trip niyang iyon. At magkikita dapat sila ng nakababatang kapatid na si Nadja sa Thailand. Subalit hindi na nangyari iyon. Nagpasabi si Nadja na uuwi ngayong linggong ito. Six weeks late since the death of their father. Pero hindi niya makuhang sumama ang loob sa nakababatang kapatid.

Nang mamatay ang itay nila ay nasa laot ito sa isang European ship cruise na may kinalaman sa kurso nitong Hotel and Restaurant Management. Limang araw pa ang biyahe sa dagat bago ang pinakamalapit na port. And by that time, nailibing na ang itay nila. Pinayuhan niya ang kapatid na tapusin na lamang ang cruise. O i-extend ayon sa naunang plano ni Nadja.

Sa bahagi niya, hindi na sana niya nais pang ituloy ang European tour niya. Subalit ipinilit ng stepmother niyang tumuloy siya dahil sayang ang airline tickets na patiuna nang binili ng tatay niya. Ayon dito ay hindi biro ang halaga ng mga iyon. At upang kahit paano ay mabawasan ang sakit na nararamdaman niya sa pagkawala ng ama.

"Saan po ang address na pupuntahan ninyo, ma'am?" tanong ng driver na pumukaw sa pag-iisip niya. "Narito na po tayo sa San Isidro."

"Pakibagalan mo lang ang pagpapatakbo," aniya at nilinga ang paligid. Apat na buwan na ang nakalipas nang sila ng tatay niya ay nagtungo rito.

Nang masiguro niyang tama ang bahay ay nagpababa siya sa driver ng rental car sa tapat ng nakabukas na gate. Pinagulong niya ang di-kalakihang maleta niya. She smiled. Natitiyak niyang masosorpresa niya ang kasintahan. Sinuri niya ng tingin ang di-kalakihang bahay na ayon dito ay minana pa nito sa mga magulang. Tipikal na disenyo ng mga sinaunang bahay. Konkreto sa unang palapag at kahoy sa itaas. Konkreto rin ang lampas-taong pader at may wrought iron gate na itim ang pintura.

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyWhere stories live. Discover now