Chapter 31

114 12 0
                                    

"MAMA, nakauwi na tayo. Masaya ka na?" tanong ni Lei at pilit na ngumiti sa ina.

Bumuntong-hininga si Mary-Ann. "Iba talaga kapag nasa sarili kang tahanan."

Hapon nang maiuwi nila sa bahay ang kanyang ina matapos asikasuhin ang discharge papers nito at ilang mga permits. Sa pamamagitan ng ambulansya, hinatid sila hanggang sa bahay. Ang kasama nilang dalawang nurse ang nag-ayos ng mga aparato na dala nila ikakabit sa kanyang ina.

Pasado alas-diyes na ng mga oras na iyon. Nauna nang natulog si Lana dahil pagod ito sa galing sa school. Naupo si Lei sa gilid ng kama nito. Katatapos lang ayusin ng mga medical staff ang mga medical equipment na pinahiram ng ospital sa kanila. May mga nurse din na araw-araw na pupunta sa bahay para i-monitor ang kalagayan nito. Lahat nang iyon ay naging posible dahil kay Carter at sa Ninong nito.

"Anak, may problema ka ba? Kahapon ko pa napapansin na hindi kayo nag-uusap ni James. Magkasama kayo doon sa kwarto maghapon sa ospital pero halos hindi kayo nag-uusap."

Sa halip na sumagot ay tahimik siyang lumuha at pilit na ngumiti. Matapos ang matinding pag-aaway nila, hindi na umalis ng ospital si Carter. Nanatili ito doon hanggang sa maiuwi nila sa bahay ang kanyang ina. At sa buong maghapon na iyon ay hindi niya kinausap ang nobyo. Tiniis niya itong hindi kausapin para ipaintindi na hindi niya nagustuhan ang ginawa nito at nagseselos siya. Hanggang sa makaalis ito at kaninang umaga, pilit itong tumatawag at nagtetext ngunit hindi niya sinasagot hanggang sa mga oras na iyon.

"Ayos lang po kami," sa halip ay sagot niya.

Hiniga niya ang ulo sa tiyan nito at yumakap. Lalong naiyak si Lei nang maramdaman ang marahan na haplos ng ina sa kanyang buhok.

"Naalala mo pa noong bata ka? Kapag may nang-aaway sa'yo, umuuwi ka ng bahay na umiiyak. Tapos yayakap ka ng ganito sa akin. Kapag tinanong kita kung bakit ka umiiyak, ang sabi mo lang wala. Hanggang ngayon ay ganoon ka pa rin, pilit mo pa rin tinatago sa akin kapag nasasaktan ka."

"Okay lang po ako, Mama."

Inangat niya ang mukha para makita ang mukha ng ina.

"Anak, kung ano man ang hindi ninyo pagkakaintindihan, ayusin n'yo ni James. Walang hindi nadadaan sa magandang usapan. Mahal na mahal ka niya, anak. Maniwala ka sa akin."

Malungkot siyang ngumiti at tumango.

"Masyado nang umikot ang buhay mo para sa akin, anak. Kinalimutan mo ang sarili mo para lang paulit-ulit na dugtungan ang buhay ko. Salamat. Maraming salamat sa sakripisyo mo."

Lumuluha siyang umiling. "Mama kita eh, siyempre mahal kita. Gagawin ko ang lahat para sa'yo."

"Patawarin mo si Mama kung naging pabigat ako sa inyong magkapatid."

"Hindi ka pabigat sa amin, Ma."

"Kapag nawala na ako, gusto ko maging masaya ka sa buhay mo kasama si James. Maraming taon na ang ninakaw ko mula sa'yo. Panahon na anak para ang sarili mo naman ang asikasuhin mo."

"Mama naman, huwag kang magsalita ng ganyan," umiiyak na sabi ni Lei.

"Kahit hindi n'yo sabihin, nararamdaman ko na konti na lang ang ilalagi ko sa mundo. Ipangako mo sa akin, anak, na kahit magpakasal kayo ni James. Huwag mong pababayaan si Solana. At itong bahay na naipundar namin ng Papa mo, huwag na huwag ninyong ibebenta. Para sa inyong magkapatid ito."

"Mama," umiiyak na usal niya.

"Mangako ka sa akin, anak."

"Pangako po," sagot niya sa pagitan ng pag-iyak.

The Ex-Con Billionaire's Indecent ProposalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon