GB20

1K 23 1
                                    

1942

Maaliwalas ang buong paligid at di mababanaag ang sigalot na namamayani sa isang marangyang tahanan malapit sa plaza real ng bayan. Tila Mahal na Araw ang buong kapaligiran, tanging huni ng pipit, maya at iba pang hayop ang pumupuno sa katahimikan ng lugar. Tirik na tirik ang araw at ni isang tao o karatela man ang dumaraan sa Calle Magallanes kung saan naroroon ang mga bahay ng magkasintahang Alejandro't Serefina.

Sa sala ng mga Lazo ay humahangos na pumanaog ang isang pawisang Fidel at hinahagilap ang matalik na kaibigan ngunit ang tanging nabungaran nito'y si Pacencia na tumatangis na tila baga'y namatayan at sobra sa paghagulgol.

Agad na dinaluhan ni Fidel ang kasintahan at pilit na pinapatahan. Lumipas ang ilang sandali'y dumating ang galit na galit na si Don Tiburcio, ama nila Alejandro't Pacencia, na puyos ng pagkamuhi ang mga mata. Agad nyang nahagilap ang unica hijang humahagulgol na tila wala ng bukas kaya agad na napukaw panandali ang galit nito. Liningon ni Don Tiburcio si Fidel at tahimik na nagtanong sa pamamagitan ng pagtitig ngunit walang maisagot ang huli pagkat pati sya rin ay di alam kung bakit nagkakagayon ang kasintahan hanggang sa marinig nila ang sigaw ni Doña Guadalupe.

"TIBURCIO! TIBURCIO!" sigaw ng ginang habang tumatakbo tungo sa asawa, "isang masamang balita!" bungad nito.

Hinarap agad ng ginoo ang kabiyak at sinenyasang manahimik at ininguso si Fidel na nakatitig sa kanila habang inaalo ang kasintahan. Tumango ang ginang at agad iginiya ang Don tungo sa silid-aklatan at agad isinara ang pinto matapos nilang makapasok.

Matagal pa bago tuluyang tumahan si Nena at dala marahil ng pagkahapo sa ginawang paghagulgol ay nakaidlip ito sa balikat ni Fidel. Maingat namang pinahiga ng huli si Nena at agad na hinanap ang mayordoma sa bahay upang ibilin ang iniirog at nagpaalam na hahanapin pa ang kaibigan ngunit bago pa man sya makababa ng hagdan ay bumukas ang pinto sa silid-aklatan at tinawag sya ni Doña Guadalupe na pumaroon. Tumalima naman agad si Fidel.

Pagkasara muli ng pinto ng silid ay makikitang nakatunghay ang Don sa isang family portrait ng mag-anak na nakasabit sa kaliwang panig ng silid samatala, ang ginang nama'y naupo sa isang upuan at tinakpan agad ang mukha ng mga kamay na tila ba humuhikbi at si Fidel ay naroroon nakatayo sa gitna ng silid na di malaman ang dapat gawin.

"Hindi ito ang aking inaasahan para sa aking unico hijo," panimula ni Don Tiburcio, "ngunit, Fidel, ano ba ang dapat kong gawin?" at saka lumingon sa kausap na galit na galit ang mga mata.

Napakamot sa kilay ang pobreng binata pagkat di nya rin mawari ang mga pangyayari.

Sa kabilang ibayo nama'y tahimik na naglalakad sa pampang ng ilog Bulihan ang isang binatang nakayukyok ang ulo habang nakapamulsa. Wala ninuman ang naroroon pagkat walang nangangahas lumabas ng kanilang tahanan dala na rin ng banta dulot ng mga Hapong naroroon ngunit hindi ito inalintana ng binata.

Patuloy pa rin sya sa paglalakad habang titig na titig sa lupa at nang makakita ng isang batong medyo maningning, ay walang pasubaling sinipa ito ng pagkalakas-lakas...

"ARAY!" daing ng isang babae sa di kalayuan.

Agad na napataas ng tingin ang binata at agad nakita ang isang babaeng hinihipan ang paang napinsala. Tumakbo ang lalaki tungo sa dalaga upang daluhan at tulungan ito dahil sa pag-aakalang ang batong sinipa kanina ang syang may kagagawan nito.

"Pasensya na binibini, di ko sinasadaya!" paghingi nya ng paumanhin, "masakit ba? Halika pagamot tayo sa ninong kong mangagamot!"

Ngunit wari'y di sya narinig ng dalaga pagkat patuloy pa rin nitong hinihipan ang binting nasaktan kaya muling inulit ng binata ang mga sinabi.

"Por Dios!" sambitla ng dalaga habang nakatitig sa alapaap, "hindi ako bingi!"

Namula sa pagkapahiya ang pobreng binata, ngunit bigla syang tinapik ng kaharap sa balikat, "Pasensya na kung nabulyawan kita ngunit ano bang ipinapapaumanhinan mo?" may pagtatakang tanong nito.

The Bride Where stories live. Discover now