Twenty Six

2.5K 65 5
                                    

Napamulat ako ng mata nang maramdaman ko ang pagtama ng sinag ng araw sa aking mukha. Tumagilid na lamang ako dahil hindi ko pa ramdam ang bumangon. Hihilain ko sana pataas ang kumot ng bigla kong mahawakan ang kamay ni Miranda na nakapulupot sa bewang ko.

Nilingon ko ito at tumagilid ako pakanan para makita ang kabuuan ng kanyang mukha. Hindi ko ito maipagkakaila ngunit kahit natutulog si Miranda ay maganda pa rin ito. Kasing ganda ng araw ko ngayon.

Itinaas ko ang aking kamay para haplusin ang kanyang mukha. Hindi na rin masyadong halata ang sugat niya sa mukha dahil unti-unti na rin itong naghihilom. Napalunok ako nang mapatingin ako sa labi niya. Ang labi niyang dumampi sa akin kagabi. Isang pangyayaring masarap ulit-ulitin sa wastong panahon.

"Maganda ba ang tanawin?" nakapikit na tanong sa akin ni Miranda kaya't kaagad kong binawi ang kamay kong humahaplos sa mukha niya.

Nataranta ako kaya bigla akong napabangon mula sa pagkakahiga.

"Good morning," bati ko sa kanya at mabilis akong pumasok ng banyo.

Ano ba kasi itong kagaguhan ko?

xxx

Sama-sama kaming kumain ng agahan. Katabi ko si Miranda habang ang kapatid ko naman ay nasa harapan ko at mariing nakatingin na para bang inoobserbahan ako.

"Kahapon ka lang dumating," kausap ni Kuya Alrick kay Miranda, "tama ba?"

"Ah, oo, medyo matagal ang byahe papunta rito," magiliw na sagot naman ni Miranda at nagpatuloy ito sa pagkain.

Tinapos na ng kapatid ko ang kanyang pagkain saka ito uminom ng tubig.

"Bakit hindi mo sinabi na darating pala ang kaibigan mo?" tanong naman nito sa akin at inilapag ang baso sa mesa.

Napatirik naman ako ng mata. Heto na naman siya at mag-iimbestiga na naman.

"Eh, hindi ko naman alam na may balak siyang pumunta rito, eh." Direktang sagot ko sa kanya.

"Baka naman may tinatago ka," mabilisang sabi naman ng kapatid ko.

Bigla akong naubo dahil sa narinig ko. Buti na lang at kaagad akong binigyan ng tubig ni Miranda. Ano na naman ba kasi ang intensiyon ng kapatid ko? Napapahamak na ako rito dahil sa mga pinagsasasabi niya.

Tumikhim naman si Mama at nagsimulang magsalita. "Arianne, ipasyal mo si Miranda para naman malibang siya."

Ngumiti naman si Miranda na tuwang-tuwa sa sinabi ni Mama.

"Gusto ko po 'yan, Tita," magiliw na pagsang-ayon nito. Tumingin naman siya sa akin at hinawakan ang kanang kamay ko. "Masaya 'yon Ar, maglilibot tayo."

Kaagad naman akong napatingin sa kamay niyang nakahawak sa akin. Napalunok ako ng sariling laway at dahan-dahang lumingon sa kapatid kong nakangisi na parang nanalo sa sugal.

"Oo, Ar, masaya 'yon. Lumabas kayo ni Miranda at magsaya," pilyong wika naman ng kapatid ko saka ko siya tinadyakan sa paa sa ilalim ng mesa.

"Aray!" daing ng kapatid ko. Napatingin naman sa kanya si Mama.

"Anong nangyari?" tanong nito.

Umiling-iling naman ang kapatid kong nakatingin sa akin. "Wala Ma, nakagat siguro ako ng langgam."

Tumawa ako ng palihim. Kung marunong man ang kapatid kong makipaglaro, pwes, mas marunong akong makipaglaro ng lokohan kaysa sa kanya. Hindi ko lang kasi malaman kung ano ba ang tumatakbo sa isipan niya. Alam ko namang mabait ang kapatid ko pero pagdating sa mga ganitong sitwasyon mas may alam siya sa mga mangyayari kaysa sa akin. At, sigurado ako do'n.

"Oh siya, mag-ayos na kayong dalawa para makauwi kayo nang mas maaga." Sabi sa amin ni Mama saka ito tumayo mula sa pagkakaupo.

"Tulungan muna kita, Ma," sabi ko sa kanya ngunit umiling lamang ito.

"Huwag na anak, ako na. Nandito naman ang Kuya Alrick mo kaya't siya na ang tutulong sa akin," wika naman nito at isa-isa nang kinuha ang mga pinggan namin.

xxx

Sabay kaming lumabas ng bahay at maayos na nakapagpaalam kay Mama. Kagaya ng dati simple lang manamit si Miranda ngunit sopistikada pa ring tignan. Kahit pa yata itapon mo pa siya o guluhin man ang kanyang buhok ay maganda pa rin siya. Suot niya ang kanyang puting v-neck na t-shirt at pedal na maong na pinaresan ng kanyang itim na sapatos. Kahit gano'n lang ang suot niya ay may dating pa rin.

"Alam mo Come, masyado kang halata." Natatawang wika nito sa akin habang inaayos ang kanyang buhok.

Napatingin naman ako sa kanya na nagtataka.

"Halatang ano?" tanong ko naman sa kanya ngunit hindi ito nagsalita. Tinignan niya lamang ako at nagsimulang tumawa.

Hindi ko na lamang pinansin ang sinabi niya. Nang may dumating na bus ay kaagad akong pumara. Pupunta ulit ako ng sentro ngunit si Miranda ang kasama ko. Doon ko siya ipapasyal. Doon lang naman kasi ang maraming libangan.

Sa likod kami ng bus nakapwesto ni Miranda. Siya ay nasa malapit sa bintana habang ako naman ay nasa tabi niya. Biglang nag-ring ang cellphone ko at tinignan kung sino ang nagpadala ng mensahe. Nabasa ko ang pangalan ni Ashley sa screen at mabilis kong binuksan ang mensahe niya.

Hello Yan! Punta ka sa bahay. Gumawa ako ng cake para sa'yo. I love you! Maghihintay ako xxx

Napatingin naman ako kay Miranda na nasa tabi ko. Nakatingin lamang siya sa labas at nilalasap ang simoy ng hangin.

Kaagad naman akong nag-type ng message para i-reply kay Ashley.

Pasensya na Ash ngunit abala ako ngayon. May pinapagawa kasi si Mama na importante. Sorry.

Sabi ko at isinend ko na sa kanya ang mensahe. Hindi nagtagal naman ay inihilig ni Miranda ang kanyang ulo sa balikat ko.

"Ang saya-saya ko ngayon, Ar," mahinang sambit ni Miranda.

Napatingin naman ako sa kanya.

"Bakit naman?" tanong ko.

"Dahil nakasama ulit kita," sagot naman nito.

Napabuntong hininga naman ako nang maalala ko ang mensahe kanina ni Ashley. Sa ngayon ay nagkasala na ako.

--------------------

Note: Ipagpaumanhin niyo po kung naging matagal man ang pag-update ko. Naging abala lang ako sa mga nakalipas na araw. Alam kong huli na ang pagbati ko ngunit, Merry Christmas! Maraming salamat sa inyo, mga mambabasa.

Mending ArianneWhere stories live. Discover now