Eighteen

2.5K 62 7
                                    

Hindi na ako nakagalaw sa aking kinatatayuan. Para akong nakakita ng multo dahil sa ekspresyon ng mukha ko. Gulat na gulat ako sa aking nakita. Hindi ko akalaing ngayon ang araw nang pagbalik ni Ashley mula sa Boston.

Natatawa na lamang ako sa aking sarili ngayon. Sobra akong na-sorpresa ngayong araw. Hindi ko pa nga naso-sorpresa ang pamilya ko, naunahan naman ako ng ibang sorpresa mula sa ibang tao. Ano ba kasi ang plano ng tadhana sa akin? Sa amin? Ano ba ang gustong laro niya?

Napahigpit na lamang ang kapit ko sa aking bag. Naiisip ko pa lang na nandito na si Ashley sa Pilipinas ay kinakabahan na ako? Ano ba ang gagawin ko kapag magkita kami? Ano ang magiging reaksyon naming dalawa? Sino ang unang magsasalita? Sino ang iiwas?

Marami akong katanungan ngayon kaya't hindi ko pa magawang pumasok ng gate. Parang paralisado pa ang buong katawan ko dahil sa pangyayari kanina. Nakita ba ako ni Ashley kanina? Mukhang hindi yata. Naka-side-view siya at mukhang lutang. Hindi naman siya nakadungaw sa may bintana. Parang diretso lamang ang kanyang tingin. At kung gano'n nga, ako pa lang ang may alam sa aming dalawa na nandito na siya.

"Ar?"

Napalingon ako kaagad sa likuran ko nang marinig ko ang boses ng kapatid ko. Medyo gulat pa ito nang makita niya akong nasa harapan niya mismo.

"Tangina," sambit nito. "Ar! Ikaw nga!" hindi makapaniwalang wika nito saka niya ako niyakap nang mahigpit.

Mabilis ko namang tinapik-tapik ang braso niya. Hindi ako makahinga. Parang kakapusin na ako ng hangin kapag ipinagpatuloy niya pa ang ginagawa niya.

"Sorry na. Nadala lang ako sa emosyon," natatawang wika ni Kuya Alrick saka nito kinuha ang travelling bag ko. "Naku, matutuwa si Mama kapag nakita ka niya. Ewan ko lang, baka maiyak pa 'yon sa tuwa."

"Sigurado 'yon, matagal-tagal na rin kaya akong hindi umuuwi rito." Paninigurado ko sa kanya habang sabay kaming naglalakad patungo sa loob ng bahay.

"Abala ka siguro sa pambababae do'n kaya hindi ka na nakakauwi rito," wika ng kapatid ko.

"Hindi, 'no!" agad kong dipensa sa sinabi niya. Kailan pa ako nambabae sa San Miguel. At kung tungkol naman kay Miranda ang pag-uusapan, hindi ko naman siya pinormahan do'n kaya kami nagkakilala.

Napaatras naman ako ng sundutin ni Kuya Alrick ang tagiliran ko. "Uy, ha! Huwag kang maglilihim sa akin. Naka-move on ka na kay Ashley kaya alam kong naghanap ka na naman ng babae do'n," sambit pa nito.

Napailing na lamang ako. Kung alam lang siguro ng kapatid ko ang hirap na dinanas ko sa paglimot kay Ashley ay hindi niya sasabihin ang katagang move on na 'yan. Paano naman kasi ako makakalimot ng gano'n na lamang kabilis kung patuloy pa rin akong umaasa? 'Yon lang talaga ang ipinalpak ko.

Gwapo nga ako. Tanga naman.

At kung alam lang din ng kapatid ko ang dinaranas ng puso ko ngayon. Siguro, nasapak na niya ako. Ewan ko ba, pinaglololoko ko lang yata ang sarili ko ngayon. Wala na kasing nagawang matino. Puro na lamang kapalpakan kaya madalas akong masabit sa gulo.

xxx

Hindi pa rin natigil si Mama sa kahahalik sa aking mukha. Na-miss niya raw ako ng sobra kaya't hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tumitigil sa kahahalik sa akin. Hindi niya rin ako tinantanan sa kayayakap, kulang nalang ay kurutin na ako ni Mama dahil sa kanyang pang-gigigil.

"Naku naman anak, dapat nagsabi ka sa Kuya Alrick mo na uuwi ka para naman napaghandaan ko ang pagbabalik mo." Sabi ni Mama sa akin habang nilalagyan niya ng ulam ang pinggan ko.

Ngumiti ako kay Mama. "Kaya nga hindi na ako nagsabi dahil gusto ko kayong sorpresahin."

"Oo, na-sorpresa ako sa'yo sa may gate. Akala ko mangkukulam na makikitira sa bahay," pang-aasar ni Kuya Alrick.

"Buysit ka talaga," sambit ko naman.

Kaagad naman kaming sinaway ni Mama. Hindi raw maganda ang nagtatalo o nag-aasaran sa hapag-kainan. Na-miss ko ang parteng ito dahil do'n sa San Miguel kapag kumakain kami ni Jacq puro kagaguhan lamang ang pinagkwekwentuhan namin at walang namamagitan sa amin. Maliban na nga lang kung kasama namin si Mikaela. Kumbaga sa class officers, siya ang Peace Officer.

"Hay Arianne, na-miss ko rin ang mahaba mong buhok." Bakas sa mukha ni Mama ang panghihinayang sa buhok kong mahaba na kaagad ko namang pinaputol.

"Mama naman. Masanay ka ng naka-boy cut si Ar-Ar," sabi naman ni Kuya Alrick kaya't tumango-tango na lamang si Mama.

Pagkatapos naming kumain, nagkwentuhan muna kami sa may balkonahe. Tinanong ako ni Mama kung naging maayos daw ba ang kalagayan ko do'n sa San Miguel. Kung hindi raw ba ako nagbibisyo do'n. Kung matino nga ba ang mga kaibigan ko. Maraming tanong si Mama sa akin kaya nga hirap akong sagutin lahat.

Unang pumasok si Mama. Kailangan na raw niyang magpahinga. Pati na rin daw ako ngunit mamaya na. Kailangan ko munang makipag-usap sa kapatid ko.

"Kuya, alam mo bang doble ang sorpresang naramdaman ko ngayon." Paunang salita ko sa kanya habang nakasalumbaba.

"Bakit naman doble? Ano naman 'yon?" tanong nito sa akin.

"Nakita ko si Ashley kanina sa bus. Mukhang sabay kaming umuwi rito sa San Vicente," kwento ko sa kanya.

Gulat ang rumehistro sa mukha ng kapatid ko. Hindi na ako magtataka kung bakit. Apat na taon na rin ang lumipas, akala ko, namin, hindi na siya babalik pa.

"Nakita ka ba niya?" tanong nito.

"Hindi. Buti na nga lang, eh." Sagot ko naman.

"Ano naman ang naramdaman mo nang makita mo siya?" tanong nito ulit sa akin.

Napahilot na lamang ako ng sentido saka tumingin sa kapatid ko. "Ewan ko ba, parang kinabahan ako. Parang tutol ako sa pagbabalik niya. Ewan, hindi ko na alam."

Mending ArianneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon